Kababayan

Sa aking pamilya


Ilang araw na lang, kayo na ang mamimili. Tulad din sa ibang migrante, kadugtong daw ng aking bituka kayo. Kaya naman umaapela ako sa inyo, mga mahal ko sa buhay, na ikunsidera ang kalagayan ng mga nasa abroad pagtapak n’yo sa mga presinto. Hindi na kayo bago sa mga kuwento ng mga migrante na hindi […]

Ilang araw na lang, kayo na ang mamimili.

Tulad din sa ibang migrante, kadugtong daw ng aking bituka kayo. Kaya naman umaapela ako sa inyo, mga mahal ko sa buhay, na ikunsidera ang kalagayan ng mga nasa abroad pagtapak n’yo sa mga presinto.

Hindi na kayo bago sa mga kuwento ng mga migrante na hindi lang mula sa akin kundi sa mismong karanasan n’yo na rin.

Batid n’yo na na hindi ang masasayang mukha sa Facebook, mga pose sa magagandang lugar, o ang pagkain sa McDonald’s o KFC (na sa atin dyan ay isa nang okasyon) ang pang-araw-araw na buhay ng mga nasa abroad.

Alam n’yo rin kung paano mamroblema ang isang OFW para makapagpadala ng sapat para sa tuition, upa sa bahay, tubig, kuryente  at pang-araw-araw na gastos. Alam n’yo rin kung paano sila mahilo sa paghahanap ng ekstrang pera – kahit pa mangutang – kapag may emergency na dapat tugunan d’yan.

Alam n’yo rin marahil na parang laging nasa bingit ng alanganin ang trabaho ng isang migrante. Alam n’yo rin kung paano sila ma-homesick. Ilang beses na rin nga ba tayong nag-iyakan sa telepono at internet?

Higit sa lahat, alam n’yo rin kung gaano na namin kagusto na maka-uwi ng tuluyan. ‘Yun bang wala nang mag-aalala kung may aalis pa sa pamilya para lang mabuhay?

Alam n’yo ito, kaya sana isipin n’yo ako, kaming mga migrante, kapag kayo ay bumoto.

Huwag sana kayong mabulag sa kung sino ang sikat na ang pangalan. Huwag din sana kayong magpaloko sa nagpapanggap na progresibo. Huwag din kayong malito na dahil lamang may kadugtong na “OFW” sa pangalan ay tunay ngang kami na ang pagsisilbihan.

Ilang araw na lang ay kayo na ang mamimili.

Migrante Party-list sa Kongreso at si Teddy Casiño naman sa Senado ang pinili ko.

Sana kayo rin.