Silang dumagsa sa EDSA sa panahon ng Corona
Kumakalam ang sikmura, tumakbo ang mga residente ng Sitio San Roque sa EDSA sa paniwalang may magbibigay ng relief goods. Dahas ang inabot nila.
Parang hinang-hina na si Bernadeth Caboboy, 32.
Alas-tres ng hapon, nakasalampak na lang siya sa isa sa labi ng mga nagibang bahay sa looban ng Sitio San Roque, Quezon City. Karga niya ang tatlong taong gulang na anak, tulog. “May lagnat nga,” sabi ni Bernadeth, sabay haplos ng noo nito. Napalo raw ng pulis kanina ang bata. Ipinakita niya ang namumulang likod. Maga ang paa.
Dala kasi ng asawa niyang si Ereberth ang bata kaninang umaga. Nakapila sila sa tabi ng EDSA, sa tapat ng di-tapos na mga condominium ng Alveo Land. Sa isa sa di-tapos na mga gusali dating nagtrabaho si Ereberth bilang manggagawa sa konstruksiyon. Tulad ng trabaho ng halos lahat bago ang Marso 17, natigil ang trabaho niya nang ianunsiyo ni Presidente Duterte ang enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa pagkalat ng coronavirus disease-2019 (Covid-19).
“Hindi kasi niya nakuha ang sahod niya (bago natigil ang trabaho),” kuwento ni Bernadeth. Hindi rin niya nakuha ang 13th month pay niya na ipinanawagan ni Duterte sa mga employer na ibigay sa mga trabahante. “Wala na kaming pambili ng pagkain.”
Mag-aalas-10 ng umaga na iyun. Sumunod si Bernadeth sa asawa at anak na nakapila na. Nakita niya ang simula ng gulo. “Dumating ang mga pulis, pinaaalis sila. Ayun, nagkagulo na,” aniya.
Nandun din sa EDSA noong umaga si Fe Seduco. “Bago mag-alas-10, ‘yung mga tao galing Dubai (isang lugar sa San Roque), nagtakbuhan papuntang EDSA,” aniya. Nakita niya ito, at tinanong ang isa sa mga papunta. “Ano’ng meron, bakit andaming tao?” Ang sabi ng natanungan, may bigayan daw doon sa EDSA. Nagpunta rin siya. Bigayan yun ng relief, na kailangang-kailangan na ng mga residente.
Marami nang nauna sa kanya. Kaya nahuli si Nanay Fe. “Andami nang tao. Tapos, ilista raw ang mga pangalan. Eh di nilista rin namin mga pangalan namin.” Tantiya niya, humigit-kumulang 500 katao ang nandun galing San Roque. “Kasi kung sa listahan lang nila, ilang papel ‘yun, puno lahat ‘yun.”
Pinagtataboy ng mga pulis ang mga tao, kuwento pa ni Nanay Fe. Nagalit sila. Bakit nga naman sila itataboy, eh may hinihintay silang relief? Gutom na ang mga pamilya nila. “Ayaw pumasok ng mga tao sa loob (ng komunidad). Pinapapasok na sila ng mga pulis. Giniit nila ’yung panawagan. Gutom na kami at walang ayuda,” aniya. May namato sa mga pulis. Mabilis na sinugod sila ng mga alagad ng Quezon City Police District (QCPD). May utos daw ang isang Rannie Ludovica, action officer ng Quezon City Task Force Disiplina.
Kasama sa mga nahataw si Ereberth, na bitbit nga ang anak niya. Naabutan na siya ni Bernadeth, at nakuha pa ang anak. Inaresto ng mga pulis si Ereberth, at 20 iba pa.
* * *
Nakausap ni Nanay Fe si Ludovica matapos ang gulo. Ang sabi umano niya, hindi talaga nakakatanggap ang mga tao sa lugar na iyon ng San Roque ng relief goods. May nakuha raw sila sa barangay, pero isang kilong bigas, isang de-lata, isang instant noodles at kape. Siyempre, naubos din iyun.
“Maghintay lang kayo,” sabi raw ni Ludovica. Malaki raw ang Quezon City, hindi agad mapapamahagi ang relief goods sa nangangailangan. “May sumagot sa amin: Kailan mabibigay, kung patay na kami sa gutom?” Sabi raw ni Ludovica: “Mas mabuti pang mamatay sa gutom kaysa sa virus (Covid-19), kasi makakahawa ka sa virus. Siyempre, hindi maganda sa amin pakinggan iyun.”
“Kung mamigay kasi kayo, huwag n’yo nang idaan sa barangay, o papilahin ang mga tao. I-house-to-house ninyo. At saka hindi lang sa isang bahay, isa lang ang ibigay ninyo. Kasi sa isang bahay, hindi lang isang pamilya ang nandiyan. Sa isang bahay, may dalawa, tatlong pamilya ang nandiyang nakatira kasi extended family ang mga nandiyan,” ani Nanay Fe.
Galit na galit ang mga tao, ani Nanay Fe. Pero siyempre, hindi na sila makakibo. Dalawampu’t isa sa kanilang mga kapitbahay, dinampot at naghihintay ngayon ng kaso – dahil lang minalas silang mahuli ng pulis sa kaguluhang iyun.
Ikinuwento ni Nanay Fe ang posibleng dahilan kung bakit nagpuntahan sa EDSA ang mga residente. “Meron kasing nagtitinda sa may EDSA. Binigyan daw ng relief goods. ’Yung isa lang na tagarito. Binigyan siya ng mga 25 kilo (ng bigas) siguro ’yun. Channel 5 (estasyon ng telebisyon) ang nagbigay sa kanila. Ang sabi raw, maglista (ng mga taong gusto ng relief goods),” kuwento niya.
Siyempre, sabi pa niya, kapag nakarinig ang mga tao na may magbibigay, talagang pupunta sila. Desperado na sila.
* * *
Habang kinapanayam ng Pinoy Weekly sina Nanay Fe at Bernadeth, nakabilad sa araw ang daan-daang residente ng San Roque.
Ito na siguro iyung dapat na mamimigay ng relief sa umaga, pero hapon na dumating. Nakapila silang mga residente, dikit-dikit. Mula sa di-sementado at alikabuking kalsada ng Alveo Land hanggang sa looban ang pila. May matatanda, may mga nanay na bitbit ang mga sanggol nila. Nagsisikap ang ilan sa social distancing: may face masks silang suot. Pero sa sitwasyong iyun, tila luho na ang ibukod pa ang sarili sa iba.
Sa likod ng pila, higanteng tila nakatanaw sa kanila ang di-tapos na condominium ng Alveo Land. Marami sa mga nakapila, katulad ni Ereberth na manggagawa sa konstruksiyon sa bilding na ito.
Mamamahagi raw ng relief goods ang ACT-CIS Party-list, isang party-list na dikit sa mga brodkaster na pagkakapatid na Tulfo. Nakasuot ng t-shirt ng naturang partido ang mga namamahagi. May sasakyan ng News 5 sa malapit – estasyon ng telebisyon kung saan isa sa nangungunang programa ang “Raffy Tulfo in Action.”
Umaalingawngaw sa lugar ang sigaw ng mga pulis. “Umayos kayo ng pila! Ang hindi umayos, hindi mabibigyan!” Parang ahas na paliku-liko na ang pila. Sa harapan nito, saku-sakong bigas. Hindi na tinitimbang, tantiyahan na lang ang bigay sa mga nasa unahan ng pila.
Sa kabila, inaabutan sila ng isang dakot ng tuyo. Kinakamay lang ng nag-aabot. Tila balewala na sa lahat ng protokol o tagubilin sa pag-iwas sa sakit na Covid-19. Kung mayroong maysakit doon, sa pilang iyun, o sa mga namimigay, siguradong kakalat na ang sakit sa kanila.
Napansin ng manunulat na ito ang isa sa mga pulis na nag-aayos ng pila. “Culanculan” ang pangalang nasa nameplate ng uniporme niya. Nakipagtinginan siya sa manunulat na ito, at napangiti – kahit na nakatakip ng face mask ang mukha.
“Grabe ano,” sabi ni Culanculan na pulis. “Sa totoo lang, nagugutom naman talaga kasi ang mga tao. Kung ako lang maraming pera, papakainin ko sila lahat.”
Kaiba sa mahinahong pakikipag-usap ng pulis na iyun ang nagkokomand sa mga residente na umayos ng pila, sa katirikan ng araw, habang kumakalam ang kanilang mga sikmura.
Sa panayam ng Pinoy Weekly sa kapitan ng Brgy. Bagong Pag-asa na sumasakop sa San Roque, sinabi ni Kap. Rodolfo Palma na sa kanyang palagay, “hindi tama” ang ginawang siksikang pagpapapila sa mga residente para mamahagi ng relief goods.
* * *
“Tinutulungan na po natin ang mister ninyo at iyung mga nahuli,” bulong ng isang miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na tumabi kay Bernadeth at sa anak niya matapos ang panayam sa Pinoy Weekly.
“Nandun na po ang isa sa amin sa City Hall. May komitment si Quezon City Mayor Joy Belmonte na kakausapin niya ang QCPD na palayain na ang mga nahuli,” sabi ng taga-Kadamay. Tumakbo kasi ang mga miyembro nila sa City Hall noong hapong iyun para magsilbing paralegal volunteers sa mga nahuli. Hindi man sila naging bahagi ng insidente sa EDSA noong umagang iyon, itinuring pa rin nilang obligasyon na umayuda sa mga nahuli.
Napahinga nang malalim si Bernadeth. Lalong mas mahirap, aniya, ang paghanap ng makakain kung wala ang asawa niya. Poproblemahin pa nila ang pagbisita sa nakakulong na asawa, ang panggastos sa anumang legal na pangangailangan ni Ereberth. Pangkain nga nila, wala, pambayad pa kaya ng abogado.
Pero di nagtagal ang kaluwagan sa loob niya. Ilang minuto matapos, may pumasok na text sa cellphone ng taga-Kadamay. Kausap ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang hepe ng QCPD, si Col. Ronnie Montejo. Tutuluyan na raw nilang kasuhan ang 21 residente ng San Roque. May bumulong na taga-City Hall sa mga taga-Kadamay: utos daw mismo ni Eduardo Año, retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines at kalihim ng Department of Interior and Local Government at vice-chair ng National Task Force para sa Covid-19 (na ngayo’y dapat nagse-self-quarantine kasi positibo sa Covid-19), na tuluyan nang kasuhan ang 21 “bilang leksiyon.”
Kinagabihan, kinumpirma ito ni Pangulong Duterte mismo. Inaakusahan niya ang Kadamay na instigador daw ng gulo sa San Roque. At tutuluyan niyang ikulong ang mga taga-San Roque. Nagbanta pa siya sa progresibong mga organisasyon na kung magpoprotesta at kokontrahin ang enhanced community quarantine, may utos daw siyang “pagbabarilin” o hulihin ang mga ito.
“My orders are sa pulis pati military, pati mga barangay na pagka ginulo at nagkaroon ng okasyon na lumaban at ang buhay ninyo ay nalagay sa alanganin, shoot them dead,” sabi ni Duterte, sa kanyang talumpati noong gabing iyon.
Pero noong hapon ng araw na iyon, hindi alintana ng mga residente ng Sitio San Roque ang mga banta, o magiging banta sa kanila. Sa panawagan ng Kadamay, sa harap ng mga mamamahayag ng iba’t ibang TV networks na pumunta sa San Roque, nagsagawa sila ng programa para kondenahin ang dispersal at paghuli sa mga kapitbahay nila.
“Tulong, hindi kulong!” sabi ng isang karatula. “Bigas, hindi rehas!” sabi naman ng isa. “Ang nagsasabi sa ating kumilos ay hindi sulsol ng kung sino,” sabi ng isang tagapagsalita, “kundi kalam ng gutom na sikmura!”