EDCA: Muling pagyurak sa soberanya ng Pilipinas
Isang mahalagang marka sa kasaysayan ng bansa ang Setyembre 16, 1991. Mula sa halos isang daang taong pananatili sa Pilipinas, napaalis ang mga tropang Amerikano sa bansa nang bumoto ang 12 na senador para itaboy ang mga base militar ng US sa Pilipinas. Bagama’t isang maningning na tagumpay para sa soberanya ng bansa, nangangamba na […]


Isang mahalagang marka sa kasaysayan ng bansa ang Setyembre 16, 1991. Mula sa halos isang daang taong pananatili sa Pilipinas, napaalis ang mga tropang Amerikano sa bansa nang bumoto ang 12 na senador para itaboy ang mga base militar ng US sa Pilipinas.
Bagama’t isang maningning na tagumpay para sa soberanya ng bansa, nangangamba na mabawi ang tagumpay na ito sa paglagda ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na naghuhudyat hindi lamang ng muling pagbabalik ng mga baseng militar ng US, kundi ng iba pang banta sa soberanya ng bansa.
Sa ika-23 anibersaryo ng pagbasura sa RP-US Military Bases Agreement, nagtipon sa Polytechnic University of the Philippines ang mga kritiko ng EDCA, gayundin ang mga personaheng lumahok sa pagpapasara ng mga baseng militar ng US noong 1991, gaya ni dating senador Leticia Ramos-Shahani.
Nakiisa rin sa laban sa EDCA ang aktor na si Robin Padilla.
Mga banta ng EDCA

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kinumpleto ng EDCA ang panunumbalik ng base militar ng Amerika sa Pilipinas. Sa VFA na ipinasa noong 1998, muling nanumbalik ang mga sundalong Amerikano sa anyo ng “joint military exercises” at “rotation” o paghahalinhinan ng mga tropang militar. Samantala, tinitiyak naman deka-dekada nang RP-US Mutual Logistics Support Agreement na maseserbisyuhan ng bansa ang mga pandigmang sasakyan ng Amerika gaya ng barko, submarino, eroplano, at iba pa.
“Saan po kayo nakakita ng isang bisita na mahigit isang dekada nang nasa bansa natin?” ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Puna ng mga kritiko, halatang minadali ang pagpirma dito at itinaon sa pagpunta ni US Pres. Barack Obama sa Pilipinas noong Abril. Hindi ito dumaan sa Senado at hindi nakita ng publiko ang nilalaman nito, bago mapagkasunduan ng dalawang gobyerno.
Laman ng EDCA ang pagpapahintulot sa US na magtayo ng mga permanenteng kampo at pasilidad—o pawang mga base militar—sa bansa. Maaari ding mag-imbak ng mga kagamitang pandigma, dumaong at serbisyuhan ang kanilang mga sasakyang pandigma, magtayo ng communication facilities at maglunsad ng samu’t saring aktibidad ang anumang bilang ng armadong puwersa ng US at mga contractors nila sa tinatawag nilang “agreed locations” o pinagkaisahang mga lokasyon sa Pilipinas.
Pinapayagan din ng EDCA maging ang pag-iimbak ng kagamitang nukleyar o nuclear weapons na ipinagbabawal sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas.
“Sa ilalim ng EDCA yung access and use ay unimpeded. Ibig sabihin walang sagabal, hindi pwedeng lagyan ng sagabal ng Pilipinas. Ito ay exclusive operational control over the agreed locations. So, hindi rin pwedeng makialam ang Pilipinas kung anuman ang gagawin ng Estados Unidos doon sa mga agreed location,” ayon kay Evelyn Ursua, abogado dati ni Nicole (hindi tunay na pangalan) na ginahasa noon sa Subic ng isang sundalong Amerikano.
Hindi rin umano limitado ang agreed locations doon sa mga kampo ng militar gaya ng Camp Crame o Camp Aquinaldo. Kasama din umano sa maaaring pasukin ng mga tropang Amerikano ang kahit anong lupa, kalsada, daungan, pasilidad, at paliparan, pampubliko man o pribado—nang walang binabayarang upa o buwis.

“Ang paggamit ng Estado Unidos sa agreed locations ay rent-free. Wala silang ibabayad na renta sa Pilipinas. Pwede rin silang gumamit ng kanilang telecommunication systems, gumamit ng radio spectrum, at ito ay hindi subject sa buwis o tax-free. Lahat ng gamit nila ng utilities–water, electricity o anupaman–ay tax-free din,” ayon kay Ursua.
Ang mga militar din umano ang magpapasya sa mga detalye na wala pa, o hindi pa malinaw, sa EDCA. Ayon kay Ursua, nawalan ng oversight ang Kongreso ng Pilipinas sa isang importanteng kasunduan.
“Sinasabi ng EDCA ide-define pa ang detalye ng agreed locations sa mga implementing arrangements na pipirmahan ng AFP (Armed Forces of the Philippines) at US military. Pinaubaya ng EDCA ang pagdesisyon sa importanteng detalye na ito sa ating mga militar at hindi sa ating civilian authorities,” ayon kay Ursua.
Walang jurisdiction ng korte
Wala ring kapangyarihan ang mga korte ng Pilipinas sa anumang kaso sa ilalim ng kasunduang ito. Hindi maaaring magsampa ng kaso ang sinumang Pilipino na naagrabyado ng mga tropang Amerikano (gaya ng nangyari sa kaso ng panggagahasa kay Nicole). Hindi rin pwedeng magsampa ang gobyerno ng Pilipinas ng kaso laban sa gobyerno ng Estados Unidos sa mga international tribunal, ayon kay Ursua.
Sa ilalim ng EDCA, wala rin umanong pananagutan ang Estados Unidos sa anumang pinsala sa kapaligiran gaya nang nangyari sa Tubbataha Reef sa Palawan.
“Dahil walang jurisdiction ang ating mga korte, pwede nating sabihin na hindi mo pwedeng dalhin sa mga korte natin ang anumang environmental destruction o environmental damage na ginawa o gagawin ng US military sa ating karagatan o kalupaan,” ayon kay Ursua.
“Ang ibig sabihin lamang nito ay isinurender na ng ating gobyerno ‘yung kanyang soberanya over its territory sa ilalim ng EDCA,” dagdag niya.
Wala ring expiration o hangganan ang EDCA. Kahit 10 taon lamang ito, sinasabi din sa kasunduan na automatic ang renewal nito, maliban kung magbibigay ng abiso ang isang partido isang taon bago ang intended termination date ng EDCA.
Hindi isang tratado

Ayon naman kay dating senador Leticia Ramos-Shahani, dapat ginawang isang tratado ang EDCA, at hindi isang kasunduan lamang. Bago kilalanin ang isang tratado, kailangan itong iratipika ng Senado ng parehong bansa, kaiba sa isang executive agreement na kailangan lamang ng pirma ng mga pangulo.
“Kasi meron na tayong kasaysayan. ‘Yung 1991 abrogation of the bases agreement, should have been a symbol for the Senate and for the senators,” ani Shahani, na nagsabing tila sinagasaan ng EDCA ang mandato ng Senado ng Pilipinas na silipin ang ganoong klase ng kasunduan.
Para sa Bayan, malinaw ang layunin ng Estados Unidos: ilatag ang kanyang mga puwersang militar sa Asya para protektahan ang mga negosyo nito, at manghimasok sa ibang bansa para pakinabangan ang likas na yaman at murang lakas paggawa at ibenta ang kanilang mga surplus na produkto kasama na ang mga armas at gamit pandigma.
Hindi rin umano makakatulong ang presensiya ng mga tropang Amerikano sa sigalot sa West Philippine Sea.
“Wala sa anumang kasunduan umano ang nag-oobliga sa US na sumaklolo sa Pilipinas kapag inagaw ng Tsina ang alinmang disputed areas sa West Philippine Sea,” ayon kay Teddy Casiño ng Bayan.
Dagdag pa ni Reyes, “Tama ba na iasa natin ang depensa ng ating bansa sa mga dayuhang pwersa? Hindi ba dapat Pilipino ang naninindigan para sa kanyang soberanya? Hindi po tayo kinakailangan at nararapat na umasa na dayuhan ang magtatanggol sa ating bansa,”
Pagtindig para sa soberanya
Sa pangkalahatan, ayon sa mga kritiko, dehado ang Pilipinas sa ilalim ng EDCA.
“Ang tanong natin, ano ang nakukuha ng Pilipinas sa ilalim ng EDCA? Kahit ulit-ulitin nating basahin ang teksto ng EDCA makikita natin na walang benepisyong na makukuha ang Pilipinas sa ilalim ng EDCA,” ayon kay Ursua.
Nagpahayag naman ng pakikiisa ang aktor na si Robin Padilla sa laban sa EDCA. “’Pag nakinig kayo ng balita, lagi na lang kayo bini-brainwash na mahirap kayo; na kailangan ninyong magtiis… Magmula noong panahon ng Kastila ninakawan na kayo. Dumating ang mga Amerikano, ninakawan na kayo. Dumating ang mga Hapon, ninakawan pa rin kayo. Ngayon multi-kultural na ang mga Pilipino ninanakawan pa rin kayo. Pambihira naman, sobra-sobra na. Hindi pa natuwa, tumawag pa ng back up. Heto (EDCA) back up oh, para nakawan pa rin kayo,” pahayag ni Padilla.
Minsan nang napalayas ng mga Pilipino ang mga baseng Amerikano sa bansa. Pangako ng iba’t ibang indibidwal at grupo, ibalik man ng gobyerno ng Pilipinas ang mga baseng militar ng US, gagawin nila ang lahat para labanan ang anumang porma ng banta sa kalayaan ng bayan.
