Editor's Pick Manggagawa

Si ‘Anakpawis’ sa piketlayn ng mga obrero sa Pentagon


Kahit pumapatak ang ulan, alerto pa rin ang mga manggagawa. Makailang ulit na rin kasing pinagtangkaang buwagin ang kanilang piketlayn ng mga guwardiya at pulis. Ang iba, nakaupo sa mga kubol na natatabingan ng mga tolda, istrimer at plakard na ipinako sa dos-por-dos na kahoy. Ang iba naman, nakasilong sa kubol, nakikipagdiskusyon sa mga kabataang […]

    Patuloy ang paggigiit ng mga manggagawa ng Pentagon Steel Corp. na sila'y maibalik sa trabaho. (Macky Macaspac)
Patuloy ang paggigiit ng mga manggagawa ng Pentagon Steel Corporation na sila’y maibalik sa trabaho. (Macky Macaspac)

Kahit pumapatak ang ulan, alerto pa rin ang mga manggagawa. Makailang ulit na rin kasing pinagtangkaang buwagin ang kanilang piketlayn ng mga guwardiya at pulis. Ang iba, nakaupo sa mga kubol na natatabingan ng mga tolda, istrimer at plakard na ipinako sa dos-por-dos na kahoy. Ang iba naman, nakasilong sa kubol, nakikipagdiskusyon sa mga kabataang nagbigay ng suporta sa kanilang piketlayn.

Sa isa namang kubol, lumalagablab ang lutuang de-kahoy. Sa mataas na bahagi ng kalan, nakasabit ang isang plakard na na may nakasulat: “Ibalik ang mga manggagawang tinanggal!”

Sa kubol na ito, walang dinding o tabing kaya madaling makita kung mayroon magiging anumang kaganapan. Dito mapapansin ang isang batang kalung-kalong ng isang babaing may edad na asawa ng isang manggagawa. Hindi pa marunong maglakad ang bata, sampung buwan pa lang kasi siya.

Pagsilang kasabay ng tanggalan

Anak siya ng isang manggagawang tinanggal sa pabrika ng bakal.

Nakapanayam ng Pinoy Weekly ang kanyang ama, dalawang taon na ang nakakaraan. Hindi pa noon itinatayo ang piketlayn sa tabi ng pabrika. Kuwento ni Jowe Dubluis, ipinagbubuntis na ng kanyang asawang si Marivic ang bata noong Hulyo 2,2012–ang araw kung kailan tinanggal siya.

Si Jowe ang unang tinanggal sa mga manggagawa. “Di ko nga alam kung bakit ako pinag-initan noon,” kuwento ni Jowe. Di lamang siya ang tatanggalin, sumunod ang iba pang manggagawa.

“Sumunod na tinanggal ‘yung 54 na manggagawa noong Setyembre 15, 2012,” sabi ni Jowe. Ito rin ang araw ng kapanganakan ng ng bata, ang ikatlo niyang anak.

Noong Abril 13, nasundan pa ang tanggalan ng mga manggagawa sa pabrika. Kaya’t napilitan silang itayo ang piketlayn para iprotesta at manawagan sa manedsment na maibalik ang mahigit isandaang manggagawa.

Kuyom ang palad ni Jun-jun, anak ng isang manggagawang tinanggal. Kasa-kasama siya ng kanyang mga magulang sa piketlayn. (Macky Macaspac)
Kuyom ang palad ni Junjun, anak ng isang manggagawang tinanggal. Kasa-kasama siya ng kanyang mga magulang sa piketlayn. (Macky Macaspac)

Mula nang maitayo ang piketlayn, araw-araw ng nasa mga kubol ang bata, kasama ang kanyang ama at ina na noong una’y hindi pabor sa pagkilos ng mga manggagawa.

“Noong una, tutol talaga ako sa pagsama-sama niya sa unyon. Pero nakita ko na para sa amin naman ang pinaglalaban niya, kaya sumuporta na rin ako,” ani Marivic, na hindi pumayag makapanayam noong 2011.

Kahit 54 na manggagawa ang tinanggal noong nanganak si Marivic sa ikatlo nilang anak, hindi nahirapan sa gastusin ang pamilya. Tinulungan sila ng kapwa nilang mga manggagawa–kahit na iyung mga tinanggal. “Nag-ambag-ambag sila para mailabas ako sa ospital, pati mga gamit ng bata tumulong sila,” kuwento ni Marivic.

Kahit araw-araw sa piketlayn, halata namang hindi napababayaan ang bata. Masigla, maganda ang pangangatawan panay nga ang ngiti niya sa mga manggagawang bumabati sa kanya. “Naku, laging nandito yan,” sabi ng isa pang manggagawa.

Sa kanyang pagkukuwento sa karanasan nila sa piketlayn, hindi maiwasang maiyak ni Marivic.

“Mahirap, lalo na ngayong nagkakagulo rito sa piketlayn,” aniya. Ilang beses na kasing tinangkang buwagin ito, bukod sa balitang wawalisin din sila ng pamahalaang lokal ng Quezon City.

“Ilegal na istruktura” raw ang mga kubol sa piketlayn. Bahagi ito ng pinapatupad na mga demolisyon sa mga sidewalk, estero at tabing daan. Kaya ang mga manggagawa, dalawa ang binabantayan at pinipigilan: ang paglabas-pasok ng mga materyales at produkto sa pabrika kasama na ang mga eskirol, at bantang demolisyon ng mga kagawad ng city hall. Maliban pa ito sa banta rin ng mga guwardiya at pulis na naka-istambay sa loob ng pabrika. 

Binigyan sila ng palugit  na hanggang Hulyo  31 na lamang daw ang piketlayn.

Ilang minuto pa lang pagkadating ng mag-ina, nagkaroon ng kiskisan. Bumukas kasi ang gate ng pabrika at humarurot ang isang trak na may lamang produkto. Pinilit ng mga manggagawa na harangan ang ikalawang trak, pero hinarangan sila ng mga guwardiya at pulis.

Sinigawan na lamang ng mga manggagawa ang iba pang trak at sasakyan na lumalabas. Sa mga pagkakataong nagkakaroon ng kiskisan, unang tumatabi sina Marivic sa ligtas na lugar para hindi madamay.

Laban ng pamilya

Habang nakikipagkuwentuhan sa Pinoy Weekly si Marivic, kalong ang kanyang anak ng ibang manggagawa. Nakikipaglaro ito.

Sabi ni Marivic, hindi lang siya ang kaanak ng mga manggagawa na nasa piketlayn. Karamihan sa mga asawa ng mga manggagawang tinanggal ang pumupunta rito para suportahan ang kani-kanilang asawa. “Kasama na kami dito. Pareho-pareho naman kaming nahihirapan,” sabi pa niya.

Kung tutuusin, puwede namang umalis sa piketlayn sina Marivic. Inalok na siya ng kanyang nanay na lumipat sa Cavite, hangga’t hindi natatapos ang protesta sa pabrika. Pero pinili niyang manatili sa piketlayn. “May bahay naman kami rito sa malapit. Kapag gabi, umuuwi kami. Doon natutulog,” aniya. Bumabalik na lang sila kinaumagahan sa piketlayn.

    Pilit na hinaharangan ng mga manggagawa ang paglabas ng mga produkto mula sa pabrika. (Macky Macaspac)
Pilit na hinaharangan ng mga manggagawa ang paglabas ng mga produkto mula sa pabrika. (Macky Macaspac)

“Titiisin na lang namin ang hirap, at haharapin ang anumang dumating na problema,”aniya. Panawagan na lamang niya sa may-ari ng pabrika na ibigay sa mga manggagawa ang para sa kanila. Pero nang tanungin kung ano ang masasabi niya sa darating na State of the Nation Address, o SONA, ni Pangulong Aquino — kung kailan inaasahang sasabihin ni Aquino na umuunlad na ang Pilipinas — nagulat siya. “Hindi naman namin nararamdam ‘yang pag-unlad na iyan,”

Sa pagtatapos ng panayam, mahimbing pa rin ang pagtulog ng anak ni Marivic. Dahil hindi pa siya nabibinyagan, “Anakpawis” ang tawag sa kanya ng mga manggagawang lumalaban.

(Kung nais n’yong makilala si Anakpawis, magtungo lang umano sa piket ng mga manggagawa sa Pentagon, o kaya naman sa mga barikada ng mga maralita dahil hindi nag-iisa si Anakpawis.)