Kabataan Main Story

Paglaban para sa kinabukasan ni Monica


Madalas banggitin ng mga magulang na edukasyon ang tanging pamana nila sa kanilang mga anak. Kaya ganoon na lamang ang pagsusumikap nila at kahit mabaon pa sa utang, igagapang nila ang mga ito sa pagpapaaral matapos lang ng kursong magbabangon sa kanilang kinabukasan. Dapat sana, katuwang ng mga magulang ang pamahalaan na siyang responsable sa […]

Si Monica, iskolar ng bayan. <b>Iya Espiritu</b>
Si Monica, iskolar ng bayan. Iya Espiritu

Madalas banggitin ng mga magulang na edukasyon ang tanging pamana nila sa kanilang mga anak. Kaya ganoon na lamang ang pagsusumikap nila at kahit mabaon pa sa utang, igagapang nila ang mga ito sa pagpapaaral matapos lang ng kursong magbabangon sa kanilang kinabukasan.

Dapat sana, katuwang ng mga magulang ang pamahalaan na siyang responsable sa pagtitiyak at pagpapaabot ng mahusay, epektibo at mura—kundi man libreng—edukasyon para sa kabataan. Pero isang kabalintunaang sa mahabang panahon, ang pamahalaa’y ginawang malaking negosyo ang edukasyon sa ating bayan.

Pero lumalaban ang maraming estudyante para sa karapatan nila sa edukasyon.

Isa si Monica Nepomuceno, estudyante sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), sa mga lumalaban. Kasapi siya ng PUP Student Council at naging miyembro ng grupong pangkabataan na Anakbayan-PUP noong nakaraang taon lang. Ramdam niya ang pangangailangang labanan ang anumang pagtatangkang pagtaas sa singil ng matrikula; wala naman umanong ibang patutunguhan ang sistema kundi higit pang palalain ang kahirapang dinaranas ng maraming mamamayan.

Di-nalalayo ang buhay ni Monica sa kalagayan ng marami pang kabataan sa kasalukuyan.

Unang paaralan

Ang buhay ng pamilya nina Monica ay katulad ng maraming mamamayang maralita: Walang tiyak na tirahan, palipat-lipat, kung saan ang kabuhayan. Bagamat pinanganak sa Pandacan, Manila, lumipat din sila ng Novaliches, Quezon City, bago lumpit sa Las Pinas City.

“Nagtagal kami sa San Jose Del Monte, Bulacan mula 1996 hanggang 2012 na pag-aari ng aming tiyuhin. Nilisan din namin ang lugar nang bigla siyang nawalan ng trabaho at kakailanganin niya na ang bahay. Pagkatapos dito na kami sa Norzagaray (Bulacan) tumira,” kuwento niya.

Bunso si Monica sa tatlong magkakapatid na babae. Nagtatrabaho sa maintenance ng isang condominium sa Makati ang kanyang tatay na si Rolando, 55. Maliit ang sahod ng kanyang tatay bilang manggagawa lalo pa’t agency-hired lang siya. Samantala, housewife ang kanyang nanay na si Elvira.

“Nagbabayad kami ng P2,500 kada buwan (sa bahay) mula noong 2012,” aniya. “Totoong mahaba pang bayarin ito, pero di hamak na mas mababa pa rin kaysa nang kami ay nagungupahan pa tutal kalaunan magiging amin na din.”

Sa pamilya, unang nahuhubog ang pagkatao, ugali at pagpapahalaga sa buhay ng kabataan. Natutunan ni Monica sa kanyang pamilya ang tumanaw para sa kinabukasan. Tanging ang mapatapos silang magkakapatid sa pag-aaral ang siyang yamang pamana ng magulang. Dahil hirap din sila sa kabuhayan tumimo sa kanila ang kahalagahan ng pagbibigayan at tulungan. Di naging usapin para kay Monica ang mahinto nang halos tatlong taon sa pag-aaral at magbigay-daan para sa kapatid na unahing magtapos.

Pero di humupa ang kagustuhan ni Monica na bumalik ng eskuwela at kamtin ang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo.

Si Monica at kapwa niya mga estudyanteng aktibista, sa harap ng Charlie del Rosario Building sa PUP Main Campus. <b>Iya Espiritu</b>
Si Monica at kapwa niya mga estudyanteng aktibista, sa harap ng Charlie del Rosario Building sa PUP Main Campus. Iya Espiritu

Pangalawang pamilya

May epekto sa kabuhayan ng buong pamilya ang kawalan ng tiyak na paninirahan.

“Nung unang semester, nag-uwian ako (mula eskuwela patungong bahay). Ang layo nito, nakakapagod,” aniya. Apektado na ang mga grado niya, dahil minsan hindi na siya nakakapasok kapag walang pamasahe. “One-way ay umaabot ng P80 kaya kapag may P150-200 na ibinibigay na baon ang aking magulang, dun makakapasok ako.”

Noong pumasok ang pangalawang semester, nangupahan na siya ng apartment malapit sa PUP kasama ang pinsan niya. BSBA Human Resource Development and Management ang kurso ni Monica. Umabot sa P1,800 ang binabayaran niya sa upa. Lingguhan na lang siyang umuuwi sa Bulacan.

“Para makatipid, nagbabaon ako ng pananghalian at kung may tira, nakakabili ako ng sandwich na may libreng juice sa may labasan ng PUP. Minsan, pinapautang din naman ako ng mg kaklase ko,” sabi pa niya.

Bukod sa problema sa baon, nagiging problema rin ang pagpipilit ng mga propesor na bumili sila ng libro na kadalasan nagkakahalaga ng P300 hanggang 450. “Kung may anim na major subjects ka, lalabas na P1,800 hanggang 2,700 ang gastos. Di pa kasama diyan ‘yung mga dapat ipa-xerox na modules o syllabus kada sesyon na umaabot din sa P200 kada semester,” ani Monica.

Lumalabas umanong di mababa ang gastusin kahit na nasa state university pumapasok.

Sa karanasan ni Monica, noong huling semestre ay nagbayad siya ng P276 o P12 kada yunit na matrikula. Maliban pa rito, siningil siya ng P250 na maintenance fee, P20 insurance fee P20, at iba pang singilin, na umabot sa P900. Sa madaling salita, kahit pa mababa ang matrikula, lumaki rin ang bayarin niya dahil sa iba pang mga singilin sa estudyante.

Pagtuntong niya ng third year, naisipang lumipat ng kurso si Monica. “Nung una, interes ko ang broadcast communication. Kaso magastos at ang daming hinihinging rekisitos. Dahil interes ko din ang makihalubilo, alamin ang kalagayan ng mga tao at lipunan, magsilbi sa mga mamamayan naging positibo sa akin ang payo ng mga kasamahan ko sa organisasyon na kumuha na ng BS Sociology,” aniya.

Sa kabila nito, naging aktibo rin si Monica sa mga aktibidad ng kilusang kabataan. Bukod sa pangangampanya laban sa mga taas-bayarin sa eskuwela, kalahok din siya sa pangkulturang mga pagtatanghal, tulad ng pagkanta at pagsayaw sa nakaraang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Kabataang Makabayan, o KM@50 noong Enero sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Aktibo rin siya sa pangkulturang mga pagtatanghal sa PUP.

Sa kanyang komitment sa organisasyong masa at kilusang kabataan, nagkaroon ng bagong kahulugan kay Monica ang pangarap para sa magandang buhay. Para sa kanya, hindi na lang pansariling interes para sa magandang buhay ang dapat ipaglaban.

“Dapat magtapos ng pag-aaral…Pero kinakailangang habang ginagampanan ng mga estudyante ang tungkulin na mag-aral, kailangan ding makisangkot at mag-aral pa ng higit labas sa akademya, mag-organisa at kumilos dahil ang edukasyon ay hindi lamang para sa sarili kundi para din ito sa bayan,” pagtatapos niya.