Kababaihang biktima ng paglabag sa karapatang pantao, inalala
Sa pagdiriwang ng International Day for the Elimination of Violence Against Women ngayong araw, pinaalala ng kababaihan sa gobyernong Aquino na dapat ding panagutin si dating pangulong Gloria Arroyo para sa mga paglabag sa karapatang pantao ng kanilang mga kabaro. Ayon sa Gabriela, may 153 kababaihan ang pinaslang, 11 ang dinukot, at 290 ang ilegal […]

Sa pagdiriwang ng International Day for the Elimination of Violence Against Women ngayong araw, pinaalala ng kababaihan sa gobyernong Aquino na dapat ding panagutin si dating pangulong Gloria Arroyo para sa mga paglabag sa karapatang pantao ng kanilang mga kabaro.
Ayon sa Gabriela, may 153 kababaihan ang pinaslang, 11 ang dinukot, at 290 ang ilegal na inaresto noong nagdaang gobyerno ni Arroyo.
“Isang patak lamang sa isang balde ng tubig ang kasong electoral sabotage ni Arroyo. Kung gagawing mga kasong kriminal ang kanyang rekord sa karapatang pantao, sapat na ito para maikulong siya ng ilandaang taon,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Pinuna rin ng grupo na nagpapatuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Aquino. Sa termino ni Aquino, may limang kababaihan na ang pinaslang at 32 na detenidong politikal naman ang nananatiling nakakulong.
Ang ilan sa mga detenidong politikal ang nakaranas ng sexual harassment, gaya ni Charity Dino, na ininteroga ng mga sundalong militar habang suot lamang ang kanyang undergarments.
“Madalas na ginagamit ng mga awtoridad ang sexual violence para subukang yurakan ang kanilang dignidad at determinasyon na lumaban,” sabi ni Linaban.
Si Dino ang isa sa tinataguriang ‘Talisay 3’ na nakakulong sa Batangas City Jail simula pa noong 2009 sa umano’y gawa-gawang mga kaso. Isang titser at organisador ng komunidad sa may Lake Taal, inakusahang rebelde si Dino kasama sina Billy Betrina at Sonny Rogelio.
Nananawagan ang Gabriela kay Pangulong Aquino na kagyat na palayain ang 32 na babaing detenidong politikal.

Samantala, noong umaga, pinangunahan ng Gabriela at pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang paglulunsad ng isang photo exhibit at one-stop shop para sa kababaihang biktima ng karahasan. Kabilang sa mga serbisyong iniaalok ang counseling at pagbibigay ng legal advice. Layon umano ng nasabing mga aktibidad na hikayatin ang kababaihan na iulat ang mga kaso ng karahasan laban sa kanila.