Pambansang Isyu

Korte Suprema, huling depensa ni Gloria?

Kung patuloy na pumabor ang desisyon ng Korte Suprema sa dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, pagtitibayin nito ang sapantaha ng mga mamamayan na huling depensa ng mga Arroyo ang Korte Suprema.

Habang isinasagawa ang en banc session ng Korte Suprema hinggil sa petisyon ng kampo ng mga Arroyo laban sa kasong isinampa ng Comelec, nagsagawa naman ng piket ang iba't ibang grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.  Panawagan nilang hindi dapat bigyan ng special treatment ang dating pangulong Arroyo, bagkus dapat itong ituring bilang isang ordinaryong bilanggo.  (Macky Macaspac)

Ito ang sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). “Isang kahangalan at napakadelikadong hakbang para sa Korte Suprema ang agarang pagkontra sa pag-aresto kay Mrs. Arroyo sa pamamagitan ng TRO (temporary restraining order),” ani Reyes.

Nagprotesta ang Bayan sa harap ng Korte Suprema, habang nagsasagawa ng ito en banc session noong Nob. 22.

Hindi naglabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa panel ng Commission on Elections at Department of Justice (DOJ-Comelec Panel) na nag-imbestiga at nagsampa ng kasong electoral sabotage kay Arroyo.

Sa botong 10-4, dinisesyunan ng Korte Suprema na pag-isahin na lamang ang petisyon ni Jose Miguel Arroyo, asawa ng dating pangulo, at ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, na kumwestiyon sa legalidad ng nasabing panel.

Iba't ibang grupo ng mga taga simbahan ang tumututol sa pagbibigay ng 'special treatment' sa dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nasa larawan si Sr. Mary John Mananzan ng Association of Major Religious Superior of the Philippines o AMRSP. (Macky Macaspac)

The court wants to go over the comments of the government. After oral arguments the prayer will be acted upon,” pahayag ni Midas Marquez, tagapgsalita ng Korte Supema, sa mga midya. Muling magkakaroon ng hiwalay na oral arguments sa Nobyembre 29 at pinagsusumite ang makabilang-panig ng kanilang mga posisyon hinggil sa nasabing usapin.

Samantala, wala pang kapasyahan ang Korte Suprema sa inihaing petisyon ng kampo ng mga Arroyo hinggil sa usapin ng hold departture order at watchlist.

Ngunit inalis naman ng DOJ si Miguel Arroyo sa watch list ng Immigration. Katwiran ng DOJ, hindi kasama ang asawa ni Gloria Macapagal-Arroyo sa kinasuhan ng DOJ-Comelec Panel.

Ipinanawagan ng Bayan na panagutin ang dating pangulo sa kanya umanong mga kasalanan at hindi dapat bigyan ng special treatment.

Kinondena rin ng mga grupo ang tila hindi pantay na pagtrato ng gobyerno sa mga diumano’y nagkakasala sa batas. Inihalimbawa nila ang kalagayan ng mga bilanggong pulitikal na kahit walang malinaw na kaso ay ikinukulong o di kaya ay sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso, tulad ng tinaguriang Southern Tagalog 72, Morong 43, at iba pa.

Panawagan ng grupo na bantayan ng bayan ang maniobra ng kampo ni Arroyo at sampahan pa ng ibang kaso si Arroyo.

Kabilang sa dapat umano ikaso sa dating pangulo: Kasong plunder sa Ombudsman; civil case ng Morong 43 at simbahang United Church of Christ of the Philippines o UCCP; at iba pang kaso hinggil sa malawakang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

Samantala, nagsampa na rin ng kasong sibil laban kay Arroyo ang mga biyuda ng mga mamamahayag at biktima ng masaker sa Ampatuan, Maguindanao noong Nob. 23, 2009.

“Kailangang magsampa agad ng mga kaso, upang managot ang ang dating pangulo at mabawasan ang ligal na pagmamaniobra ng maimpluwensiyang kampo ng mga Arroyo,” ani Reyes.

Hinamon naman ng grupo ng kababaihan na patunayan ng Korte Suprema na ito ay tunay na korte ng mga mamamayan at hindi ng pamilya Arroyo.

“Anuman ang desisyon ng Korte Suprema, magbibigay ito ng respeto o magbibigay kahihiyan sa korte,” ani Liza Largoza-Maza, pamabansang tagapangulo ng Gabriela.  Hiniling rin nila na magbitiw na bilang kongresista ang dating pangulo.