Protesta ng mga manggagawa ng PAL, sinuportahan ng KMU


Naghayag ng suporta ang militanteng sentro ng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa protestang work stoppage na isinagawa ng mga manggagawa ng Philippine Airlines para iprotesta ang malawakang kontkraktuwalisasyon sa kanilang hanay.

Philippine Airlines: Malawakang kontraktuwalisasyon, tinututulan ng mga manggagawa. (Larawan mula sa philippineair.blogspot.com)
Philippine Airlines: Malawakang kontraktuwalisasyon, tinututulan ng mga manggagawa. (Larawan mula sa philippineair.blogspot.com)

Naghayag ng suporta ang militanteng sentro ng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa protestang work stoppage na isinagawa ng mga manggagawa ng Philippine Airlines para iprotesta ang malawakang kontraktuwalisasyon sa kanilang hanay.

“Sinusuportahan natin ang pagpunta nila sa trabaho pero di paggampan ng gawain bilang protesta sa nakaambang malawakang tanggalan dahil sa kontraktuwalisasyon sa paraang outsourcing na ipinapatupad ng may-ari ng PAL na si Lucio Tan at sa pakikipagkutsaba sa administrasyong Aquino,” pahayag ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Aabot sa 2,600 regular at unyonisadong manggagawa ang nakaambang gawing kontraktuwal ng PAL manedsment. Para kay Labog, mistulang pagbuwag na rin ito ng unyon ng PAL.

Nakiisa rin ang KMU sa paghiling sa publiko na suportahan ang laban ng mga manggagawa.” Ang laban ng mga manggagawa ng PAL ay laban ng mga manggagawang Pilipino at mamamayan. Habang patuloy na kumikita sila, ginagamit ng mga kapitalista ang kasalukuyang krisis bilang dahilan para magtanggal ng mga manggagawa. Senyales ang pagpapatupad ng iskemang kontraktuwalisasyon sa PAL ng malawakang kontraktuwalisasyon sa buong bansa,” sabi pa ni Labog.

Sinabi pa ni Labog na dapat suportahan ang laban ng mga manggagawa ng PAL dahil kalaban umano nila ang isa sa pinaka-makapangyarihang negosyante sa bansa na si Lucio Tan.

“Sa pamamagitan ng kolektibong aksiyon at ating aktibong suporta sa mga manggagawa ng PAL maipagtatanggol nila ang kanilang mga trabaho at mapipigilan ang retrenchment mula sa kanilang trabaho,” paliwanag pa ng lider-obrero.

Kinondena rin ng KMU ang mga hakbang ng manedsment ng PAL para supilin ang mga aksiyong protesta ng mga manggagawa ng PAL.

Samantala, nagpahayag din ng suporta sa laban ng mga manggawa sa PAL ang isang network ng mga taong-simbahan at grupong tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa.

Binatikos din kamakailan ng bagong-tatag na Church People-Workers’ Solidarity ang pagsuporta ni Pang. Benigno Aquino III sa mga hakbang sa kontraktuwalisasyon sa PAL. (Basahin ang kaugnay na artikulo.)