Kababaihan

‘Panggagahasa sa Inang Bayan,’ ipinrotesta sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan


Tinatayang umabot sa 15,000 katao, karamiha’y kababaihan, ang nagmartsa mula Liwasang Bonifacio patungong Mendiola, sa paanan ng Malakanyang noong Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan. Protesta ang porma ng kanilang pagdiriwang — protesta sa anila’y panggagahasa ng kutsabahang Aquino at Obama (administrasyong Aquino sa Pilipinas, at administrasyong Obama sa US) sa inang bayan ng Pilipinas. […]

Humigit-kumulang 15,000 katao ang nagmartsa kontra sa "panggagahasa sa inang bayan" sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong Marso 8. (KR Guda)
Humigit-kumulang 15,000 katao ang nagmartsa kontra sa “panggagahasa sa inang bayan” sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong Marso 8. (KR Guda)

Tinatayang umabot sa 15,000 katao, karamiha’y kababaihan, ang nagmartsa mula Liwasang Bonifacio patungong Mendiola, sa paanan ng Malakanyang noong Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan.

Protesta ang porma ng kanilang pagdiriwang — protesta sa anila’y panggagahasa ng kutsabahang Aquino at Obama (administrasyong Aquino sa Pilipinas, at administrasyong Obama sa US) sa inang bayan ng Pilipinas. Kinondena ng kababaihan ang pagtindi ng mga dayuhang eksplorasyon at pandarambong (sa uri ng large-scale mining at oil and gas explorations) at ang tumitinding presensiya ng militar ng US sa Pilipinas.

Anila, pinakahuling patunay lamang ng pagyurak sa pambansang kasarinlan at soberanya ng Pilipinas ang pagkasira ng barkong US na USS Guardian sa Tubbataha Reef sa Sulu Sea, gayundin ang masaker ng mga Pilipino sa Sabah na naggigiit ng karapatan sa naturang lupa.

“Ipinapanagot namin ang rehimeng US-Aquino sa malubhang kalagayan ng kababaihang Pilipino, sa pandarambong at pagkasira ng ating ekonomiya at ang matinding atake sa pampulitika at pang-ekonomiyang karapatan at kagalingan ng kababaihan. Kinokondena namin ang kahirapan at karahasan na nararanasan namin,” sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Nagsimula ang araw ng kababaihan ng Gabriela, kasama ang iba pang militanteng grupo, sa paglusob ng humigit-kumulang 2,000 katao sa embahada ng US. Pero sa Kalaw Avenue, sa tapat ng National Library, pa lamang ay hinarangan na sila ng daan-daang pulis.

Pagkatapos, tumuloy sila sa harap ng headquarters ng Manila Police District ng Philippine National Police, kung saan ipiniit ang dalawang demonstrador na kabilang sa nagsagawa ng lightning rally sa Gate 7 ng Palasyo Malakanyang noong nakaraang araw. Pinalaya ang dalawa pagdating ng martsa.

Kababaihan ng Gabriela, sa dambuhalang pagkilos noong Marso 8. (Ilang-Ilang Quijano)
Kababaihan ng Gabriela, sa dambuhalang pagkilos noong Marso 8. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa hapon, nagtipon ang kababaihan sa Liwasang Bonifacio para magsagawa ng programa hinggil sa “Adyenda ng Kababaihan” para sa nalalapit na eleksiyong 2013. Nagsalita ang mga kinatawan ng mga kandidato sa pagkasenador para ihayag ang kanilang tugon sa naturang adyenda.

Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, naganap din ang mga paggunita sa pandaigdigang araw ng kababaihan. Pinangunahan din ng mga tsapter ng Gabriela sa naturang mga lugar, naganap ito sa Baguio, Laguna, Batangas, Iloilo, Bacolod City, Davao City at iba pang probinsiya at lungsod sa bansa.

Teksto ni KR Guda | Larawan nina KR Guda, Macky Macaspac, Pher Pasion, Ilang-Ilang Quijano at Darius Galang