Main Story Maralitang Lungsod

Buhay at pakikibaka ni Nanay Mameng


Ang buhay niya’y naglalarawan ng paulit-ulit na pagdanas ng kahirapan. Pero naglalarawan din ito ng ibayong paglaban.

Nanay Mameng: Sa kabila ng mga sakit, walang kasing-sidhi pa rin ang kanyang damdamin.
Nanay Mameng: Sa kabila ng mga sakit, walang kasing-sidhi pa rin ang kanyang damdamin.

Kahirapan noon, kahirapan ngayon at kahirapan pa rin ba para bukas?

Kung ilang presidente na ang naluklok sa trono, pero wala ni isa sa kanila ang nakalulutas ng suliraning ito. Napapalitan lang kasi ang namumuno pero ganun pa rin ang sistema. Kaya ang mahirap ay nananatiling mahirap at ang iilan ang siyang bundat sa yaman at kapangyarihan.

Ang buhay ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida ay naglalarawan ng paulit-ulit na pagdanas ng kahirapan. Ipinako na sa kasalatan mula pagkabata hanggang sa pagtanda. Dumanas ng karahasan at pagsasamantala dulot ng pang-aapi sa kababaihan at maging ang paghamak sa uring pinagmulan. Ngunit mistulang rosas siya sa gitna ng digma.

Hindi naging sagka ang taas na 4’7”, kanipisan ng katawan at ang kahirapang pinagdaanan dahil sa oras na marinig ang kanyang tinig sa entablado tila ang lahat ay mapapalingon dahil sa kanyang katapangan at husay na lider-masa.

Saksi siya sa makasaysayang kapabayaan ng gobyerno sa mga maralitang pinangakuan ng kaunlaran at pagbabago.

Kinagisnan sa pamilya

Ipinanganak noong Pebrero 8, 1928 at tubong Bangkusay, Tondo, Manila si Nanay Mameng. Pangatlo siya sa sampung makakapatid. Kapwa nagmula sa mahirap na pamilya ang kanyang magulang na sina Vidal Deunida at Flora Castro.

Factory worker sa isang pagawaan ng pad paper sa Novaliches ang tatay niya. Dahil sa laki ng pamilya at sa maliit na suweldong nakukuha ng kanyang ama, tulung-tulong sila sa paghahanapbuhay. Nagluluto ng suman, bibingka, biko at ginataan ang kanyang ina. Inilalako naman ito ni Nanay Mameng at ng mga nakababatang kapatid.

“Maaga kami nagigising, 5:30 ng umaga. Bitbit ko ang mga suman at bibingka. Umaabot ako ng South Cemetery sa aking paglalako. Makakabalik ako ng 9:00 ng umaga para magpahinga tapos maglilinis na kami sa bahay. Sa hapon ang mga nakababata kong kapatid naman ang maglalako ng biko at ginataan. Ang nakakatanda naming kapatid na sina Flor at Estrella ang nagaasikaso sa aming magkakapatid. Sila ang nakakasama ng aming ina sa bahay at nagtitiyak ng aming pagkain sa araw-araw,” kuwento niya.

Nakatungtong lang ng second year sa Aurollo High School si Nanay Mameng. “Paborito kong sabdyek ang English, pero nang malaman ko kung gaano tayo inaabuso ng Amerika, itinakwil ko ito at sinabi ko sa aking sarili na hinding-hindi na ako tatangkilik sa salitang banyaga,” sabi niya.

Nahinto siya sa pag-aaral dahil sa Ikalawang Pandaigdigang Digmaan at hindi na nakabalik. Wala sa magkakapatid ang nakungtong ng kolehiyo, liban kay Mustiela (pang-anim sa magkakapatid) na nakapag-aral sa Philippine Normal College sa sarili niyang pagsisikap.

Mahirap man ang buhay at kahit sa maagang edad ay nasabak na sila sa pagtatrabaho, hindi nakaitaan ng karapatang makapaglaro sina Nanay Mameng. Kapag natapos na ang lahat ng gawain sa bahay, pinapalaro na sila ng ama. “Naglalaro kami noon ng patintero, taguan at luksong lubid. Paborito ko ang taguan kaya siguro magaling talaga ako magtago kahit nung panahon ng giyera,” sabi pa ni Nanay Mameng.

Lumaki sila sa mahigpit na disiplina at pagpapalaki ng kanilang ama. “Naaalala ko, ang ama namin ang nasusunod sa bahay at sumusunod din lang sa kanya ang aming ina. Lagi niya kaming dinadala tuwing Linggo sa Singgalong Church at sumasama rin kami sa prusisyon ng birhen sa Ermita at kahit nang nagka-edad na ako lumalahok pa rin ako sa prusisyon mula Antipolo hangang Quiapo,” kuwento pa niya. Natigil lang daw ito nang magkasakit na si Nanay Mameng.

Bawal noon ang maiksing buhok; bawal ang lipstick at make-up. Dapat mahaba pa sa manggas ang damit pang-itaas at ang palda dapat lagpas tuhod. Tulad ng maraming istriktong magulang noon, kadalasa’y pinapalo sila: “Tatlo hanggang limang hampas ng mahabang bakal na binalutan ng balat ng sapatos na galing ng Constabulary ang ipinapalo sa amin,” kuwento pa niya.

Nalala ni Nanay Mameng na lagi raw siyang nagugulpi dahil malimit siyang nasa labas. Lagi siyang natutulak na makipag-away kahit pa sa mga lalaki dahil di niya inuurungan ang mga ito.

“Gusto ko kasi sa labas (ng bahay) – nakikita ko ang ibang tao at ang kalagayan nila,” kuwento pa niya.

Nang dumating ang mga kolonyalistang Hapon, nanirahan na sila sa San Andres Bukid. Isang araw, nawalay si Nanay Mameng sa kanyang magulang dahil iniwan siya kasama si Virgilio na 3-anyos pa lang noon, at ang ikawalo sa magkakapatid.

“Halos dalawang taon kaming naulila sa kanila. Pinakakain ko lang si Virgilio ng mga pinipitas kong talbos sa tabi-tabi. Nang magsawa siya, naisip kong kumuha ng pagkain sa iba. Nakakuha naman ako. Hindi ko alam na headquarters pala ‘yun ng mga Hapon. Pero hindi ako nagdalawang isip dahil naniniwala ako ang kakulangan namin ay kalabisan naman ng iba,” aniya.

Nagtago siya para hindi mahuli ng mga sundalong Hapon. Mahirap daw ito, pero nakayanan niyang tumayo sa sarili at mapakain ang kanyang kapatid. Nang muling nakabalik at nakasama muli niya ang kanyang ama, lumipat sila sa Leveriza.

Hindi na muling nabuo ang kanilang pamilya dahil sa giyera.

Buhay may-asawa

Sa Leveriza, nakilala ng ama ni Nanay Mameng si Mariano Dumlao. “Laging naka-istambay si Mariano sa amin at pinakitaan niya ng maganda ang aking ama kaya nagustuhan (ng ama ito) para raw sa akin. Taong 1948, naging mag-asawa na kami. Nagkaroon kami ng siyam na anak pero namatay ang dalawa maliit pa lamang dahil nagkasakit sila,” aniya.

Pero, kuwento pa ni Nanay Mameng, tila pakitang-tao lang pala ang lahat ng pinamalas noon ni Mariano sa kanyang tatay.

“Kahit kalian, hindi niya ako pinakitunguhan ng maganda. Nang mamatayan ako ng anak, ako pa ang sinisisi ni Mariano. Pinabayaan ko raw ang mga bata gayong siya diyan ang walang silbi sa aming mag-iina,” sabi pa niya.

Pambubugbog, pambababae at kawalan ng suporta ang dinanas niya kay Mariano. Ang buong suweldo niya, diretso sa kanyang nanay at walang nakalaan para sa mag-iina.

“Buwisit ako sa nanay niya dahil sa halip na paliwanagan niya ang anak niya eh kinukunsinti pa. Kahit pera ko na pinag-iinteresan pa,” alala niya. Taong 1970 nang magpasya si Nanay Mameng na hindi siya aasa kailanman kay Mariano. Nung una, hinayaan niyang manatili sa bahay nila ito.

Pero hindi nagtagal, pinaalis niya na ito. Nagtangka kasing makialam ito sa kanya at saktan siya. Nabuo ang pasya ni Nanay Mameng na lalabanan niya ito.

Mag-isang magulang, pagiging lider-maralita

Buong tapang na itinaguyod ni Nanay Mameng ang kanyang mga anak. Tumanggap siya ng mga labada.

Hindi siya tumitigil sa paglalaba hangga’t hindi niya naiipon ang halagang kakailanganin upang tustusan ang araw-araw na pagkain at pagpapaaral sa mga anak. Ang pitong anak ay napatapos niya ng hayskul.

Maaaring naging biktima si Nanay Mameng ng karahasan mula sa dating asawa. Pero ang kagustuhan niyang lumaya sa pang-aapi’t pang-aabuso ni Mariano ang siya ring nagpatatag at nagbigay ng lakas ng loob na lagpasan ang anumang hirap ng buhay para sa kanyang sariling pagpapalaya at pagpapaunlad. Nakatulong sa paggampan niya ng kanyang responsabilidad bilang solong magulang sa kanyang mga anak ang pagtitiyak na buo ang kanyang sarili at hindi nakaasa kanino man.

Samantala, nagsimula na rin ang buhay niya bilang lider ng mga kapwa niya maralita.

Sa tindi ng dinanas na kahirapan ni Nanay Mameng, ang tanging nanatili sa kanyang isipin ang tanong na “Bakit ganito ang buhay ng mga tao at paano ba ito mababago?” Panahon ng diktadurang Marcos, nakaugnayan si Nanay Mameng ng Kabataan para sa Demokrasya at Nasyunalismo (Kadena), isang organisasyon ng kabataan sa komunidad. Gusto kasi ng grupong ito na tipunin ang lahat ng mga kabataan sa lugar nila.

Napabilang sa Kadena ang anak niyang si Lauro. Ibinukas ni Nanay Mameng ang kanyang tahanan sa kabataan at doon dinadaos ang mga pulong ng kabataang organisador. Sa tuwing may pag-aaral, siya’y interesadong nakikinig.

Minsan, sinabi niya sa organisador na isali siya sa Kadena. Pero ipinaliwanag sa kanya ng mga miyembro nito na matanda na siya para mapabilang pa sa samahan. “Minsang dumalo ako sa kanilang pag-aaral. Naupo ako sa pinakaharapan, pero sinabihan akong lumipat sa likod. Ang ginawa ko, lalabas ako at papasok muli ako sa harapang pinto para makaupo muli sa harapan,” kuwento ni Nanay Mameng.

“Gusto kong maunawaan ang lahat ng sinasabi nila. Wala naman sa edad ang pagkatuto hangga’t gusto mo,” sabi niya. Taong 1983 nang pumaloob siya sa Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa (Samakana). Naging organisador siya at lider-masa. “Naaanyayahan akong magsalita sa mga rali at kumperensiya. Masarap ang magsilbi sa kapwa, sa mga inaapi at inaabuso, tama lang na paglingkuran ang bayan”, ani Nanay Mameng.

Ngayon, 87-anyos na si Nanay Mameng. Masakitin na siya, pero hindi pa rin nababakas ang panghihina ng kalooban. Buhay na buhay ang diwang palaban dahil sa hangad niyang maging bahagi pa rin ng pagpapalaya ng bayan.

“Ilang presidente na ang aking inabot. Pero pinakamasahol itong si Noynoy,” sabi pa niya. Lalong naghirap umano at napasama ang lagay ng bansa.

“Ang mga maralita, laging itinataboy. Bakit, hindi ba atin ang bayan na ito? Bakit hindi unahin ang interes ng mahihirap?” Hindi nabawasan ng kapangahasan si Nanay Mameng sa kabila ng mga sakit.

Pangarap pa rin niyang lumaya ang bayan mula sa pagsasamantala ng iilan at ang pagkamit ng tunay na pagbabago.

(Kung hindi pa ninyo napapanood, panoorin ang huling dalawang palabas ng dulang Nanay Mameng, ngayong araw na lang, Pebrero 28, alas-3 ng hapon at alas-7 ng gabi sa Dr. Paz Adriano Hall, Miriam College [Little Theater])