‘May nangyari’ sa Villa Lois
Sa isang pangyayaring maihahalintulad sa mga pangyayari ng nakaraang mga panahon ng tiraniya, libu-libong kopya ng Pinoy Weekly ang kinuha ng mga pulis mula sa mga residente ng okupadong pampublikong pabahay sa Pandi, Bulacan.
Hindi matandaan ng mga kasamahan niya kung ano’ng eksaktong oras, pero mga alas-otso o alas-nuwebe raw ng gabi ng Hulyo 25 iyon. Tumawag si Malou, residente ng Villa Lois housing project sa Pandi, Bulacan at isa sa mga lokal na lider ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) doon, sa mga kapwa niya lider.
“Pumunta si sir Espiritu. May dalang listing,” sabi umano ni Malou sa kanyang mga kasamahan sa Kadamay-Pandi. Tatlong pangalan daw ang nandoon: Eduardo, Arlene at Rosalita/Rose (itinago na namin ang apelyido nila). Gusto raw kausapin ng mga pulis.
Si Espiritu (hindi nila nakuha ang unang pangalan) ay isa raw sa mga pulis ng Pandi Police Station. Pinuntahan niya ang bahay ni Malou, kasama ang dalawa pang pulis. Ayon kay Malou, hiniling daw sa kanya ni Espiritu na magpatawag daw ng miting — noong gabi mismong iyon — para makausap ng pulis ang mga kapwa-lider ng Kadamay. (Hindi independiyenteng makuha ng Pinoy Weekly ang buong ngalan o pagkatao ni Espiritu.)
Ang kuwento ni Malou, sinagot niya si sir Espiritu. “Kayo na lang, sir. Tutal, may address naman kayo (nila),” aniya. “Di po ako nagpapamiting ng gabi.”
Isa sa mga nabahala si Rosalita “Rose” Fortaleza. Maralitang dating walang bahay na sumama sa pag-okupa ng Kadamay sa tiwangwang na mga pabahay sa Pandi, isa sa mga lider ngayon ng grupo si Rose. Mataas ang presyon niya. Hindi niya alam kung ano ang pakay sa kanya ng mga pulis.
Bago mag-alas-diyes, kuwento ng kanyang anak na si Roc-roc (22, palayaw lang), dumating ang mga pulis sa kanilang bahay. “Tao po,” sabi raw ng mga ito.
Naggugupit daw ng mga lumang print issues ng Pinoy Weekly si Rose. Kadalasang para sa maralita, kapag luma na ang diyaryo o magasin, kalakal na ito. Proyektong livelihood daw nila Rose ang gumawa ng mga handicraft tulad ng basket gawa sa papel. Dahil may natirang lumang mga isyu ng magasin, naisip ni Rose na gawin na lang itong handicraft.
* * *
“Hindi na namin alam ano nangyari pagdating ng pulis kina Rose,” kuwento sa Pinoy Weekly ni Lea Maralit, isa rin sa mga lider ng Kadamay doon. Madaling araw, mga alas-singko raw ng umaga, nabalitaan na lang niya sa text na kinuha raw ng pulis si Rose.
“May isang jeep na dumating noong gabi. Sakay, mga manggagawa. Galing Navotas, o Novaliches, di ko matandaan. Papauwi sa Villa Lois. Hinarang ng pulis, at gustong pabalikin sa pinanggalingan,” ani Lea. Naggiit ang mga manggagawa, pati ang mga asawa nila, na residente sila ng lugar. Pinayagan din daw ng mga pulis na bumaba sa jeep. Pero pinabalik ang jeep sa pinanggalingan.
“Iyung ilan sa mga nasa jeep, nagkuwento sa amin. Nakita nila si Rose sa health center ng barangay. Kasama ang pulis. Tumaas kasi ang presyon,” aniya pa. Pagkatapos noon, ang palagay na lang nila, dinala na sa estasyon ng pulis sa Pandi si Rose, pati ang anak na si Roc-roc.
Agad na kinontak ni Lea ang mga kapwa lider ng Kadamay sa Pandi. Magtipon daw sila sa opisina sa Villa Lois. “Balak sana naming sundan kung nasaan si Rose,” kuwento niya. Pero noong umaga ring iyon, may nakapagsabi na sa kanya na may dumating na mga pulis sa kanilang opisina.
“Model house” ng housing project na Villa Lois ang ginawang opisina ng Kadamay noong nag-okupa sila rito, taong 2017. Sa harap noon, dumating ang mga pulis. “Sa tanda ko, tatlong sasakyan ng pulis ang dumating,” sabi ni Selene, miyembro ng Kadamay at paralegal volunteer sa lugar. “Mga walong pulis sila.”
Pinangungunahan ang mga pulis ni PCpt. Jun Alejandrino, hepe ng Pandi Police Station. Sinalubong na siya ng mga lider ng Kadamay doon: sina Malou, Lea, Beth at Selene.
“Sabi nila, gusto raw nilang kunin ang mga polyeto,” ani Lea. Pinatutungkulan ang mga kopya ng Pinoy Weekly, na nasa opisina ng Kadamay-Pandi. HIndi na maalala ni Lea kung ilang bundles ang nasa opisina nila. Pero batay sa mga larawan na kinuha nila, di-bababa sa siyam na bundles ng Pinoy Weekly ang nandoon. Limandaang kopya ang isang bundle nito.
Siyempre, kuwento pa ni Lea, tumanggi silang ibigay ito. “Hindi po namin ibibigay iyan. Pag-aari po iyan ng Pinoy Weekly,” sabi niya. (Bilang bulk subscribers ng Pinoy Weekly, pag-aari na talaga ng komunidad ang ibinigay na mga kopyang ito ng magasin.) “Di namin iyan isu-surrender.”
* * *
Habang kausap ng apat si Alejandrino, dumarami na umano ang lumalapit na tao. May mga sumasabat na sa usapan: “Gagawin naming pang-livelihood iyan,” sabi raw ng isa, tinutukoy ang ginagawa nga ni Rose na paggawa ng papel na basket mula sa ginupit-gupit na lumang magasin.
“Nangbe-brainwash iyan,” sabi umano ni Alejandrino (kuwento ni Lea), sabay-turo sa magasin. “Isurrender n’yo na at baka may mangyari.”
Pero naggiit sina Lea. Hindi talaga raw nila maaaring ibigay ang mga magasin. Kung anu-anong dahilan na ang binigay nila: pangkabuhayan ito, hindi kanila ito, kailangan pa raw nila ikonsulta sa Kadamay-National ang pag-surrender sa mga magasin. “Hindi po kami (silang apat) makakapagdesisyon kasi organisasyon kami,” sabi raw ni Lea sa hepe.
Pero ramdam niya, umiinit na ang ulo ni Alejandrino. “Tinatago n’yo yang mga polyeto,” sabi raw ng hepe. “Maayos naman akong nakikipag-usap. Papalitan namin (ng ibang babasahin), huwag lang iyan (Pinoy Weekly).”
Sabi pa ni Lea, tila nag-iiba na ang tono ng pananalita ni hepe. Nauubusan na ng pasensiya. “Sige, bahala kayo kapag hindi ninyo iyan sinurrender,” sabi umano ni Alejandrino. Tinalikuran na raw sila ng hepe.
Natigilan daw siya rito. Nagtinginan silang mga lider. Nandoon na rin si Roc-roc. “Mukha ng takot na si Roc-roc,” ani Lea. Naisip na niya: kawawa ang bata, nag-aalala sa nanay niya. Naisip na niya na kung nagawa nga ang pag-aresto kay Rose nang walang kaso at walang mandamyento de aresto, baka gawin din sa kanila ito kapag nagmatigas sila.
“Kung gusto po ninyong kunin, kunin ninyo. Pero hindi namin iyan isusurrender,” sabi umano ni Lea kay Alejandrino. “Kayo po bahala na kumuha.” Saka kinuha na ng mga tauhan ni Alejandrino ang mga magasin. Nakabalot pa ang marami rito, hindi pa nabubuksan. Iba-ibang isyu: mga nagdaang isyu ang karamihan.
Nagsulat umano si Alejandrino sa yellow pad. Ang sabi rito, boluntaryo raw nilang isinusuko ang mga magasin, o, ayon dito’y “large number of subversive documents” sa Pandi Municipal Police Station, alas-12:06 ng hapon sa “model house” ng Villa Lois. Pirmado nina Lea, at ni Alejandrino, siyempre.
* * *
Sa isang pahayag, sinabi ni Central Luzon regional police director Brig. Gen. Rhodel Sermonia na boluntaryo nga raw na isinuko nina Lea, kasama ang iba pang miyembro ng Kadamay, ang libu-libong kopya ng magasin.
“PBGen. Sermonia also said Maralit revealed to authorities about her fear that the subversive documents might be used during the SONA (State of the Nation Address) of President Rodrigo R Duterte,” ayon sa pahayag ng PRO-3 Public Information Office.
Sa mga interbyu ng midya kay Alejandrino, sinabi umano niyang may hinuli silang mag-inang lumalabag daw sa health protocols (sina Rose ito at Roc-roc). May hawak na mga kopya ng magasin ang dalawa. Itinuro ng mga ito ang opisina ng Kadamay, at saka dun nakausap sina Lea. Sina Lea naman daw, boluntaryong isinuko ang mga magasin dahil natatakot na magamit ang mga ito sa mga protesta sa SONA.
Pero sa mga larawan at bidyong nakuhanan ng mga residente at miyembro ng Kadamay, makikitang nakipagtalo nga sina Lea sa mga pulis. Makikitang ang isa sa mga pulis, hindi maayos na nakasuot ng face mask — ang mismong paglabag ng health protocols na inaakusa ng mga pulis kina Rose.
Itinatanggi nina Lea na “sinurrender” nila ang mga magasin. “May banta na talaga sa amin,” sabi niya, sa panayam ng Pinoy Weekly. Ganoon din ang kuwento ng iba pang saksi. Hinuli ng mga pulis si Rose noong gabi. Hindi malayong damputin at ikulong din sila. “Nasa isip ko, kung hindi namin isusurrender ang mga Pinoy Weekly, baka kami ang ipalabas na surrenderee?” ani Lea. Marami na kasing residente ng mga okupadong pabahay ang puwersahang “pinasusuko” ng PNP at mga militar: Pinalalabas na “surrenderee” ng rebeldeng New People’s Army.
May hayagang banta na rin: Kung hindi nila isusuko ang mga magasin, “may mangyayari”.
Samantala, matapos pumutok sa social media at sa balita ng iba’t ibang media outfits ang balita ng insidente, nagkomento na rin ang mismong hepe ng Philippine National Police, si Hen. Archie Gamboa. Aniya, kung may mga paglabag nga ang mga pulis, pormal sanang ireklamo ito ng Pinoy Weekly at/o mga miyembro ng Kadamay.
* * *
Ibinalita ng iba’t ibang midya ang insidente, at sinipi ang opisyal na pahayag ng Pinoy Weekly na “labag sa karapatan sa pamamahayag” ang nagawang “raid” sa opisina ng Kadamay sa Villa Lois. Pati si Justice Sec. Menardo Guevarra, tinanong ng midya, kung legal pa ang pagkuha ng mga pulis ng mga magasin.
“Kung ang mga nilalaman (ng magasin) ay naghihikayat sa mga mamamayan na mag-armas laban sa nararapat-sa-konstitusyon (duly constituted) na mga awtoridad, maaaring kunin ng mga pulis ang mga materyales bilang bahagi ng pag-uusig para sa krimen na inciting to sedition. Pero kung hindi naman, kung nagpapahayag lang ito ng posisyon hinggil sa mga isyung pampubliko, tulad ng tinding laban sa ATA (Anti-Terrorism Act), nakasulat man sa plakard o mga istrimer, maituturing itong naayon-sa-batas na pag-eehersisyo ng kalayaan sa pamamahayag o pagpapahayag na pinoprotektahan ng Saligang Batas,” sabi ni Guevarra (isinalin ng Pinoy Weekly mula sa wikang Ingles).
Para sa Pinoy Weekly, walang artikulo o nilalaman sa naturang magasin na maituturing na paghihikayat sa mga mamamayan na armadong mag-aklas. Nilalaman ng mga pahina nito’y iba’t ibang impormasyon, analisis, opinyon o istorya na nakaayon sa mga istandard ng pamamahayag.
* * *
Samantala, plano pa rin sana nina Lea na lumahok sa protesta sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman sa Quezon City, kaalinsabay sa SONA ni Pangulong Duterte noong umaga ng Hulyo 27. Pero noong umagang iyon, naging abala na siya sa maraming bagay. “KInausap ako ng 7th Infantry Battalion (ng Philippine Army),” ani Lea. Mga alas-otso pasado raw iyun. “Inaalam daw nila yung mga pangyayari.”
Pati raw ang isang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development, kumausap din sa kanya. Pero dahil balisa na sila mula sa nakaraang insidente, nagdagdag lang ito sa pag-aalalang iniisip na nila.
Noong araw ding iyon, tumawag raw kay Lea si Alejandrino. “Samahan ko raw sila sa Region 3 (Police Regional Office 3, sa Pampanga),” kuwento niya. “HIndi po ako sasama,” sabi niya sa hepe. Kung hindi nga siya makakapunta sa protesta sa SONA, lalo pang hindi siya makakasama sa mga pulis. Noong araw na iyon, nagsagawa ng press conference ang PRO-3 kaugnay ng insidente. Ang hula na lang ni Lea, pagsasalitain siya dun ng mga pulis. Pinanindigan niyang hindi siya makakasama.
“Sa totoo lang, hindi talaga maganda ang nangyayari dito sa lugar namin. Hindi maiiwasang matakot. Pero magpapatuloy pa rin kami,” pagtatapos ni Lea.