Kababayan Migrante

Tatak Stranded


Tatak daw ng isang biyahero ang pagka minsan ay mawalan ng pasaporte sa ibang bansa at maging stranded. Ma-stress man lang kahit minsan. Pero malamang para sa lampas 2,500 mga Pilipinong nakakampo ngayon sa embahada ng Pilipinas sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia, hindi lang stress kundi trauma ang kanilang nararamdaman. Hindi tatak ng isang […]

Tatak daw ng isang biyahero ang pagka minsan ay mawalan ng pasaporte sa ibang bansa at maging stranded. Ma-stress man lang kahit minsan.

Pero malamang para sa lampas 2,500 mga Pilipinong nakakampo ngayon sa embahada ng Pilipinas sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia, hindi lang stress kundi trauma ang kanilang nararamdaman. Hindi tatak ng isang biyahero kundi tatak ng kanilang paghihirap at kawalan ng seguridad sa nasabing kaharian ang kanilang pagiging stranded.

Andoks, bilog, OS, TNT, stranded – iba’t iba man ang tawag sa iba’t ibang bansa, tinutukoy nito ang mga OFW na binansagang ilegal dahil walang hawak na akmang dokumento sa pananatili at pagtatrabaho sa bansang kinalalagyan nya.

Kahit pa sino ang tanungin, walang magsasabi na pipiliin niya ang maging undocumented tulad din naman na walang magsasabi na mas nanaisin nya ang magtrabaho at mamuhay sa labas ng Pilipinas kung mayroon lamang sapat at disenteng kabuhayan sa Pilipinas.

Ilegal daw sila at kailangang arestuhin at parusahan.

Pero bago muna sila maging undocumented, nariyan muna ang kondisyon ng pang-aabuso at pagsasamantala. Bago sila maging mga runaway tulad ng karamihan ng naka-camp out sa Jeddah ay dinanas muna nila ang paglabag sa kanilang mga karapatan.

Kung tutuusin, tip of the iceberg pa lamang ang mga nagkakampo sa Jeddah. Tinatayang lalampas ng apat na milyon ang mga Pilipinong undocumented sa buong mundo. Dagdag pa, ayon sa balita ng Migrante-Middle East, lampas 7,000 mga Pilipinong stranded ang nagparehistro noon pang nakaraang taon nang magsabi ang gobyerno ng Pilipinas ng programa nito para sa repatriation.

Ang camp out ng mga stranded ay patunay lamang na palpak na naman at walang katotohanan ang pangakong mapapauwi sila ng gobyernong Aquino.

Tatak daw ng isang byahero ang maging stranded sa ibang bansa.

Ang masasabi ko lang: ang kahirapan, desperasyon sa kabuhayan, kapabayaan ng pamahalaan – yan naman ang tatak ng mga istranded na OFWs.