Bidyo: Dalawang pagtatanghal, sa protesta sa International Women’s Day
Dalawang pagtatanghal para sa malaking protesta ng militanteng grupong pangkababaihan na Gabriela noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

Narito ang dalawang pagtatanghal para sa malaking protesta ng militanteng grupong pangkababaihan na Gabriela noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
Ang una, bidyo ng pag-eensayo ng Sining Lila, grupong pangkultura ng Gabriela, ay protest version ng kanta ni Jennifer Lopez na “On The Floor.” Nilangkapan ng Sining Lila ang nabanggit na popular na kanta ng progresibong tindig ng Gabriela sa iba’t ibang isyu ng kababaihan at mamamayan, mula sa taas-presyo ng langis at bilihin, kakulangan ng pagsuporta ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan hanggang sa interbensiyong militar ng US sa bansa.

Bahagi na ng gawain ng Sining Lila ang paggamit ng popular na mga kanta para langkapan ng progresibong nilalaman. Sa paraang ito, mas madulas umanong naipapatagos sa kababaihan at mamamayan sa mga komunidad ang kanilang tindig sa iba’t ibang isyung pambayan.
Ang ikalawang bidyo naman ay madamdaming pagtatanghal ni Aki Merced, mang-aawit at miyembro ng League of Filipino Students, kasama ang gitaristang si Tony Palis. Tinanghal ni Merced sa dulo ng martsa ng kababaihan sa Mendiola, Manila ang kantang “Lumuha Ka Aking Bayan,” kantang hinango mula sa isang tula ni Amado V. Hernandez hinggil sa dayuhang pananakop sa Pilipinas at pag-aalsa kontra rito.
Representasyon ang dalawang pagtatanghal ng dalawang magkaibang estilo para dalhin ang iisang progresibong (at anti-imperyalistang) mensahe: Ang una, paggamit ng popular na musika para mas madulas ang pagpapahayag ng progresibong mensahe; at pangalawa, paglangkap ng madamdaming musika sa isang lumang progresibong tula ng isang proletaryadong manunulat.
Protest version ng kantang “On The Floor” ni Jennifer Lopez, inawit ng Sining Lila ng Gabriela
Aki Merced (at Tony Palis), “Lumuha Ka, Aking Bayan”