US Embassy, target ng galit ng kabataan, militanteng mga grupo sa US-PH military exercises

April 17, 2012

Seal ng embahada ng US, matapos ang lightning rally ng militanteng kabataan. (Sheng Ocampo/Contributed Photo)

Seal ng embahada ng US, matapos ang lightning rally ng militanteng kabataan. (Sheng Ocampo/Contributed Photo)

Sunud-sunod na nagrali ang militanteng mga grupo sa harap ng embahada ng US sa Roxas Boulevard, Manila para iprotesta ang nagaganap na ehersisyong militar ng humigit-kumulang 4,000 tropang US at Pilipinas.

Kaalinsabay ito ng karaban ng iba’t ibang sektor mula sa Kamaynilaan patungong Clark, Pampanga sa Central Luzon kontra sa ehersisyong militar na Balikatan.

Nagsunog ang militanteng kabataan ng watawat ng US sa mismong harap ng embahada ng US. (Maybelle Gormate/The Catalyst, PUP)

Nagsunog ang militanteng kabataan ng watawat ng US sa mismong harap ng embahada ng US. (Maybelle Gormate/The Catalyst, PUP)

Noong madaling araw ng Abril 16, sinugod ng militanteng kabataan sa pangunguna ng Anakbayan at League of Filipino Students (LFS) ang harapan ng embahada ng US.

Habang natutulog ang bantay na mga pulis at kaunti ang security guards ng embahada, binato ng pinta ang seal  ng US sa harap ng embahada.

Sinulatan nila ang pader dito ng mga panawagang kontra-Balikatan at tropang Kano, sinira ang ilang letrang bumubuo sa “Embassy of the United States of America”, at nagsunog ng watawat ng US at nagprograma ang militanteng kabataan.

Pati ang mga empleyado ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ay sumugod din noong araw na iyon sa embahada ng US. Inihayag nila ang kanilang pagtutol sa pinakabagong Balikatan exercises na gaganapin sa Palawan.

Dahil sa pagpayag na paigtingin ang presensiyang militar ng US sa bansa, inakusahan ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage, si Pangulong Aquino ng “pagtataksil” sa bayan.

Ani Gaite, nakasaad sa Section 4 ng Republic Act 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards para sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno, na “public officials and employees shall at all times be loyal to the Republic and to the Filipino people… They shall endeavor to maintain and defend Philippine sovereignty against foreign intrusion”.

Martsa ng iba't ibang militanteng grupo sa pangunguna ng Bayan at ILPS, patungong harap ng embahada ng US, noong Abril 13. (KR Guda)

Martsa ng iba't ibang militanteng grupo sa pangunguna ng Bayan at ILPS, patungong harap ng embahada ng US, noong Abril 13. (KR Guda)

Noong Abril 13, sinugod din ang embahada ng US ng iba’t ibang militanteng grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), International League of Peoples’ Struggle (ILPS), Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pa.

Bitbit nila ang isang effigy ng drone, isang unmanned aerial vehicle ng militar ng US na ginagamit nito sa paniniktik at pambobomba sa mga kalaban nito. Ginamit na kamakailan ng militar ng US at AFP ang naturang kagamitan sa Sulu para targetin diumano ang pinaghihinalaang mga terorista.

Tinangkang makalapit ng mga miyembro ng Anakbayan, LFS at KMU ang embahada ngunit hinarang sila ng mga pulis at miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng pulisya.

‘Alipin ng US’

Hindi rocket ng North Korea ang mistulang nakatutok sa ulo ng mga Pilipino, kundi mga missile at armas nukleyar ng US, dahil sa Visiting Forces Agreement, ayon sa mga militante. (KR Guda)

Hindi rocket ng North Korea ang mistulang nakatutok sa ulo ng mga Pilipino, kundi mga missile at armas nukleyar ng US, dahil sa Visiting Forces Agreement, ayon sa mga militante. (KR Guda)

“Sa kabila ng hangad ng mga mamamayan na independensiya, patuloy na utus-utusan si Noynoy Aquino ng gobyernong US…(D)ahil dito, nalalantad ang pagiging alipin niya ng mga imperyalistang amo sa halip na tayong mga Pilipino (na dapat na amo niya),” pahayag ni Gemma Canalis, tagapagsalita ng LFS.

Binatikos din ni Canalis ang gobyernong US, na aniya’y desperadong gamitin ang Armed Forces of the Philippines bilang “ekstensiyon ng USAF (United States Armed Forces)” para ipreserba ang Pilipinas bilang military outpost sa rehiyong Asya-Pasipiko.

Paliwanag pa niya, plano ng US na palibutan at kontrolin ang China at North Korea na banta sa inters ng kanilang mga negosyo sa rehiyon. Estratehiya umano nilang kontrolin ang rehiyon ng Asya-Pasipiko at South China Sea, kung saan 30 porsiyento ng trade and investments, o 60,000 barko kada taon, ay dumadaan ng buong mundo.

Sinabi pa ni Canalis na malinaw na sinusundan nito ang deklarasyon ni US Secretary of State Hillary Clinton noong Nobyembre 2011 na plano ng US na ibaling ang puwersang militar nito mula Afghanistan tungo sa Asya-Pasipiko.

Nasa gitna ngayon ng pinakamatinding krisis pang-ekonomiya sa US magmula ng Great Depression noong dekada ’20, kung kaya, ayon sa LFS, “desperado” ito na paganahin ang mga kasunduang pangkalakal sa iba’t ibang bansa sa Asya-Pasipiko.

Kabilang dito ang Trans-Pacific Partnership, na magiging daluyan ng US para madiktahan ang iba’t ibang bansa na buksan ang kanilang mga rekurso at merkado sa mga negosyo at kompanya ng US.

Narito ang bidyo ng Pinoy Weekly ng rali ng Bayan at ILPS noong Abril 13, sa harap ng embahada ng US:

Heto ang bidyo ng lightning rally ng kabataang aktibista sa embahada ng US noong Abril 16, 2011. Bidyo ni Sheng Ocampo, edit ng Pinoy Weekly: