Main Story Migrante

OFWs, namemeligro sa giyerang-sibil sa Libya

Labis na nakukulangan ang Migrante International sa tugon ng administrasyong Aquino sa sitwasyon ng aabot sa 13,000 Pilipino na naiipit ngayon sa lumalalang giyerang-sibil sa Libya. Sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, na masyadong pasibo ang mga hakbang ng gobyerno para ilikas ang mga overseas Filipino worker (OFWs) na nanganganib ngayon sa naturang […]

Mga migrante mula sa iba't ibang lahi, kabilang ang ilang Pilipino, na lumikas mula sa Libya, nasa isang refugee camp sa Choucha, Tunisia. <strong>Mohamed Ali Mhenni / Wikimedia Commons</strong>
Mga migrante mula sa iba’t ibang lahi, kabilang ang ilang Pilipino, na lumikas mula sa Libya, nasa isang refugee camp sa Choucha, Tunisia. Mohamed Ali Mhenni / Wikimedia Commons

Labis na nakukulangan ang Migrante International sa tugon ng administrasyong Aquino sa sitwasyon ng aabot sa 13,000 Pilipino na naiipit ngayon sa lumalalang giyerang-sibil sa Libya.

Sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, na masyadong pasibo ang mga hakbang ng gobyerno para ilikas ang mga overseas Filipino worker (OFWs) na nanganganib ngayon sa naturang bansa, gayundin sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika na may digmaan.

Halimbawa, wala umanong “aktibong interbensiyon” ang gobyerno ng Pilipinas upang tiyakin ang lokasyon at siguruhing ligtas ang mga Pilipino na nasa conflict areas. Hindi rin gumagawa ng hakbang ang gobyernong Pilipino para tiyakin ang seguridad ng mga Pilipino na bumibiyahe patungo sa mga embahada para lumikas mula sa sigalot.

Inanunsiyo ng Departmeng of Foreign Affairs (DFA) nitong Agosto 2 na nakakuha na ito ng barko na “darating sa susunod na mga araw” sa Libya para ilikas ang mga Pilipino na naiipit sa sigalot doon. Pero sabi ng Migrante, hindi man lang inaalam ng DFA ang kalagayan ng mga Pilipino sa mga lugar na tinitirhan at pinagtatrabahuan nila ngayon, at di rin tiyak ang seguridad ng dadaanang mga kalsada patungo sa lugar na dadaungan ng sinasabing barko.

“Matapos ang maraming subok na kumontak ng mga sasakyang pandagat na siyang tanging paraan ngayon ng repatriation, nakakontak ang DFA ng isang barko na, sa susunod na mga araw, bibiyahe mula Malta para manundo ng mga repatriates mula Benghazi, Misrata, at posibleng Tripoli, bago bumalik sa Malta na siyang transit point para sa mga biyahe patungong Maynila,” pahayag ng DFA, sa wikang Ingles.

“Maliban sa pag-anunsiyo (ng repatriation o paglikas), walang malinaw na blueprint ang gobyerno kung paano dapat ipapatupad ang mandatoryo o sapilitang paglikas sa kanila,” sabi ni Martinez.

Mga migrante sa Libya noong 2011 na galit sa mabagal o di maayos na pagtugon ng mga ahensiya ng gobyerno sa kanilang naipit sa sigalot sa naturang bansa noong panahong iyon. <strong>Migrante</strong>
Mga migrante sa Libya noong 2011 na galit sa mabagal o di maayos na pagtugon ng mga ahensiya ng gobyerno sa kanilang naipit sa sigalot sa naturang bansa noong panahong iyon. Migrante

Mandatoryong paglikas

Nagpahayag ang DFA ng mandatory evacuation sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa Libya noon pang Mayo. Nitong Agosto lamang inutos ni Pangulong Aquino na pumunta si DFA Sec. Alberto del Rosario sa karatig na bansang Tunisia para pangasiwaan ang repatriation ng mga Pilipino mula sa Libya.

Sa huling ulat, umabot sa 1,700 OFWs pa lamang ang nagpahayag ng intensiyong umalis sa Libya. Pero 831 pa lang ang napapauwi. Huling ibinalita ang 50 na nakalabas sa Libya-Tunisia border noong Agosto 1.

Inamin ng DFA na karamihan sa mga OFW ang pinipiling huwag umalis sa Libya sa kabila ng panganib. Natatakot silang mawalan ng trabaho, at wala rin namang naghihintay sa kanilang trabaho o kabuhayan pag-uwi nila.

Para kay Martinez, hindi dapat sinisisi ng DFA ang mga OFW sa pagtanggi nilang lisanin ang kanilang mga trabaho sa Libya. Bahagi kasi umano dapat ng repatriation program ng gobyerno ang isang sustenableng programa para sa reintegrasyon ng naturang mga OFW pag-uwi nila mula sa ibang bansa.

“Hindi natin masisisi ang mga kababayan natin kung pinipili nilang di-bumalik sa Pilipinas dahil walang trabaho, kabuhayan at seguridad para sa mga pamilya nila ang naghihintay sa kanila kung babalik sila. Gobyerno rin ang may kasalanan kung bakit nalalagay sa ganitong sitwasyon ang ating mga kababayan,” paliwanag pa ni Martinez.

Larawan ng isang grupo ng Libyan militias, sa Bani Walid, Libya, noong 2011. <strong>WIkimedia Commons</strong>
Larawan ng isang grupo ng Libyan militias, sa Bani Walid, Libya, noong 2011. WIkimedia Commons

Panganib sa Gitnang Silangan, Hilagang Aprika

Sinabi ng Migrante na ganito rin ang kakulangan ng gobyerno sa mga OFW sa ibang bansa maliban sa Libya na nababalot din sa sigalot. Nanganganib din umano ang mga OFW na nasa Gaza sa Palestine, gayundin sa Iraq, Kuwait at Syria.

Ibinalita kamakailan ang kaso ng isang Pilipinang nars na ginahasa sa Libya, at isang Pilipinong construction worker na pinugutan ng ulo noong Hulyo 15.

Nakadagdag din umano sa tensiyon ng mga Pilipino sa Libya ang balitang unti-unti nang nawawalan ng exit points sa naturang bansa para makalikas.

Batay ito sa isang ulat na nagsabing nagsara na ang isang border, partikular ang Ras Ajdir passage. Dahil ito sa kaguluhang naganap nang magtangkang lumabas ang ilang libong Egyptian at ilan pang banyaga na nauwi sa karahasan.

Mula 2011, nang mapatalsik sa poder ang presidente ng Libya na si Muammar Gaddafi, nag-aaway-away na ang iba’t ibang Libyan militias para sa kapangyarihan at kontrol sa iba’t ibang bahagi ng naturang bansa. Ngayong taon, lalong tumindi ang mga labanan, ayon sa mga ulat.

Sinabi ni Martinez na hindi rin nakakatulong sa kaligtasan ng mga Pilipino roon ang pagsuporta ng administrasyong Aquino sa gobyerno ng Estados Unidos (US). Maaari umanong tinitingnan ng ilang militias at kahit ng ordinaryong mga Libyan na naging tagasuporta ang mga Pilipino pagbulusok ng kanilang bansa sa anarkiya.

Matatandaan na noong 2011, direktang nakisangkot ang armadong puwersa ng US sa pagpapabagsak sa nakaraang rehimen ni Gaddafi ang itinuturong nagbunsod sa giyerang sibil na nagaganap ngayon sa Libya.

Maaaring kontakin

Samantala, para makatulong sa mga OFW na nasa bingid ng panganib, inanunsiyo ng Migrante International na nagmamantine sila ng isang crisis hotline na maaaring makontak ng mga Pilipino sa Libya at iba pang lugar na may sigalot.

Maaaring kumontak sila sa mobile number na 0932-3990231 at sa email address menacrisiscenter.migrante@gmail.com. Maaari rin umanong magpadala ng mensahe sa website ng Migrante International, kung saan may online complaint form na maaaring punan.

Sa bahagi ng DFA, maaaring makontak umano ang embahada ng Pilipinas sa address na KM 7 Gargaresh Road, Abu Nawas, P.O. Box 12508, Tripoli, Libya. May telephone number ito na (00218) 918-244-208 . May email addres ang embahada na tripoli.pe@gmail.com at tripoli.pe@dfa.gov.ph. Maaari ring kumontak umano sa 24-hour hotlines numbers ng DFA na (02) 552-7105 / (02) 834-4685 at email address na oumwa@dfa.gov.ph.

PW-Public-Service-Announcement-OFW-crisis-in-Libya