Ehersisyong militar ng US, PH sa Bikol sinalubong ng protesta

March 6, 2012

Nagprotesta ang militanteng mga grupo kontra sa pagsasanay-militar ng US at Pilipinas sa Bicol. Pakay umano ng naturang pagsasanay ang pagpapaigting ng kakayahan ng dalawang militar na maniktik sa itinuturing nitong mga kaaway. (Arkibong Bayan)

Nagprotesta ang militanteng mga grupo kontra sa pagsasanay-militar ng US at Pilipinas sa Bicol. Pakay umano ng naturang pagsasanay ang pagpapaigting ng kakayahan ng dalawang militar na maniktik sa itinuturing nitong mga kaaway. (Arkibong Bayan)

Nagprotesta ang daan-daang Bikolano sa pagbubukas ng ehersisyong militar ng US Armed Forces at Armed Forces of the Philippines, na lumalabas na bahagi ng pagpapaigting ng presensiyang militar ng US sa Pilipinas.

Tinaguriang Operation Pacific Angel 12-1, tatagal ng limang araw (Marso 5-10) sa ilang lugar sa Legaspi, Albay at Sorsogon ang naturang ehersisyong militar.

Sinabi ni John Concepcion, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Bikol, na tinututulan ng mga mamamayan ng Bikol ang pagsasanay-militar ng US sa bansa, na katatampukan ng pagsasanay sa paniniktik gamit ang makabagong pasilidad tulad ng drone planes (unmanned aerial vehicles).

Ayon sa Civil Relation Service ng AFP, layunin umano ng Pacific Angel na magsagawa ng proyektong humanitarian tulad ng medical at dental mission, gayundin ang engineering civic-action sa lokal na mga pamahalaan. Pero hindi nila itinanggi na magsasanay rin sila sa paniniktik.

“Sa unang tingin, mukhang simpleng programang serbisyong panlipunan lamang (ang gagawin nila)…Pero sa aming karanasan sa RP-US Balikatan noong 2009 at tulad din ng iba pang ehersisyong militar sa ibang panig ng bansa, laging may kasamang paniniktik at surveillance ito,” diin ni Concepcion.

Sinabi pa niya na hindi maitatago ng USAF at AFP ang ehersisyong militar sa kahit anong publicity, gimik at “posturang humanitarian ng Operation Pacific-Angel. Inililigaw umano nito ang atensiyon ng mga mamamayan sa tunay na balakin nito—ang pagtanggap sa presensiya ng tropang Amerikano sa bansa.

“Dapat tayong maging maingat sa gimik ng US. Hindi katumbas ng ilang pirasong gamot at pagkumpuni ng mga klasrum ang ating soberanya,” sabi pa ni Concepcion.

Inilinaw din ni Concepcion na hindi sila tutol sa anumang humanitarian at civic missions ngunit dapat na idaan ang pondo at implementasyon nito sa mga lehitimong non-government organizations at lokal na pamahalaan at dapat na wala itong kapalit.

Ang Pacific-Angel ay isang operasyong militar ng US Pacific Air Forces Command (PACAF) na taunang ginagawa ng US Pacific Command (US PACOM) sa mga eryang pinakikialamanan nito sa Asya. Naglulunsad ito ng tinaguriang humanitarian missions kasabay ng civil-military operations at intelligence operations upang makabisa ang kalupaan, kalawakan, karagatan, himpapawid at cyberspace.

Ang 13th US Air Force na nakabase sa Hickam Air Force Base sa Hawaii ang direktang kalahok dito. Misyon ng 13th US Air Force na planuhin, ikumand at kontrolin, ideliber at suriin ang air space at information operations sa Asia-Pacific.

Nakatalaga ito sa surveillance sa panahon ng walang giyera at maging sa mayor na mga operasyong kombat. Nasa ilalim ng US Pacific Command ang 13th US Air Force.

Nagbanta ang progresibong mga grupo na maglulunsad sila ng iba’t iba pang porma ng protesta laban sa Pacific-Angel, hanggang sa Marso 10.