Pag-antala ng wage board sa dagdag-sahod binatikos ng KMU
“Ang ahensiya (wage board) ang pinakahuling nakaalam na dapat dagdagan ang sahod ng mga manggagawa.” Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), matapos ihayag ng National Capital Region Wage Board sa midya na kinikilala raw nila ang pangangailangang madagdagan ang sahod ng minimum wage earners. Sinabi ng tagapangulo ng Regional Tripartite Wages and Productivity […]

“Ang ahensiya (wage board) ang pinakahuling nakaalam na dapat dagdagan ang sahod ng mga manggagawa.”
Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), matapos ihayag ng National Capital Region Wage Board sa midya na kinikilala raw nila ang pangangailangang madagdagan ang sahod ng minimum wage earners.
Sinabi ng tagapangulo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) sa konsultasyon noong Miyerkules hinggil sa isinampang petisyong P90 na dagdag-sahod ng Trade Union Congress of the Philippines.
Sinabi ni Alan Macaraya, tagapangulo ng RTWPB, na kinikilala ng board ang pangangailangang magdagdag sa minimum na sahod ng mga manggagawa, dahil sa inflation.
Sinabi ng KMU na matagal nang inaantala ng wage board ang kahilingan ng mga manggagawa para sa dagdag sahod.
“Nakakagalit na pakinggan ang NCR wage board na siyang pinakahuling kumilala na kailangan ng madagdagan ang sahod,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Sinabi rin ni Labog na lubhang matagal nang dapat na magpatupad ng dagdag-sahod, dahil sa patuloy na taas-presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo mula pa noong isang taon.

Duda rin ang KMU na magbibigay ng tunay na ginhawa ang wage board.
“Napaka-insensitibo nila sa aming kalagayan,” sabi ni Labog.
Bago ang pahayag ng pagkilala sa dagdag-sahod ng RTWPB-NCR, matagal nang tinatanggihan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang anumang dagdag-sahod, lalo na ang panukalang P125 across the board wage increase ng Anakpawis Party-list at ikinakampanya ng KMU.
“Asahan natin, dahil sa huli na ang reyalisasyon ng regional wage board, magbibigay ito ng kakatiting na dagdag-sahod,” sabi pa ni Labog.
Kamakailan din, sinabi ni Sek. Rozalinda Baldoz ng DOLE na mula P13 hanggang P21 lamang ang maaaring ibigay na dagdag-sahod.
Kinontra din ng KMU ang pahayag sa nabanggit na konsultasyon na mas mataas ang panimulang sahod (entry level wage) sa Pilipinas kumpara sa China, Vietnam, Indonesia at Thailand.
Anila, batay sa sarbey ng Union Bank of Switzerland noong Agosto 2011 sa 73 bansa, pumangalawa ang Metro Manila sa may pinakamababang pasahod. Pangatlo naman ito sa may pinakamababang purchasing power.
Ang Mumbai ang una at pangalawa naman ang Indonesia sa huling kategorya, ayon sa KMU.
“Maaaring mataas ang sahod sa ating bansa kumpara sa mga bansang binanggit, ngunit hindi ito nangangahulugan na mas mahusay ang pamumuhay ng mga manggagawang Pilipino,” ani Labog.
Ayon pa sa lider-obrero, dapat na pag-aaralan ang kabuuang kalagayan ng mga manggagawa sa ibang bansa. Maaaring tinatamasa nila ang mababang presyo ng batayang bilihin at maaari rin na mataas ang subsidyong ibinibigay ng kanilang gobyerno para sa panlipunang serbisyo (social services).
“Naglalatag na sila ng mga dahilan upang magbigay ng katiting na dagdag-sahod sa taong ito,” sabi pa ni Labog.