Maralitang Lungsod

Tirahan sa sariling bayan, pagtigil sa demolisyon ipinaglaban sa paanan ng Malakanyang


Sumugod ang daan-daang maralita sa Mendiola, paanan ng Malakanyang, noong Marso 23 para muling kondenahin ang polisiya ng administrasyong Aquino ng marahas na demolisyon sa maralitang mga komunidad. Nakiisa rin ang iba’t ibang militateng grupo kasama ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Conferederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage),  Anakbayan, Migrante International, Gabriela, […]

Hustisya para sa Arnel Leonor at sa lahat ng mga biktima ng marahas na demolisyon ang hangad ng mga maralita. (KR Guda)
Martsa ng mga maralita sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) mula Espana Avenue patungong Mendiola. (Bernadette M. Pajares)
Martsa ng mga maralita sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) mula Espana Avenue patungong Mendiola. (Bernadette M. Pajares)

Sumugod ang daan-daang maralita sa Mendiola, paanan ng Malakanyang, noong Marso 23 para muling kondenahin ang polisiya ng administrasyong Aquino ng marahas na demolisyon sa maralitang mga komunidad.

Nakiisa rin ang iba’t ibang militateng grupo kasama ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Conferederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage),  Anakbayan, Migrante International, Gabriela, at marami pang iba, na nagtipon pa sa Welcome Rotonda, Quezon City, sa harap ng itinatayong gusali residential ng SM Development Corp.

Ginugunita rin ng mga maralita ang isang buwan mula nang mapaslang sa isang marahas na demolisyon sa Silverio Compound, Paranaque City si Arnel Leonor, 20-anyos. Itinuturong mga elemento ng Philippine National Police (PNP) ang nagpaputok ng baril sa mga residenteng lumalaban sa demolisyon.

Gloria Arellano ng Kadamay, sa isang programa sa harap ng isang mamahaling high-rise residential building ng SMDC sa Welcome Rotonda. (KR Guda)
Gloria Arellano ng Kadamay, sa isang programa sa harap ng isang mamahaling high-rise residential building ng SMDC sa Welcome Rotonda. (KR Guda)

“Ngayong araw, katarungan ang aming sigaw para kay Arnel Leonor at iba pang martir ng maralitang lungsod, sa mga residente ng Isla Puting Bato at lahat ng biktima ng mararahas na demolisyong pinapatupad ng administrasyong Aquino,” sabi ni Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at tagapagsalita ng Alyansa Kontra Demolisyon.

Binatikos din ng Kadamay ang programang Public-Private Partnership ng administrasyon, na anila’y nagbibigay-daan sa pagkakamkam ng pribadong mga kompanya sa mga komunidad ng mga maralita.

Ipintrotesta rin ng mga maralita ang di-pagbigay ni Pang. Benigno Aquino III ng P125 makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P6,000 dagdag sa buwanang suweldo ng mga kawani ng gobyerno.

Hustisya kay Leonor

Kasama sa nagmartsa mula Welcome Rotonda patungong Mendiola ang mga residente ng Silverio Compound, na nakaranas ng marahas na pagdemolis sa kanilang komunidad noong nakaraang buwan para bigyang-daan ang “proyektong medium-rise, residential” na gusali ng SMDC.

Nagsalita sa programa sa Mendiola si Glenda Leonor, ang ina napaslang sa demolisyon na si Arnel, na nagsabing hanggang ngayo’y di pa rin nila nakakamit ang hustisya para sa kanyang anak. Hindi pa rin umano umuusad ang imbestigasyon ng PNP sa kaso.

Ayon pa sa presidente ng asosasyon ng mga residente Silverio na si Shiela Bernal, hindi parin makalimutan ng mga residente ng Silverio ang karahasang nangyari isang buwan ang nakakalipas. “Nandoon pa rin ang takot sa mga tao dahil nandun pa rin ang banta sa demolisyon,” ani Bernal.

Isinisigaw rin nila ang pagpapalaya sa mga residente ng Silverio na nakulong dahil sa paglaban sa demolisyon.

Hustisya para sa Arnel Leonor at sa lahat ng mga biktima ng marahas na demolisyon ang hangad ng mga maralita. (KR Guda)
Hustisya para sa Arnel Leonor at sa lahat ng mga biktima ng marahas na demolisyon ang hangad ng mga maralita. (KR Guda)

Ayon pa kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, patuloy na lalaban ang mga maralitang tagalungsod hindi lamang para sa kanilang mga tirahan at kabuhayan kundi pati na rin sa programang PPP na isinusulong ng gobyerno.

“Kung iniisip ng pamahalaang Aquino na ang nangyari sa Silverio at ang pagkamatay ni Arnel ay matatakot ang mga maralitang tagalungsod na ipaglaban ang aming karapatan, nagkakamali sila,” dagdag pa ni Labog.