Walang pa ring hustisya sa masaker sa Luisita

November 16, 2011

Mga naulilang anak ng martir ng HLI massacre na si Jessie Valdez: (mula kaliwa) Jeffrey, Jessie Jr. (anim na buwang nasa sinapupunan ng ina nang mamatay ang ama), at Dyesebel. Kuha noong ika-5 anibersaryo ng HLI massacre. (Ilang-Ilang Quijano)

Mga naulilang anak ng martir ng HLI massacre na si Jessie Valdez: (mula kaliwa) Jeffrey, Jessie Jr. (anim na buwang nasa sinapupunan ng ina nang mamatay ang ama), at Dyesebel. Kuha noong ika-5 anibersaryo ng HLI massacre. (Ilang-Ilang Quijano)

Pitong taon matapos ang tinaguriang Hacienda Luisita masaker, wala pa ring hustisyang nakakamit ang pagkamatay ng pitong manggagawang-bukid nang buwagin ng pinagsamang puwersa ng militar at pulis ang kanilang welga noong Nobyembre 16, 2004.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala ni isa mang nananagot sa naturang pamamaslang.

Matatandaang ilang buwan matapos ang malagim na pangyayari, nagsampa ng kasong maramihang pagpatay ang mga kaanak ng mga biktima sa Office of the Ombudsman laban sa 50 sundalo at ilang sibilyan na umano’y may kinalaman sa masaker.

Kabilang dito sina Jose Cojuangco, incorporator ng Hacienda Luisita Inc (HLI), dating Labor Secretary Patricia Sto. Tomas at Pangulong Benigno Aquino, isa sa mga may-ari ng HLI at noo’y kiinatawan ng naturang distrito.

Subalit ayon kay Jobert Pahilga, abogado ng mga manggagawang-bukid, tinanggal ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez sa kaso sina Cojuangco, Sto. Tomas at Pangulong Aquino noon pang 2008.

Romeo Ramos (gitna), kapatid ng pinaslang na presidente ng Central Azucarera de Tarlac Labour Union na si Ricardo Ramos: Naghahanap pa rin ng hustisya. Kuha noong ika-6 na anibersaryo ng HLI massacre. (Ilang-Ilang Quijano)

Romeo Ramos (gitna), kapatid ng pinaslang na presidente ng Central Azucarera de Tarlac Labour Union na si Ricardo Ramos: Naghahanap pa rin ng hustisya. Kuha noong ika-6 na anibersaryo ng HLI massacre. (Ilang-Ilang Quijano)

“Sa kasalukuyan ay nakabimbin pa rin sa Ombudsman ang kaso laban sa mga pulis at militar na may kagagawan sa masaker kasama na ang kanilang mga opisyal na nakatalaga sa Central Luzon,” sabi pa ni Pahilga.

Nakapagsumite na rin umano ang mga ito ng counter-affidavit kaugnay ng kaso.

Iginiit pa ni Pahilga na dapat may managot sa kaso. “Pero sa ngayon hindi pa nareresolba ang kaso. Kahit na nag-file na kami ng motions for speedy resolution, napakatagal magdesisyon ng Ombudsma sa ilalim ni Gutierrez noon,” aniya.

Wala ring hustisya sa mga tagasuporta

Samantala’y walang isa mang kaso ang naisampa sa pagkamatay sa mga masugid na tagasuporta ng welga ng mga manggagawang-bukid tulad nina Adel Ladera, Fr. William Tadena, Marcelino Beltran at Victor Concepcion dahil wala umanong mga testigo dito.

Kaugnay naman ng pagpaslang kay Ricardo Ramos, dating pangulo ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union, sinabi ni Pahilga na “nahuli ang suspek sa pagpatay at ngayon ay nakakulong ito. Nakatapos na ang prosecution ng presentation ng ebidensiya at ngayong November 16, and defense naman ang magpepresenta ng kanilang ebidensiya.”

Wala pa ring kasong naisasampa laban sa umano’y mga bodyguard ni Aquino noong siya’y kongresman pa na siyang itinuturo sa pamamaril kay George Loveland, isa ring manggagawang bukid sa naturang asyenda.

Dahilan ng welga

Noong Oktubre 2004, tinanggal ng manedsment ng HLI ang mahigit 300 manggagawaang-bukid kabilang ang mga opisyal ng unyon.

Nang sumunod na buwan, nagprotesta ang halos 5,000 miyembro ng United Luisita Workers Union (ULWU) at 700 miyembro ng CATLU laban sa malawakang tanggalan.

Noong Nobyembre 16, 2004, marahas na binuwag ng pulis at militar ang welga ng mga manggagawang-bukid sa bisa ng assumption of jurisdiction na inisyu ng Department of Labor and Employment (DoLE). Nagresulta ito sa pagkamatay ng pitong welgista at mahigit sa 100 ang sugatan, kabilang na ang mga may tama ng bala ng baril.

Ipamahagi ang lupa

Samanatala, nanawagan naman ang mga magsasaka sa ilalim ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala) at Anakpawis Party-list sa Central Luzon ng agaran at libreng pamamahagi ng Hacienda Luisita sa mga manggagawang-bukid para mabigyan ng katarungan ang nangyaring masaker.

“Makatarungan lamang at matagal nang dapat na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita sa mga manggagawang-bukid. Sila ang nagpaunlad, nagpayabong, nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay para sa kanilang karapatan sa lupa,” ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL at rehiyunal na koordineytor ng Anakpawis Party-list.

Sinabi pa ni Canlas na pinagsamantalahan na ng mga Cojuangco-Aquino ang mga mangagawang-bukid ng halos kalahating siglo kaya marapat lamang na mapasakanila na ang lupa sa kasalukuyan.

“Ang mga martir ng Hacienda Luisita masaker ay dapat na alalahanin at (dapat) kilalanin ang kanilang sakripisyo sa pamamagitan ng patuloy na pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa sa Hacienda Luisita. Dapat managot ang mga Cojuangco-Aquino sa kanilang pagkamatay,” sabi pa ni Canlas.