Kabataan Main Story

‘Palasyo, hugas-kamay sa Yolanda’


Hugas-kamay na parang si Pilato sa pagkamatay ni Kristo. Ganito inilarawan ng kabataan sa kanilang kilos-protesta sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge. Sagot umano ito sa panukala ng administrasyong Aquino na gawing National Day of Prayer ang Enero 20 para sa mga naging biktima ng mga sakuna noong 2013. “Parang si Pilato…ang pagpapanggap ng […]

Protesta ng kabataan sa Mendiola bilang tugon sa National Day of Prayer ng administrasyong Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>
Protesta ng kabataan sa Mendiola bilang tugon sa National Day of Prayer ng administrasyong Aquino. Pher Pasion

Hugas-kamay na parang si Pilato sa pagkamatay ni Kristo.

Ganito inilarawan ng kabataan sa kanilang kilos-protesta sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge. Sagot umano ito sa panukala ng administrasyong Aquino na gawing National Day of Prayer ang Enero 20 para sa mga naging biktima ng mga sakuna noong 2013.

“Parang si Pilato…ang pagpapanggap ng administrasyong Aquino para sa araw na ito–para bang wala silang kinalaman sa pagkamatay ng libu-libong biktima ng sakuna,” ayon kay Einstein Recedes, tagapagsalita ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).

Ayon kay Recedes, naiwasan sana ang maraming bilang ng mga nasawi kung naging handa ito at naging mabilis ang pagtugon ng administrasyon sa mga sakuna. Napakabagal daw ang rehabilitasyon at marami pa rin ang nagugutom partikular sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.

Para naman kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, isang “malaking kaipokritohan” ang ginagawa ngayon ng administrasyong Aquino para pagtakpan ang mga kriminal na kasalanan ng administrasyon sa mga biktima ng bagyo.

Nanawagan ang kabataan ng hustisya para sa mga biktima ng bagyong Yolanda. <strong>Pher Pasion</strong>
Nanawagan ang kabataan ng hustisya para sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Pher Pasion

“Matapos ipagtanggol ni (Pangulong) Aquino ang pork barrel–ngayon siya magdadasal? Pagkatapos kurakutin, palitan ang mga balot ng relief goods ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) at gipitin ang local government unit ng Tacloban, ngayon siya magdadasal? Napakalaking kaipokritohan ito ng administrasyong Aquino, ” ani Crisostomo.

Dagdag naman ng Anakbayan, nagpapatuloy ang korupsiyon sa mga biktima ng sakuna kabilang na ang paglitaw ng mga di umano’y overpriced at substandard na bunk houses para sa mga biktima.

Gayundin, tinuligsa ng grupo ang mabagal na pagtulong sa mga biktima at pagtatanong kung saan napunta ang maraming tulong na nagmula sa iba’t ibang sektor at bansa.

“Biniktima na sila ni Yolanda, malaking pambibiktima pa ang ginagawa sa kanila ng pagpapabaya ng administrasyong  Aquino. May trahedya man o wala, walanghiya ang gobyernong ito, kaya dapat patalsikin sa pagpapahirap nito sa taumbayan,” sabi pa ni Crisostomo.

Sinabi naman ni Marc Lino Abila, pangkalahatang kalihim ng College Editors Guild of the Philippines o CEGP, na patuloy umanong ipinagkakanulo ng administrasyong Aquino ang mamamayan sa lalo pang kahirapan.

Dagdag niya, sabayan pa raw ng patuloy na pagtaas ng singil ng kuryente at pagmamahal ng presyo ng langis at iba pang mga pangunahing bilihin, maglulugmok pa lalo ang mamamayan sa lalo pang kahirapan at kagutuman.

Ayon naman sa League of Filipino Students (LFS), “kontra-mamamayan” ang isinasagawang rehabilitasyon ng administrasyong Aquino na hindi nagpapahintulot sa mga mamamayan na muling magtayo ng kanilang mga bahay at magkaroon ng kabuhayan sa mga lugar na idineklarang “no-build zones.”

Para sa LFS, ginawang legal ang pangangamkam ng lupa ng mga kasapakat ni Aquino at mga kapwa panginoong maylupa na kagaya niya sa isla ng Bisayas.

Sa protesta sa Mendiola, nag-alay ng panalangin ang mga grupo ng kabataan sa pangunguna ng SCMP para sa mga biktima ng mga sakuna.

“(Pero) hindi lamang dasal ang kailangan natin, kundi pagkilos,” pagtatapos ni Recedes.