Karapatang Pantao

Panloloob sa bahay, opisina ng mga aktibista ikinabahala


Ikinabahala ng progresibong mga grupo ang dumaraming insidente ng panloloob sa mga opisina at bahay ng kanilang kasapi at lider. Pinakahuli sa nilooban ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region (Bayan-NCR) sa Cubao, Quezon City. Kasama ng Bayan-NCR ang iba pang lokal na progresibong mga organisasyon sa NCR tulad ng Karapatan at ang grupong pangkultura na Sinig Bugkos […]

Rey Casambre ng Philippine Peace Center (PW File Photo)
Rey Casambre ng Philippine Peace Center (PW File Photo)

Ikinabahala ng progresibong mga grupo ang dumaraming insidente ng panloloob sa mga opisina at bahay ng kanilang kasapi at lider.

Pinakahuli sa nilooban ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region (Bayan-NCR) sa Cubao, Quezon City. Kasama ng Bayan-NCR ang iba pang lokal na progresibong mga organisasyon sa NCR tulad ng Karapatan at ang grupong pangkultura na Sinig Bugkos sa nasabing opisina.

Hinala nila, bahagi ito ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan ng militar na itinatago sa mga gawaing kriminal.

Ayon sa Bayan-NCR, bandang alas-dos ng hapon noong Pebrero 14, inabutan nila ang kanilang opisina na baklas ang seradura ng pintuan. Puwersahan umanong pinasok ang opisina ng di-nakikilalang mga tao at tinangay ang dalawang laptop computer, tatlong cellphones at isang Flip video camera.

“Ang panloloob na ito’y hindi lamang simpleng pagnanakaw kundi bahagi ng Oplan Bayanihan ni (Pangulong Aquino) na may layuning durugin ang lahat ng mga indibidwal o organisasyong kritikal sa mga hakbangin ng pamahalaan,” pahayag ng Bayan-NCR.

Kasunod daw kasi ng insidente ang panggigipit ng, at pag-uusig sa, kanilang mga lider at organisasyon tulad ng pagsampa ng kasong kriminal kay Roy Velez, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno o KMU-NCR at Amelita Gamara ng Kadamay-NCR.

Bukod sa nasabing insidente, kinondena rin ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang kahalintulad na panloloob at pagnanakaw sa ilang personahe ng grupo.

Sa pahayag ng NDFP, puwersahang pinasok at hinalughog ng di rin nakilalang mga tao ang bahay ni Rey Claro Casambre noong gabi ng Pebrero 9 habang wala sila sa kanilang bahay. Ninanakaw umano ang kanyang laptop, isang lumang USB flash drive at pera.

Konsultant sa usapang pangkapayapaan si Casambre, at tagapanguna ng Philippine Peace Center, isang institusyong aktibong nagmomonitor at nagbibigay ng payo at analisis hinggil sa usapang pangkapayapaan.

Samantala, sa parehong araw din, tinutukan naman ng baril si Rose Tumbagahon, istap ng NDFP Nominated Section of the Joint Secretariat ng implementasyon ng kasunduang pangkarapatang pantao sa usapang pangkapayaapan.

Sapilitang hinablot ng di-kilalang tao ang kanyang bag na naglalaman ng papeles, mga USB flash drive at cellphone habang nakasakay sa isang pampasaherong dyip.

Ang ipinagtataka daw ni Tumbagahon, siya lamang ang pinuntirya ng salarin at hindi ginalaw ang ibang pasahero ng dyip.

Dagdag pa ng NDFP, noong Setyembre 2012 nilooban din ang bahay ni Rachel Pastores, abogado ng Public Interest Law Center, habang nasa lamay siya ng kapwa abogado ng bayan na si Romeo Capulong.

Nawalan umano si Pastores ng laptop at mga USB flash drive. Si Pastores ay isa sa mga abogado ng NDFP.

“Kahit mukhang estilong pagnanakaw, hindi kapani-paniwala dahil sa pagnanakaw ng mga USB flash drives na wala namang katumbas na halaga,” sabi pa ng NDFP.

Anila, may bahid ng operasyong militar ang mga insidente, malamang para makakalap ng impormasyon hinggil sa kanila.

Noong nakaraang taon, ilang opisina ng progresibong mga organisasyon tulad ng Gabriela Women’s Party-list, Kabataan at dalawang organisasyong pambata ang nabiktima rin ng panloloob.

Tanging mga computer, video camera at hard drive ang nawala.