Maralitang Lungsod

Batas kontra maralita, pinababasura sa Korte Suprema


Sa martsa ng mga maralitang lungsod sa pangunguna ng Kadamay noong Marso 23, ipinakita nila sa Korte Suprema at sa publiko ang mga komunidad na naapektuhan ng polisiya ng administrasyong Aquino ng demolisyon. Pinababasura nila ang isang 20-anyos na batas na sinasangkalan ng administrasyon sa demolisyon.

Martsa ng mga maralita sa pangunguna ng Kadamay patungong Korte Suprema noong Marso 23. (KR Guda)
Martsa ng mga maralita sa pangunguna ng Kadamay patungong Korte Suprema noong Marso 23. (KR Guda)

Mula sa iba’t ibang maralitang komunidad, bitbit ang mga plakard na gumigiit ng pagtigil ng demolisyon sa kani-kanilang lugar, dumagsa sila sa harap ng Korte Suprema. Kinatawan nila ang di-bababa sa 16,000 katao sa 20 komunidad na dinemolis o pinagbantaang idemolis, sa panahon lamang ng administrasyong Aquino.

Tumungo sila doon para magsampa ng isang petisyon. Ang nais nilang ipabasura: Republic Act 7279, o Urban Development and Housing Act (UDHA) of 1992.

Para sa mga maralita, palaging "Noynoying" si Pangulong Aquino sa harap ng pagdurusa nila sa ilalim ng polisiya ng demolisyon. (Ilang-Ilang Quijano)
Para sa mga maralita, palaging “Noynoying” si Pangulong Aquino sa harap ng pagdurusa nila sa ilalim ng polisiya ng demolisyon. (Ilang-Ilang Quijano)

Umabot na sa 20 taon ang pagpapatupad ng batas na ito, na ipinagtibay noong Marso 24, 1992. Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kinakasangkapan ang batas na ito ng mga lokal at pambansang pamahalaan, pulis, militar, mga ahensiya ng gobyerno sa pabahay, at iba pang nasa kapangyarihan, para itaboy ang mga maralita. Binibigyang-daan ng pagtataboy na ito ang samu’t saring “proyektong pangkaunlaran”—ibig sabihi’y negosyo—na hindi naman umano napakikinabangan ng mga maralitang itinataboy.

Pagdating ng mga maralita sa tarangkahan ng Korte Suprema, hinarap sila ng tagapagsalita nito na si Midas Marquez. “Kung sasang-ayunan ng mga mahistrado ito (petisyon), hindi na magagamit ang UDHA para sa mga demolisyon.”

Ito ang inaasahan sana ng mga maralita mula sa Korte Suprema. Tutal, kahit pa nasa gitna ng kontrobersiya kaugnay kay Chief Justice Renato Corona, itong parehong institusyon ang naglabas ng desisyong ipamahagi na ang lupain ng Hacienda Luisita na inaangkin ng pamilya ni Pangulong Aquino.

Batayang karapatan

Pinagbabatayan ng “Petitiom for Prohibition and Mandamus under Rule 65 of the Rules of Court” ng Kadamay, Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) at Anakpawis Party-list ang Artikulo XIII ng Saligang Batas, partikular ang Seksiyon 9 at 10.

Sa naturang mga seksiyon, sinasabing tungkulin ng gobyerno ang maglaan ng abot-kamay na pabahay sa mga maralita, oportunidad para sa kanilang empleyo, karapatan laban sa demolisyon, at karapatang konsultahin kung mayroon mang panukalang ilipat sila mula sa isang lugar o komunidad.

Ayon kay Carlito Badion, lider ng Kadamay at isa sa mga tagatipon ng AKD, batayan din ng kanilang petisyon ang kinikilala ng buong mundo na karapatan para sa disenteng paninirahan. Itinadhana ito sa Artikulo 25 ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR), deklarasyong nilagdaan din ng Pilipinas. Binanggit din nito ang sinabi ni Miloon Kothari, UN Special Rapporteur on the Right to Adequate Housing na “may karapatan ang bawat tao para sa sariling bahay, at lupa.”

Tinulak nila ang mga kariton na nagdadala ng kanilang mga panawagan. (Ilang-Ilang Quijano)
Tinulak nila ang mga kariton na nagdadala ng kanilang mga panawagan. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa kabila ng paggarantiya ng Saligang Batas at UDHR sa batayang karapatang ito ng mga mamamayan, kaliwa’t kanan ang demolisyon sa Metro Manila at iba pang sentrong lungsod sa bansa. Sinasangkalan ng mga demolisyong ito ang UDHA, na bagamat ipinasa sa ilalim ni dating Pang. Corazon Aquino bilang batas para raw sa urban development and socialized housing, ay nagagamit kontra sa mga maralita.

Sinasangkalan ng demolisyon

Batayan ang UDHA noong 1992 ng pagbubuo ng isang “National Urban Development and Housing Framework.” Layon nitong gabayan ang buong programa ng gobyerno sa pabahay at pagpapaunlad umano ng urban centers.

Susing konsepto rito ang “pagpapaunlad” at “pagpapanibagong-anyo” raw ng kalunsuran—dalawang konseptong di tatanggihan ninuman, kahit ng mga maralita. Para sa Kadamay, matagal na umano nilang hangad ang kaunlaran sa kanilang mga komunidad.

Matapos magsumite ng petisyon kontra UDHA sa Korte Suprema, nagmartsa ang mga maralita sa pangunguna ng Kadamay patungong Mendiola. (Pher Pasion)
Matapos magsumite ng petisyon kontra UDHA sa Korte Suprema, nagmartsa ang mga maralita sa pangunguna ng Kadamay patungong Mendiola. (Pher Pasion)

Pero may problema sila sa pagpapakahulugan ng gobyerno sa “kaunlaran”. Malinaw sa UDHA ang kaunlaran bilang dala ng komersiyo at negosyo ng malalaking kompanya, kabilang ang mga multinasyunal na korporasyon. Ang oryentasyon ng mga korporasyong ito ay kumita para sa kanilang shareholders at may-ari. Sa madaling salita, kaunlaran ito para sa mga negosyante, hindi sa mga maralita.

Sa Artikulo II, Seksiyon 2.b.4 ng UDHA, sinasabing bahagi ng programa ng gobyerno sa pagpapaunlad ang: “(p)agbabawas sa mga di-wastong gampaning panglungsod, partikular doon sa mga nakapipinsala sa pambayang kalusugan, kaligtasan at kapaligiran.”

Dala nila ang panawagan kontra sa UDHA hanggang sa Mendiola. (Pher Pasion)
Dala nila ang panawagan kontra sa UDHA hanggang sa Mendiola. (Pher Pasion)

Sa karanasan ng mga maralita, kadalasang sinasangkalan ang artikulong ito ng UDHA para sa demolisyon: karamihan nga naman ng mga maralitang komunidad ay kabahayang gawa sa tinagpi-tagping mga kahoy, yero, semento, atbp.; kadalasang salat sa batayang mga serbisyo, tulad ng tubig, kuryente, at pasilidad-medikal, eskuwela, atbp., ang mga ito. Madaling sabihing “nakapipinsala sa pambayang kalusugan, kaligtasan at kapaligiran” ang mga maralitang komunidad. Ginamit na ito, katunayan, para idemolis ang maraming maralitang komunidad sa Makati, kabilang ang sa Laperal Compound sa Guadalupe, gayundin ang mga tenement housing sa Vitas, Tondo, at marami pang iba.

Sa iba pang probisyon ng UDHA, ayon sa Kadamay, malinaw na nakasaad na bahagi ng polisiya ng gobyerno ang pagdedemolis sa mga bahay. Sa Artikulo VII, Seksiyon 29, halimbawa, tahasang iniuutos nito sa National Housing Authority ang pagdemolis sa mga maralitang komunidad na nasa “lugar na mapanganib” tulad ng mga estero, riles ng tren, tambakan ng basura, tabing-ilog, dalampasigan, daang-tubig, bangketa, lansangan, liwasan at palaruan.

Sa madaling salita, lahat ng maralitang komunidad sa Pilipinas ay maaaring idemolis.

Noong umaga, personal na tinagpo ni Supreme Court Spokesperson Midas Marquez ang kinatawan ng mga maralita, kabilang si Anakpawis Rep. Rafael Mariano (naka-pula), dating Anakpawis Rep. Joel Maglunsod (natatakpan) at Roy Velez ng Kilusang Mayo Uno-National Capital Region (kaliwa). (KR Guda)
Noong umaga, personal na tinagpo ni Supreme Court Spokesperson Midas Marquez ang kinatawan ng mga maralita, kabilang si Anakpawis Rep. Rafael Mariano (naka-pula), dating Anakpawis Rep. Joel Maglunsod (natatakpan) at Roy Velez ng Kilusang Mayo Uno-National Capital Region (kaliwa). (KR Guda)

Pabahay na ninenegosyo

Negosyo ang dahilan ng pagpapalikas sa mga maralita. Pero sa ilalim ng UDHA, negosyo rin ang kanilang paglilipatang pabahay.

Sa Artikulo V ng UDHA, nakasaad ang mga probisyon hinggil sa socialized housing: Malinaw sa mga probisyong ito na mapagkakaloob ang mga lilipatang tirahan ng mga “kuwalipikadong” maralita sa pamamagitan ng pagbayad o itinatakdang halaga o amortisasyon kada buwan. Nakasaad din sa UDHA ang pagbigay-papel sa pribadong mga debeloper para sa “socialized housing.

Ayon sa Kadamay, naipapatupad na ang mga ito, halimbawa, sa relokasyon sa Montalban, Rizal at iba pang relocation centers ng NHA. Ang karanasan ng mga maralita: marami ang hindi nakakapagbayad dahil napalayo sila sa dating mga kabuhayan.

Samantala, “propesyunal na iskuwater” namana ng bansag ng UDHA sa mga maralitang bumabalik sa dating mga lugar na dinemolis dahil sa kawalan ng kabuhayan at abang kalagayan sa relokasyon. Kapag nabansagang “propesyunal na iskuwater” na ang maralita, madali na lamang siyang ipademolis at hindi pa kuwalipikadong makaakses sa relokasyon.

Para sa mga maralita ng Kadamay, malinaw ang gamit ng UDHA sa polisiya ng administrasyong Aquino na demolisyon para bigyang-daan ang malalaking negosyo. Kung kaya, dumulog sila sa Korte Suprema—ang siyang institusyon ng gobyernong tahasang binabangga ngayon ng administrasyong Aquino—para ibasura ang UDHA. Isang paraan ang pagbasura nito, anila, para mapigilan, kahit papaano, ang brutal na pagdemolis sa kanilang kabahayan.

Gayunman, inaasahan ang pagtutol ng administrasyong Aquino. Kung kaya, handa silang lumaban, anu’t anuman.

“Nanatili pa ring sa malakas na pagdepensa ng mga komunidad sa pamamagitan ng mga barikdang bayan nakakamit ng mga maralita ang kanilang karapatan para sa disenteng paninirahan,” pagtatapos ni Badion.