Kabataan Main Story

Paglaban ng estudyante sa taas-bayarin sa PUP


Magkasabay na nagrali ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) umaga ng Marso 10 sa mga kampus nito sa Taguig at main campus. Ang layunin nila: pigilan ang taas-bayarin na pinipilit umanong ipatupad ng administrasyon ng pamantasan. Pinanghahawakan nila ang isang-pahinang dokumento na mula umano sa administrasyon ng PUP na nagpapanukalang maningil ng P16,000 sa […]

Protesta ng mga estudyante sa PUP Sta. Mesa para igiit ang pagtigil sa taas-singil sa bayarin sa naturang eskuwela. <b>Darius Galang</b>
Protesta ng mga estudyante sa PUP Sta. Mesa para igiit ang pagtigil sa taas-singil sa bayarin sa naturang eskuwela. Darius Galang

Magkasabay na nagrali ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) umaga ng Marso 10 sa mga kampus nito sa Taguig at main campus. Ang layunin nila: pigilan ang taas-bayarin na pinipilit umanong ipatupad ng administrasyon ng pamantasan.

Pinanghahawakan nila ang isang-pahinang dokumento na mula umano sa administrasyon ng PUP na nagpapanukalang maningil ng P16,000 sa mga estudyante sa susunod na taon.

Pero itinanggi ni PUP Pres. Emmanuel De Guzman na aprubado na ang naturang panukala. Ang sabi pa niya, tatamaan lang umano ng paniningil na ito ang mga estudyanteng papasok sa pamantasan bilang junior at senior high school—sa mismong taon na mawawalan ng enrollees na first year college ang pamantasan dahil sa programang Kindergarten to 12 Years (K-to-12) ng administrasyong Aquino.

Pero di kumbinsido ang mga estudyante. Anila, anumang pagtaas ng singil sa eskuwela—kahit pa sa mga estudyanteng inabutan ng K-to-12, ay posibleng magbigay-daan sa pagtaas ng kabuuang singil sa mga estudyante. Magbibigay-daan ito sa pagtuluy-tuloy ng komersiyalisasyon ng edukasyon.

Protesta sa PUP Taguig. <b>Darius Galang</b>
Protesta sa PUP Taguig. Darius Galang

Kaguluhan ng taas-singil

Maraming estudyante ng PUP ang nagulat sa P16,000 na panukalang bayarin, kahit pa karamihan sa kanila’y di pa naman tuwirang apektado nito. Ang pamantasang ito kasi ang masasabing isa sa may pinakamababang matrikula sa State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa—kahit na namamantine nito ang relatibong mataas na kalidad ng edukasyon.

Sa pahayag ng administrasyon ng PUP, sinabi nitong P12 pa rin ang singil kada yunit sa mga mag-aaral. “Walang pagtaas ng matrikula sa ngayon at sa hinaharap,” mariin nitong diin, sa isang pahayag na ipinaskil ng administrasyon sa Facebook account nito.

Pero inamin din nitong maniningil ito ng P16,000 sa papasok na mga estudyante ng junior at senior high school. Mawawalan daw kasi ng trabaho ang mga guro at kawani ng paaralan sa pagpapatupad ng K-12 sa taong 2016-2017. Walang papasok na freshmen sa pamantasan at dadaan pa sila sa junior, at kalauna’y senior, high school. Ayon sa administrasyon, makapagpapasok ng dagdag na 10,000 mag-aaral para rito.

Pero sabi ng administrasyong De Guzman, walang aalalahanin ang papasok na mga estudyante, dahil popondohan naman daw ng Department of Education ang singil. Itinuro nila ang P22,000 na nakalaan kada estudyante, lagpas pa sa kasapatan ng panukalang P16,000.

Pero ipinakita ng mga grupo ng kabataan, kabilang ang PUP Central Student Council, ang dokumentong nagsasabi na gustong ipapasa ni De Guzman ang P16,000 bilang dagdag-bayarin. Pirmado umano ito ng Finance Committee at para sa approval ng Board of Regents (BOR) ng naturang pamantasan. Sa naturang listahan ng bayarin, may P5,000 tuition dito. Pero nandoon din ang iba pang bayarin tulad ng Cultural Fee, Sports Development Fee, at Student Information System (SIS) na pawang nagsitaasan ang halaga, kaya umabot sa P16,000 ang kabuuang halaga ng singil.

Tinanong ng grupong pangkabataan na Anakbayan kung saan napunta ang P410 Milyong badyet na nakalap mula sa iba pang bayarin na ito. “Bakit naniningil pa (ang administrasyon) ng mga bayarin kung may sobra naman pala? Dapat tigilan na ‘yung SIS Fee, Sports Development Fee na di napupunta sa atleta, Medical Fee, Insurance Fee (na wala namang insurance), ‘yung PE Uniform Fee (na wala namang uniform),” pahayag ng grupo.

Sinabi naman ng Kabataan Party-list, na kinakatawan ni Rep. Terry Ridon sa Kamara, na hindi pa aprubado ang sinasabing P22,000 na babalikatin ng DepEd. Hihilingin pa lang umano ang badyet para rito sa Department of Budget and Management.

Hanggang 50 porsiyento lang ang kayang ibigay ng departamento para sa papasok sa SUCs tulad ng PUP, ayon sa voucher system nito sa ilalim ng Government Assistance for Students and Teachers in Private Education o Gastpe. Kaya lalabas na hanggang P11,250 lamang ang babalikatin ng DepEd, taliwas sa iniulat ng administrasyon ng PUP, at kulang pa sa sinasabing panukala na P16,000.

Sinunog ng mga estudyante ang kopya ng tala ng mga bayaring pinaaapruba ng administrasyon sa Board of Regents. <b>Darius Galang</b>
Sinunog ng mga estudyante ang kopya ng tala ng mga bayaring pinaaapruba ng administrasyon sa Board of Regents. Darius Galang

Other School Fees

Matapos ang pulong ng BOR noong Marso 10, antimanong lumabas si De Guzman at humarap sa mga estudyante. Muli niyang iginiit na di magkakaroon ng dagdag-singil sa matrikula. Pero sabi pa ni De Guzman, hindi daw dapat nakikialam ang mga mag-aaral mula sa ibang paaralan sa isyung ito.

Pero kinuwestiyon ni Charina Claustro, opisyal ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) na nagtapos sa PUP noong nakaraang taon at ngayo’y convenor ng alyansang Rise 4 Education, ang kuwestiyunableng paniningil ng iba-ibang bayarin.

Last enrollment, naningil kayo ng PE Fee na P305. Tapos malalaman ko, hindi n’yo ibinigay ‘yung PE uniform. Naningil uli kayo ng panibagong P305 para makuha nila ‘yung uniform nila. Sige nga, sagutin ninyo, saan napunta ‘yung perang kinolekta n’yo sa kanila? Siningil n’yo iyon sa libu-libong estudyante,” tanong ni Claustro, na di naman umano sinagot ng presidente ng pamantasan.

Sinabi sa Pinoy Weekly ni Jules Asedillo, na mula sa Sports Development Office ng PUP, na marami ngang katanungan sa administrasyon tungkol sa Sports Development Fee. Sabi niya, mabigat sa kanya ang sitwasyon dahil isa siya sa mga nakipag-usap at nagkumbinsi sa mga estudyante na pumayag sa dagdag-singil. Tumaas ang singil na ito mula P92 noong 2012 tungong P150 sa kasalukuyan.

“Pinagsanib na ang lahat ng fees tulad ng State Colleges and University Athletics Association fee at athletic fee at iba pa rito,” paliwanag ni Asedillo.

Dito dapat umano kunin ang panggastos para sa 400 atleta at trainees, partikular para sa kanilang kagamitan, tirahan at pagkain, at maging ang allowance ng atleta. Pero nakakapagtaka umano kung bakit sa iba ang pinaggamitan ng halagang nalikom.

Itinuro niya ang pagpapagawa ng gym bilang halimbawa.

“Masakit dito, ‘yung kunin ang pondo para ipagawa ng mga sirang kagamitan sa gym. Hiningi mo sa mga estudyante ang para sa mga atleta, pero inililibre mo ‘yung gobyerno sa pagpapagawa nito when in fact may capital outlay na, dapat sa General Appropriations Act (GAA, o ang pambansang badyet para sa taon) ipinapasok (ng administrasyon) iyong mga proyektong gagawin sa basketball court, swimming pool o ano pa. Pero kinuha nila iyon sa pera na para sa mga atleta,” sabi pa ni Asedillo.

Aniya pa, ang pondong nalilikom sa Sports Development Fee — nagkakahalagang P20-M — ay nailalagay sa Special Trust Fund. “Isang malaking banga ito na puwedeng kumuha anytime, anywhere, anyhow. May discretion ang presidente kung saan ito gagastusin. Noong nakaraang taon, ang discretion o pasya nila kung saan gagastusin ay hindi sa pagkain ng atleta. Inilagay nila ito sa pagpapagawa ng swimming pool, oval, tennis court. Magandang gawin, pero bakit mo kukunin (ito) sa bulsa ng mga estudyante when in fact nasa GAA iyan,” paliwanag pa niya.

Mula sa P150 singil na para sa Sports Development Fee, magiging P2, 500 na ito. Ang SIS naman, na kasalukuyang sinisingil nang P225, ay nakalistang sisingilin ng P2,500.

“Sinisingil naman na iyong ibang bayarin na iyan ngayon,” ani Jess Ferrera, tagapangulo ng Central Student Council ng PUP, “Pero (sinisingil ito) sa napakataas na rate. Walang paliwanag doon sa papel na ibinigay, basta nakalagay doon ay P16,000.”

Sa tarangkahan ng PUP Sta. Mesa. <b>Darius Galang</b>
Sa tarangkahan ng PUP Sta. Mesa. Darius Galang

Karapatan sa pag-aaral

Inirereklamo rin ni Ferrera na walang konsultasyong ginawa ang administrasyon sa mga estudyante tungkol sa panukala.

“Iyong Board of Regents meeting, malinaw na gagawin lang siya para i-approve lang ang P16,000. Kaya ang hakbang ng mga estudyante ay huwag na talaga siya ituloy,” sabi ni Ferrera, hinggil sa protesta nila. Nagpunta silang mga estudyante, maging ang ilang atleta ng paaralan, sa PUP Taguig — para pigilin ang pag-usad at pag-aapruba ng panukala.

Samantala, sinabi pa ni Ferrera na pinangangambahan din nila ang epekto ng taas-singil na ito sa iba pang SUCs at pribadong mga eskuwela. “Kapag naaprubahan at napatupad ito sa PUP, lalong magkakaroon ng lakas-loob ‘yung ibang pamantasan, SUCs man o pribado, na magtaas din nang sobra-sobra. Kasi kung PUP nga na P12 lang (kada yunit) ay aangat tungo sa P16,000, sila pa kaya,” sabi pa niya.

Sinabi naman ng grupong pangkabataan na Anakbayan na dapat ding isisi ang deregulasyon ng gobyerno sa matrikula at mga bayarin. Siyempre, si Pangulong Aquino din ang pangunahing may responsabilidad sa polisiyang ito. “Ang patuloy na implementasyon ng Education Act of 1982, ang Commission on Higher Education Memo No.20 at programang K-12 ay palagiang dumudulo sa patuloy na pagtaas ng singil sa matrikula,” paliwanag ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Sinabi pa ni Crisosomo na ipinapakita ng paglaban ng mga estudyante sa PUP na sa sama-samang pagkilos lang naigigiit ng mga estudyante ang kanilang karapatan sa edukasyon at paglaban sa mga taas-singil. “Nananatiling abot-kaya ang (bayarin sa) PUP dahil sa sama-samang pagpupunyagi ng mga estudyante at ng buong komunidad nito. Pagpapakita lamang (ito) kung paano ang militanteng pakikibaka ay nakakaambag sa pagbabago sa lipunan,” aniya.