Tangkang pagbuwag ng pagkakaisa sa Pandi
Gamit ang isang sinuhulang grupo, de facto Martial Law ang pinapatupad ng pulis at militar sa inokupang pabahay sa Bulacan. Pero nilalabanan ito ng mulat na mga residente ng Pandi.
Pinakiusapan nina Mitch ang mga pulis na nandoon. Pero tumangging makialam ang mga ito.
“Wala kaming magagawa. Taong bayan na ang nagrereklamo,” sabi daw ng pulis. Pinanood nila, ng mga pulis, ng mga militar na nandoon, ng mga kasapi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), habang pinapasok ng mga taong miyembro ng bagong-tatag na grupong “Pro-Government” ang opisina ng Kadamay sa Atlantica housing sa Pandi, Bulacan, Setyembre 8 ng tanghali.
“Sinira nila ang padlock. Walang tao sa opisina. Nilabas nila ang mga dokumento, mga logbook, mga (kopya ng) Pinoy Weekly. Dinala sa circle (sa rotunda sa loob ng Atlantica), saka sinunog,” ani Mitch, miyembro ng Kadamay sa Atlantica, housing project ng gobyerno na isa sa mga inokupa ng mga maralitang walang tahanan noong Marso 2017.
Sa mga larawang nakuhanan ng pangyayari, makikita ang gabundok ng papel na sinunog. Sa tantiya ng Pinoy Weekly, di-bababa sa isanlibong kopya ng magasin ang sinunog. Bulk subsciber kasi ng PW ang mga residente ng Atlantica at iba pang inokupahang pabahay sa Pandi.
Samantala, sa covered court sa loob ng Atlantica, naunang nagtipon ang mga miyembro ng “Pro-Government.” Nagprograma sila. Bitbit ng mga tao ang mga plakard, puro pag-aalimura sa Kadamay, sa mga lider nito kasama ang pambansang tagapangulo na si Gloria “Ka Bea” Arellano. Naglagay sila ng effigy ng kabaong, nakalagay ang pangalan ng lokal na lider ng Kadamay. Iniladlad ang watawat ng Kadamay, itinabi sa watawat ng Communist Party of the Philippines, saka sinunog.
Lahat nang ito, nasa presensiya ng mga opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP)-Pandi, at ng ilang opisyal at miyembro ng 48th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Kuwento ni Mitch, ito lang ang pinakahuli sa serye ng mga bayolenteng aktibidad ng “Pro-Government.” Noong Setyembre 3, nabulabog ang komunidad nang matapos ang General Assembly ng Kadamay sa Atlantica, nagpaputok ng sumpak ang isang “Jun” (“dating sekyu dito, ng Kadamay, nagbabantay ng checkpoint sa gate,” ani Mitch) na ngayo’y taga-“Pro-Government” na.
Pina-blotter nina Mitch ang insidente sa malapit na presinto ng pulis. Pero mistulang ininteroga ng mga pulis ang mga taga-Kadamay. “Sinulat lang nila sa scratch paper (ang interbyu),” alala ni Mitch. “Kaya tinanong ko, ‘Bakit hindi n’yo ho ilagay sa logbook?’ Kung sa scratch paper ilalagay, magiging basura lang ‘yan. ‘Yun na nga, naging basura na.” Walang nangyari sa reklamo nila.
Matapos ang pagpapaputok, gabi-gabi ang pag-iikot sa mga kabahayan sa Atlantica, kuwento pa niya. May mga bahay na pinasok, hinahanap ang isang lokal na lider ng Kadamay. Siyempre, walang mandamyento na maiprisinta ang mga pumasok.
Noong Setyembre 6, nagpapasok ang “Pro-Government” ng mga hakot nitong tao para “mag-okupa” ng iba pang natitirang di-okupadong yunit ng bahay sa Atlantica — para isisi sa Kadamay. Pinaalis din ito ng mga pulis. Inamin ni Maj. Joy Placido, hepe ng PNP-Pandi, na hindi miyembro ng Kadamay ang mga pumasok.
Setyembre 14, isang linggo matapos ang mga panununog, isang diyalogo ang isasagawa sana ng mga mambabatas ng blokeng Makabayan sa Pandi para alamin ang kalagayan ng mga residente roon, mahigit dalawang taon matapos ang okupasyon. Pero napag-alaman ito ng mga pulis, at ng grupong “Pro-Government”, at hinarangan ang Makabayan, gayundin ang mga miyembro ng iba’t ibang progresibong organisasyon na dadalo sana sa diyalogo, na makapasok sa Atlantica.
Naglabas ng sound system ang mga nakabarikadang miyembro ng “Pro-Government.” “Hindi na kami paloloko sa Kadamay!” sigaw ng isang lider nito. Sa panayam ng Pinoy Weekly sa mga nakabarikadang miyembro ng “Pro-Government,” (tumanggi silang magbigay ng pangalan) sinabi nilang nakatanggap daw sila ng balitang ookupahin ng Kadamay ang mga bahay nila at palalayasin sila. Pero sabi nina Mitch, hindi ito totoo, dahil alam ng naturang grupo na may pupuntang mga miyembro ng Makabayan — sina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Gabriela Rep. Arlene Brosas at ACT Teachers Rep. France Castro — para makipag-usap sa mga residente ng Atlantica.
Sa pakikipag-usap ng Pinoy Weekly sa mga miyembro ng “Pro-Government,” inamin ng mga ito na mga pulis ang nagsabi sa kanila na ookupahin daw ng Kadamay ang mga bahay nila. Siyempre, pinabulaanan ito ng Kadamay, lalo na ni Ka Bea Arellano na, sa kabila ng mga banta sa buhay niya’y pumunta pa rin sa naunsiyaming diyalogo.
“Hindi naman namin kayo kaaway,” sabi ni Arellano sa mga miyembro ng “Pro-Government”. Kaya lang, aniya, huwag naman silang pagagamit sa militar at pulis na nagnanais bawiin ang mga tagumpay ng mga residente ng mga pabahay ng Pandi — mga residenteng pinangunahan ng Kadamay para mag-okupa sa mga tiwangwang na government housing projects sa Pandi noong Marso 2017.
Tantiya nina Mitch, aabot sa isangkapat lang ng mga residente ng Atlantica ang nakuha ng “Pro-Government.” Karamihan pa rin, bahagi ng Kadamay. Sa hiwalay na panayam ng Pinoy Weekly sa iba pang residente ng Atlantica na tumangging magpakilala, sinabi nilang tumatanggap ng bayad ang mga lider ng “Pro-Government”: PhP8,000 kada buwan, at dalawang sako ng bigas, mula sa militar at pulis. “Pero yung mga lider lang yun. Yung iba, niloloko lang nila,” sabi ng isang residente.
Ginamit din ng pagrekluta ng grupo ang mga reklamo ng ilang residente sa ilang lokal na lider ng Kadamay — mga dating lider na noong nakaraang taon pa’y tumiwalag na sa Kadamay at narekluta na ng militar at pulis para maging ahente. Pangunahin na rito si Jeffrey Ariz, dating miyembro ng Kadamay na tinuturong lider ngayon ng “Pro-Government.” Nasa kalinga siya ngayon, ayon sa mga residente, ng 48th IB ng Army.
Lahat nang ito, nagpapakita ng planadong atake ng rehimeng Duterte sa mga maralitang organisado sa Pandi sa ilalim ng Kadamay. “Gusto nilang agawin ang tagumpay natin,” sabi ni Ka Bea. Isang malakas na pagsisiwalat sa bulok na sistema ng pampublikong pabahay ang kampanyang okupasyon ng Kadamay noong 2017. Ayaw na ng rehimeng Duterte na maulit pa ito. At ang nagawa nang pag-ookupa sa Pandi, gusto nang bawiin nito.
“Dumaan na sila sa lahat ng proseso (para maigawad ang mga pabahay ng Pandi),” ani Ka Bea. “Pero pinatatagal ng National Housing Authority ang pag-aapruba.” Ngayon, ginagamit ng militar at pulis ang pagkainip ng ilang residente para atakehin ang Kadamay.
Pero magpapatuloy sila, ani Mitch. Noong gabi ng Setyembre 14, sa kabila ng mga banta sa kanila ng de facto Batas Militar sa mga pabahay ng Pandi, nag-ikot ang mga lider ng Kadamay sa Atlantica, nagsagawa ng pulong masa sa kalapit na pabahay na San Luis at iba pa. At dahil nasa katwiran silang mga maralita, ani Ka Bea, matatanto rin ang kabulukan ng mga pakay ng rehimeng Duterte para sirain ang pambihirang pagkakaisa ng mga maralita ng Pandi.