Karapatang Pantao

Anak ng tagapagsalita ng CPDF ‘ilegal’ na inaresto


(UPDATED) Inaresto ng mga pulis sa Baguio City ang anak ni Simon “Ka Filiw” Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF), rebolusyonaryong organisasyon ng mga kautubo na kaanib ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Matapos ang halos isang linggo ng paghahanap ng mga kaanak at grupong pangkarapatang pantao, natagpuan nilang nakapiit sa […]

Simon "Ka Filiw" Naogsan, tagapagsalita ng CPDF. (PW File Photo)
Simon "Ka Filiw" Naogsan, tagapagsalita ng CPDF. (PW File Photo)
Simon “Ka Filiw” Naogsan, tagapagsalita ng CPDF. (PW File Photo)

(UPDATED) Inaresto ng mga pulis sa Baguio City ang anak ni Simon “Ka Filiw” Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF), rebolusyonaryong organisasyon ng mga kautubo na kaanib ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Matapos ang halos isang linggo ng paghahanap ng mga kaanak at grupong pangkarapatang pantao, natagpuan nilang nakapiit sa Ifugao Provincial Jail si Grayson Naogsan.

Ayon sa Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), inaresto si Naogsan batay sa mandamyento na inisyu ng Bontoc Regional Trial Court Branch 35 para sa pag-aresto ng isang “Jason Naogsan,” hindi Grayson Naogsan. Pero sinabi ng CHRA na biglang inamyendahan ng korte noong Nobeymbre 9 ang mandamyento mulang “Jason” tungong “Grayson.”

Sa Ifugao, isa pang mandamyento ang inilabas ng Lagawe RTC Branch 14. Pero sinabi ng CHRA na hindi nila nakikita ang naturang mandamyento.

Kinasuhan si Naogsan ng kasong murder at frustrated murder.

Binatikos ng CHRA at iba pang grupong pangkarapatang pantao ang pag-aresto at pagsampa ng “gawa-gawang” mga kaso laban sa anak ng isang lider-rebolusy0naryo.

Anila, bukod sa depektibo at ilegal ang pagkakaaresto kay Naogsan, at malinaw na nilabag ang kanyang mga karapatan, hindi dapat pinupuruhan ng militar o gobyerno ang mga kaanak ng mga lider-rebolusyonaryo na nag-aaklas laban sa gobyerno.

Inaresto si Naogsan habang nagkakape noong Nobyembre 5 sa  isang mall sa Baguio City.  Nagpakita umano ng warrant of arrest ang mga pulis habang palihim na tinututukan ng baril si Naogsan.

“Pinosasan siya at inihiwalay sa kanyang mga kasama at sinabing dadalhin nila si Naogsan sa Camp Allen,” pahayag ni Jude Baggo, pangkalahatang kalihim ng CHRA.

Sinabi pa ni Baggo na tumawag ang asawa ni  Naogsan sa cellphone niya at sinabing nasa labas na siya ng Baguio at dadalhin siya sa Camp Crame.

Isa umano sa mga umaresto kay Naogsan ang nagsabing hindi niya puwedeng gamitin ang kanyang cellphone. Huling nakausap si Naogsan ng kanyang asawa noong umaga ng Nobyembre 6 at simula noo’y hindi na siya makontak.

Dagdag pa ng grupo, pinuntahan ng grupong Karapatan at asawa ni Baggo ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang opisina ng Complaints Referral Action Center (CRAC) sa Camp Crame. Pero sinabihan umano silang hindi alam ng mga pulis ang nasabing operasyon. Itinanggi din nilang nasa kustodiya nila si Naogsan.

Aniya pa, bago ang pag-aresto, mayroong dalawang lalaking nagpakilalang mga kagawad ng CIDG at nagtatanong sa kanilang lugar. May pabuya raw aabot sa P500,000 para sa anumang impormasyon hinggil sa nakatatandang Naogsan.

Sinabi pa ni Baggo na inaatake na rin ang kaanak ng kilalang mga rebolusyonaryo sa ilalim ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan, na gumagamit ng islogang “peace and development.”