Editor's Pick Main Story

Ka Inday Bagasbas: Puso ng maralitang tagalungsod


Para sa mga maralitang tagalungsod, mistulang demolisyon pa ang sagot ng administrasyong Aquino sa mga suliranin nila sa buhay. Maililigtas daw ang mahihirap sa tabing-ilog kapag inalis sila sa lugar. Malulutas daw ang trapik kapag nag-road widening. Maraming negosyante at dayuhan ang mahihikayat na mamuhunan sa bansa kapag ang mga gusali ay malinis. Hindi na […]

Si Ka Inday Bagasbas (kanan). (PW File Photo)
Si Ka Inday Bagasbas (kanan). (PW File Photo)

Para sa mga maralitang tagalungsod, mistulang demolisyon pa ang sagot ng administrasyong Aquino sa mga suliranin nila sa buhay. Maililigtas daw ang mahihirap sa tabing-ilog kapag inalis sila sa lugar. Malulutas daw ang trapik kapag nag-road widening. Maraming negosyante at dayuhan ang mahihikayat na mamuhunan sa bansa kapag ang mga gusali ay malinis.

Hindi na ito bago. Ganito rin ang programa ng nagdaang mga gobyerno – nina Ferdinand Marcos, Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Arroyo.  Iba-iba lang ang katawagan o pagpapakete, pero sa halip na lutasin ang suliranin ng mga maralita, dinidemolis hindi lang ang tirahan nila kundi pati ang kabuhayan at kinabukasan ng kanilang mga anak.

Marami nang napako sa mga pangakong binitiwan ng mga naluklok sa poder. Tuwing sasapit ang eleksiyon, walang ibang sinasabi sila kundi mangakong unahin daw ang interes ng mahihirap, bibigyan sila ng trabaho, pag-aaralin ang kabataan, magbibigay at papaunlarin ang serbisyong panlipunan at magpapatayo ng pabahay. Pagkakuha ng boto tumatalikod na sila sa mga botanteng mahihirap.

Sinasalamin ng buhay ni Estrelita Rubine “Ka Inday” Bagasbas, lider-maralita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), ang kalagayan ng mas marami pa nating kababayan.  Sila na kung tawagi’y maralitang tagalungsod ay patuloy na pinagkakaitan ng karapatang mabuhay.

Nagmula sa pamilyang magsasaka

Mapagkumbaba pero iginigiit ang karapatan. (Larawan mula sa Bulatlat.com)
Mapagkumbaba pero iginigiit ang karapatan. (Larawan mula sa Bulatlat.com)

Tubong North Cotabato si Ka Inday, 58. Nagmula siya sa pamilyang magsasaka. Bukod sa drayber ang ama, pagtatanim ang siyang pangunahing kabuhayan ng pamilya. Pangalawa si Ka Inday sa 12 magkakapatid.

“Kasama namin noon ang ina sa malawak na lupa at doon kami natutong magbanat ng buto sa pagtatanim. Hindi kami nakapagtapos ng pag-aaral dahil kelangan naming tumulong sa bukid, aniya.

Hanggang elementarya lang nakaktuntong sa pag-aaral si Ka Inday. Maagang namatay ang apat na kapatid niya dahil sa sakit at may anim  pa sa kanila ang nanatili sa North Cotabato na nagtrabaho sa rubber plantation.  Kalaunan nasunog ang plantasyon kaya marami sa kanila ang nawalan ng hanapbuhay.  Kaya kalakhan ay naging maralitang-tagalunsod  sa Cotabato City, at dalawa sa kanila ang nakipagsapalaran sa Maynila.

Taong 1969, nagpasya si Ka Inday na lumuwas ng Maynila upang tuparin ang kanyang pangarap na makapag-aral at makaabot ng kolehiyo. Isang kaibigan niya ang nagyaya at nagpaunlak na sa kanila siya manuluyan. Kaya tumakas siya at umalis nang hindi nagpaalam sa kanyang mga magulang. Nasa barko na siya nang malaman ng mga kaanak at wala nang nagawa pa kundi ang bilinan siya na mag-ingat.

Banggit niya, “Namasukan ako sa tinuluyan ko bilang katulong sa bahay ng tatlong taon. Tumatanggap ako ng P30 isang buwan ngunit hindi na nila ako nakayanang pag-aralin pa dahil hirap din sila.

Labing-anim na taon si Ka Inday nang ligawan ng unang asawa.  Isang vulcanizer si Mariano at nanirahan sila sa Marilao, Bulacan, at lumipat sa Obando. Hindi sapat ang kinikita ni Mariano bukod pa sa may bisyo.

“Hindi kami magkasundo,” sabi ni Ka Inday, “kaya pinag-aralan ko ring mag-vulcanize para mapag-aral ang dalawa naming anak.    Kaya siguro ang kapal ng palad ko–puno ng kalyo”.

Taong 1980, lumipat sila sa  Baesa, Novaliches, at makaraan ang limang tao’y napadpad sa North Triangle. “Kabuhayan ang natatanging dahilan kung bakit palipat-lipat kami ng aming tirahan,” pagdidiin ni Ka Inday. “Noong 1986, panahon ng pagpapatalsik kay Marcos, sumama ako sa rally at nagtinda  ng suman. Ito ang naging kabuhayan namin.”

Kasabay nito nagtatanim siya ng petsay, kangkong, talbos ng kamote at gabi na ibinebenta sa Balintawak at Munoz. Noong 1988 ay namatay si Mariano dahil nasaksak sa inuman, at si Ka Inday na ang solong nagtaguyod sa mga anak.

Taliwas sa sinasabi ng iba na tamad, pabandying-bandying at walang pagsisikap ang mga maralita kaya hindi umaasenso sa buhay, sinabi ni Ka Inday na hindi birong magpakain ng buong pamilya, pag-aralin ang mga anak, at mangarap na huwag ng danasin  ng mga anak ang hirap na kanilang kinagisnan.

Minsan, nangarap din si Ka Inday na makaalis ng San Roque, North Triangle at makapagpatayo ng sariling bahay. Kaya taong 1989, namasukan siyang domestic helper (DH) sa Yemen, Middle East. Halos dalawang taon at apat na buwan siya roon, habang naiwan ang dalawang anak sa kamag-anak.

“Kaso ang kinikita ko doon ay $100 lang sa isang buwan.  Maliit ang sahod pero nagtagal ako dahil mabait naman ang amo ko at hindi nananakit. Napauwi na lang ako nang malulong sa drugs ang panganay ko at nasaksak,” sambit niya.

Pagbalik ni Ka Inday sa Pilipinas sa naipong halagang US$1,000 nakapagpagpatayo siya ng bahay pero sa San Roque rin.  “Hindi kakayaning makabili pa ng sariling lupa.  Dahil noon ay hindi pa pinag-iinteresan ang lupa, malaya kaming nanirahan at pinaunlad namin ang aming komunidad,” paliwanag niya.

Nagtrabaho na siya sa imprenta ng mga sako.  Nakilala ang kanyang pangalawang asawa at nagkaroon sila ng dalawang anak na lalake.  Aniya, “ang naging asawa ko muli ay tubong Sorsogon, pero dalawang taon lang kami nagkasama, at naghiwalay din dahil babaero.”

Matatag na babae at ina si Ka Inday. Hindi niya tinali ang kanyang buhay sa pakikipagrelasyon sa asawang walang pagpapahalaga sa sarili at pagsisikap na baguhin ang kanilang kalagayan.  Muli bumangon siya, at binuhay ang mga anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng ulam—pang almusal at tanghalian–at nagtayo ng sari-sari store sa tapat ng tirahan. Mula 1995 hanggang 2009 ibinuhos niya ang panahon sa paghahanapbuhay. Hanggang ngayon, may dalawang anak pa siyang pinag-aaral sa high school.

Laban ng mga taga-San Roque

Kuwento ni Ka Inday, “Noong 1985 ang mga bahay sa loob ng North Triangle ay mahigit lang sa 20 pamilya, kasama na kami ‘dun.  Pero may mga tagaroon na  nagtatayo ng 4 na kubol,  tapos binebenta ng 500 kapag may naghahanap ng matitirikan.  Yung nakabenta magtatayo muli, kaya noong 1989 nasa higit 200 pamilya, bago pa ako lumabas ng bansa.  Ang lugar namin ay kinilala at napangalang San Roque buhat ng iparada ang patron sa lugar.”

Nahahati sa tatlo ang San Roque: San Roque 1 ang Adelina, likod ng bumbero, San Roque 2 ang lugar ni Ka Inday, at San Roque 3 ang nasa Trinoma at paradahan ng Metromanila Tansit.  Nang bumalik  ng 1992 Si Ka Inday, galing Yemen. Dito siksikan na  parang kabute ang mga residente. Sari-sari ang trabaho ng mga tao: may nagtitinda, pumapasok sa construction, at may nagtatrabaho sa katabing Philippine Science High School at Veterans Hospital bilang janitor.

Taong 2001 nang magkaroon ng malaking sunog na malapit sa EDSA.  May  1,000 bahay ang nasunog at muli ring nagtayo ng mga bahay; kasi di pa pinapansin ang lupa ng gobyerno sa panahon nina Cory Aquino, Ramos at Estrada.

“Mula nang manungkulan si Gloria Arroyo,” ani Ka Inday, “nagkaroon na ng sunugan na umabot sa walong beses. Nag-umpisa na rin kaming magduda sa intensiyon ng ilang nagpapanggap na naninirahan, mangungupahan pero walang gamit. Pagkatapos lamang ng isang linggo, may bigla na lang sunugan. Tumindi pa ito noong 2009.”

Dalawampu’t siyam na taon na ring residente si Ka Inday sa lugar.  Sabi niya nga, kung naisipan niyang magbuwis sa lupa noon pa, siguro ay kanya na ang lupang tinitirikan ng kanyang bahay. Pero hindi na niya naisip iyon dahil abala siya sa pagpapalaki ng mga anak at solong pagtustos sa kanilang ikabubuhay. Relocation site din ang San Roque noon at 10,000 na ang residente. Ngunit nagtulung-tulong ang mga naninirahan doon at sa sariling pagsisikap ay napaunlad ang kanilang lugar. Dati, hirap sila kasi walang tubig at kuryente.

Pero pilit bumabalik sa San Roque ang mga dating naninirahan. Kahit ang mga dati pang relocatees,dahil nandito ang kanilang kabuhayan. “Trabaho ang mahalagang pinangangalagaan naming mga mahihirap,” sabi ni Ka Inday. “Sa relocation areas na nilalaan sa amin ng gobyerno ay problemang malaki at tila di naman talaga kami inuunawa—maglalaan ng off-city relocation pero walang kabuhayan dun o di kaya umaasa silang babayaran namin ito ng 25 taon pero hindi naman din kakayanin. Dahil hindi rin ito sapat ang aming kinikita. Marami din sa mga maralita ang tinaboy rin lang papunta sa mas mapapanganib na lugar.”

Nitong Enero 14, may ordinansa na ang Quezon City Hall na pirmado ni Mayor Herbert “Bistek” Bautista, na nagbabawal ng pagtatayo ng anumang istruktura sa lungsod.  Hindi na kailangan pang kumuha ng court order para magdemolis ang mga barangay kagawad at tanod. Tatagpasin na rin ang anumang istrukturang lagpas sa lupang kinatatayuan ng bahay.

Kaya  noong Enero 27, muling nag-umpisa ang marahas na demolisyon sa San Roque nang walang anumang notice, di katulad nang dati. “Tinambakan kami ng sandamakmak na pulis at naroon din ang security guards ni Ayala na armado lahat,” paglalahad ni Ka Inday. “Umabot sa apat na araw at halos 11.3 metro ang giniba at agaran nilang nilimas. Sa kasalukuyan, may higit 50 pamilya ang nagtayo ng kubol sa central island ng Agham Road. Marami-rami na rin sa kanila ang walang malilipatan dahil hindi nakasama sa listahan ng NHA (National Housing Authority).”

Ang San Roque ay bahagi ng lugar na pagtatayuan ng Quezon City Central Business District. Galit na sinabi ni Ka Inday: “Malinaw sa aming mahihirap na hindi kami kasama sa pag-unlad, o sa matuwid na daang malimit banggitin ni Noynoy Aquino. Walang-ibang pinaglilingkuran niya kundi ang mayayamang kapitalista, at kasabwat ang mga namumuno sa gobyernong Aquino.”

Panahon ng pagkamulat

Nagsimulang magalit si Ka Inday noon pang Setyembre 23, 2010  nang magkaroon ng marahas na demolisyon  sa EDSA.

Naisip niyang pumunta roon para magbigay ng kanyang suporta, at doon niya nakita na wala talagang maaasahan sa gobyerno. Dito siya naugnayan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at di nagtagal nahalal bilang chairperson ng September 23 Movement. Dahil naging abala sa organisasyon pati pagtitinda ay panaka-naka na lang. Gumawa na lamang siya ng basahan para may panggastos ang dalawang anak  sa mga project sa eskuwela.

Wika ni Ka Inday: “Malinaw sa akin na kaya may problema kami sa pabahay ay dahil wala kaming disenteng hanapbuhay sa bansa.  Nananatili kaming biktima ng kaapihan at pagsasamantala. Kagaya ko, na nagmula sa pamilyang magsasaka. Ang magtanim ay hindi biro, ngunit aagawin din ang lupang iyong pinaunlad at kung sino pa ang nagpapakain sa mamamayan ay siya pang walang makain at pinagkakaitan sa lupa.”

Mula sa mga karanasan sa Kadamay, lalo siyang nawalan ng tiwala sa gobyerno. Aniya, hangga’t ang gobyerno ay hindi sinsero walang magaganap na pagbabago sa buhay ng mga maralita.

Sa kabila ng kawalan, dinadahas pa rin sila nang lubusan at ito ay maluwag na pinapahintulutan ng gobyerno.  Tanong ni Ka Inday: “Masisisi n’yo ba ang maralita kung sila’y matutong lumaban at ipagtanggol ang kanilang karapatan na mabuhay? Masisisi n’yo ba kaming mga mahihirap na hindi na magtiwala pa sa gobyernong ito? Kung ang langgam nga, kapag sinira mo ang kanilang bahay mangangagat, ang tao pa–lalaban at lalaban para mabuhay para sa kinabukasan.”

Ngunit may namumuo pa ring pag-asa sa puso ni Ka Inday. May liwanag siyang nakikita. Ito ay nang magsimula nang tahakin niya ang landas ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya.  “Sa edad ko ngayon, maaaring nababawasan na ang lakas ng katawan,” pagdidiin niya. “Nauunawaan ko ang galit at poot sa puso ng mga maralitang tagalungsod, pero kailangang ibaling ito sa pusong nagtitiwala, nagmamahal, para sa tunay at ganap na pagbabago.  Mas mahalaga pa rin ang sama-sama nating pagkilos.”

Sigurado siya na hindi lang siya ang nakikibaka para sa disenteng hanapbuhay at kasiguruhan sa paninirahan. Naniniwala si Ka Inday na balang araw ay makakamit din ng mga mamamayan ang pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa na magbibigay ng hanapbuhay sa nakararami.

At kapag nangyari ito, aniya, di na sila tatawagin pang maralitang tagalungsod.