Pagkamatay ni Kristel Tejada, naging sentro ng protesta laban sa kapabayaan ng gobyerno
Isang protestang bayan ang isinagawa kahapon ng iba’t ibang grupo bilang pagtutol sa pagtaas ng singil sa mga serbisyo tulad ng kuryente, tubig, at pamasahe sa tren; pagsasapribado ng mga pampublikong ospital; pagtaas ng presyo ng langis; at pagtaas ng matrikula na nagresulta umano sa pagpapakamatay ni Kristel Tejada, isang estudyante ng University of the […]

Isang protestang bayan ang isinagawa kahapon ng iba’t ibang grupo bilang pagtutol sa pagtaas ng singil sa mga serbisyo tulad ng kuryente, tubig, at pamasahe sa tren; pagsasapribado ng mga pampublikong ospital; pagtaas ng presyo ng langis; at pagtaas ng matrikula na nagresulta umano sa pagpapakamatay ni Kristel Tejada, isang estudyante ng University of the Philippines (UP).
“Responsable ang gobyerno sa pagpapakamatay ni Kristel. Ipino-protesta namin ang kakarampot na subsidyo ng gobyerno para sa serbisyong panlipunan, mataas na presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, at ang patakarang pribatisasyon ng gobyerno,” pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Tampok sa maghapong protesta ang pagsasagawa ng mga piket sa harapan ng Department of Health (DOH), Philippine Orthopedic Center, sangay ng Meralco, at UP Manila at Diliman; pansamantalang pagharang sa Edsa Ave. ng mga maralita sa North Triangle; at protest caravan ng mga drayber sa Department of Energy (DOE).
Ayon kay Labog, halos wala ng kuwenta ang papaliit na sahod ng karamihang Pilipino dahil sa pagsirit ng mga presyo ng batayang bilihin at serbisyo dulot ng kapabayaan ng gobyerno. “Katumbas din nito ang unti-unti at napakasakit na kamatayan ng mayorya ng mga Pilipino,” aniya.
Pagtutol sa taas presyo, pribatisasyon
Sa kabila ng pahayag ng mga kumpanya ng kuryente at tubig na ibababa ang kanilang singil para sa susunod na buwan dahil sa foreign currency adjustment, hindi kumbinsido ang iba’t ibang grupo.
“Nakakaduda ang pahayag na magbababa sila ng singil ilang araw bago ang protestang bayan. Pero kukunin pa rin ng Maynilad at Manila Water ang kabawasang ito sa Hulyo kapag inaprubahan na ng Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) ang kanilang petisyon na magtaas ng singil,” sabi ni Nere Guerrero, tagapangulo ng Gabriela-Quezon City.
Ayon naman sa Ibon Foundation, walang karapatang magtaas ng singil ang mga kumpanya ng tubig na doble umano ang sinisingil sa magkaparehong foreign currency differential adjustment (FCDA) at currency exchange rate adjustment (CERA). Batay sa concession agreement, pinapayagan ng MWSS ang mga kumpanya ng tubig na baguhin ang kanilang presyo para marekober ang pagkalugi mula sa foreign exchange (forex) at inflation, sa pamamagitan ng FCDA. Sa kabila nito, pinapayagan pa rin ang mga kumpanya na singilin ang CERA para marekober ang pagkalugi sa forex.

“Both Maynilad and Manila Water are allowed to charge consumers a fixed rate of Php1.00 per cubic meter for CERA. Thus, even if there is a recent decrease in the FCDA of P0.33 and P0.12 for Manila Water and Maynilad households respectively, the water firms have still been able to compensate forex movements through the CERA. The water firms started collecting the FCDA since 2003 after amendments were made on their concession agreements,” pahayag ng Ibon.
Isa pa sa tinututulan ng grupo ang nakaambang pagtaas ng pamasahe sa tren (MRT/LRT) na dagdag-pasanin ng karamihan sa tumatangkilik dito, lalo na ang karaniwang mga manggagawa, empleyado at estudyante. Pinangangambahan ng Kabataan Party-list na maaring umabot sa P60 ang pamasahe sa oras na maisapribado ang MRT/LRT.
Ngunit ang lalong nagpasidhi sa galit ng iba’t ibang grupo ay ang pagpapakamatay ng isang estudyante ng UP matapos itong tanggihan ng administrasyon ng UP na tapusin ang ikalawang semestre dahil hindi nito nabayaran nang buo ang kanyang matrikula.
“Ang pagkamatay ni Kristel ay bahagi ng mga patakaran tulad ng STFAP, mataas na tuition fee at forced leave of absence. Hindi rin natin maitatanggi na ang kanyang pamilya ay biktima rin ng patuloy na pagtaas ng mga presyo at ang pagsasapribado ng mga serbisyo-sosyal,” ani Terry Ridon, abogado at pangulo ng Kabataan Party-list.
Ganito rin ang sentimyento ng mga estudyante ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Pangamba nila na matapos itaas nang 100% ang matrikula sa graduate school at open university, kasunod nito ang undergraduate school.
“Nakapasok sa roadmap ng administrasyong Aquino para sa higher education ang Socialized Tuition Fee Scheme (STFS) na katulad din ng STFAP sa UP, nauna lang ang graduate school,” sabi ni Kara Salvador, pangkalahatang kalihim ng League of Filipino Student o LFS sa PUP.
Maliban sa pagtaas ng matrikula sa graduate school, tinututulan din ng grupo ang pagtaas sa miscellaneous fees.

Dagdag pa ni Salvador, nararanasan ng maraming bilang ng estudyante ang naranasang hirap ni Tejada bago ito nagpakamatay. “Maramot ang gobyernong Aquino sa mga estudyante at mamamayan dahil sa pag-abandona nito sa responsibilidad niya sa edukasyon,” aniya.
Isinisi ng mga grupo ang patuloy na pagtaas ng iba’t ibang bayarin sa Private-Partnership Programs ni Pangulong Aquino.
Maliban sa pagsasapribado sa batayang serbisyo tulad ng transportasyon at pagpapaliit sa badyet ng mga pampublikong eskuwelahan, isinasapribado din ang 26 na pampublikong ospital, ayon sa Network Opposed to Privatization (NOP).
Ilan umano sa mga isasapribadong ospital any Philippine Orthopedic Center, National Center for Mental Health, San Lazaro Hospital, Research Institute for Tropical Medicine, at iba pa. Interesado sa mga pampublikong ospital na ito ang mga dayuhan at lokal na mamumuhunan gaya ng Siemens, General Electric at Mega Pacific.
“Sadly, the privatization of public hospitals will bleed the Filipino people dry, especially the poor, as they will spend more for health services that should have been provided for free by the government,” pahayag ni Dr. Darby Santiago, tagapangulo ng Health Alliance for Democracy (HEAD).
“The burden falls squarely on the patients especially the marginalized, who are already reeling from rising prices of basic goods and insufficient wages,” sabi naman ni Dr. Eleanor Jara, tagapag-ugnay ng NOP.
Para naman sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), malinaw umano na binigo ng gobyerno si Tejada gayundin din ang mamamayang Pilipino, “Yung ipinakitang aktitud ng gobyerno sa problema ng UP, ganito rin ang ipinapakita niya sa mga konsyumer na hinahataw ng mataas na presyo, o sa manggagawang walang mapasukang trabaho,” sabi ni Renato reyes, pangkalahatang kaalihim ng Bayan.
“Bahala ka sa buhay mo, ito ang ibig sabihin ng gobyerno,” sabi pa ni Reyes.
Iba pang larawan:



