Pluma at Papel

Kabisoteng Edukasyon


ISANG MALAKING kahangalan, kundi man ganap na katontonhan, ang iginigiit noon pa mang 2003 ng Kagawaran ng Edukasyon na wikang Ingles ang gawing pangunahing wikang panturo sa elementarya pa lamang bilang pag-alinsunod sa balintunang patakaran ng rehimen ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.  Naalaala tuloy namin ang isang kabanata ng Noli Me Tangere ni Rizal (Mga Suliranin […]

ISANG MALAKING kahangalan, kundi man ganap na katontonhan, ang iginigiit noon pa mang 2003 ng Kagawaran ng Edukasyon na wikang Ingles ang gawing pangunahing wikang panturo sa elementarya pa lamang bilang pag-alinsunod sa balintunang patakaran ng rehimen ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.  Naalaala tuloy namin ang isang kabanata ng Noli Me Tangere ni Rizal (Mga Suliranin ng Isang Guro).  Sa nasabing kabanata, sa wikang Kastila tinuturuan ang mga bata gayong hindi pa naman sila nakakaintindi ng wikang iyon.  Dahil hindi nila nauunawaan, minimemorya at hindi maipaliwanag  ng mga bata ang kanilang aralin.  Ganito rin nga ang karaniwang nangyayari ngayon sa mga estudyante sa hayskul, kolehiyo at unibersidad sa bansa na dahil sa Ingles nagsipag-aral, at salat sa kakayahan sa banyagang wikang ito, mabilis na nakakalimutan ang sinaulong mga leksiyon kaya nagsisipagtapos na kabisote.

Kaugnay nito,  isang sulat noong nabubuhay pa si Dr. Nemesio E. Prudente, nakilalang makabayan, makatao, progresibong intelektuwal at edukador, at naging Presidente ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, ang tinanggap namin mula sa kanya.  Ayon sa kanya, ang iginigiit na wikang Ingles agad ang gamiting wikang panturo sa elementarya pa lamang ay “sapilitan at pulitikal, hindi nakabatay sa pananaliksik, sa siyensiya ng pagtuturo, at sa mga prinsipyong sikolohikal.”

Niliwanag at binigyang-diin ni Dr. Prudente ang pagtutol niya sa nabanggit na patakaran ng Kagawaran ng Edukasyon sa ilalim ng rehimen ni La Gloria.  Dahil wikang Ingles nga ang ginagamit na panturo sa elementarya pa lamang, napakaliit na porsiyento tuloy ng mga nagsipagtapos sa Grade VI ang pumapasa sa pambansang pagsusulit para matanggap sa mataas na paaralan.  Kinailangan tuloy ipanukala ng diumano’y henyong mga opisyal ng naturang kagawaran ang napakakontrobersiyal na “bridge program” na tandisan nang tinututulan hindi lamang ng mga estudyante kundi maging ng mga guro sa pampublikong mga paaralan.

Unang-una, sa punto ni Dr. Prudente,  “repleksiyon ng mababang kalidad ng pamumuhay sa bansa ang sistema ng edukasyon,” gayundin ng “kolonyal na mentalidad, kainutilan at katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno at ng burukrasya.”  Natural, kapos ang badyet para sa edukasyon na niwawaldas pa nga’t kinukurakot ng mga kinauukulan kaya kulang na kulang din sa mga paaralan, mga pasilidad, at may sapat na kakayahang mga guro.  Bukod dito. binigyang-diin niya, “isa sa pinakamalaking problema nga ang wikang ginagamit sa pagtuturo sa elementarya.  Pinipilit ng mga may kaisipang kolonyal na matuto ng pagbasa, matematika at siyensiya ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng Ingles, isang dayuhang wikang nagsisimula pa lamang nilang pag-aralan.”

Batay sa mga pagsusuri sa Amerika at Canada, sabi niya, lima hanggang pitong taong ipinaiilalim sa mga programa sa pag-aaral ng wika ang mga estudyante bago maabot ang kahusayang pang-akademiko.  Tinututulan tuloy ng progresibong mga edukador doon na ipailalim sa gayong programa sa loob lamang ng tatlong taon ang migrante o dayuhang mga estudyante bago pahintulutang isabak sa iba’t ibang asignatura.  Dahil tatlong taon nga lamang, at hindi pa ganap na humuhusay sa banyagang wikang Ingles, sarisari ang nagiging problema ng dayuhang mga estudyante — pangwika man o pangkultura.

“Isang malaking kabobohan, samakatuwid, ng mga oplsyal ng edukasyon,” binigyang-diin niya, “na gamitin ang Ingles na  wikang panturo agad sa mga mag-aaral sa elementarya na tinuturuan pa lamang ng Ingles bilang ikalawang wika o ikatlong wika sa mga rehiyong di-Tagalog.”  Sa naturang antas, dapat na wikang Filipino ang gamitin kaagapay ang katutubong diyalekto bagaman,   ayon nga sa kanya, mulang Grade I hanggang Grade VI, dapat ding ituro bilang isang asignatura (subject) ang Ingles tulad din ng wikang Filipino.  Kaya, sa nabanggit na mga grado, sa Filipino dapat ituro ang siyensiya at matematika na maaaring salitan ng katutubong diyalekto sa mga rehiyong di-Tagalog.  Sa hayskul na simulan, sabi niya, ang paggamit sa Ingles bilang wikang panturo (medium of instruction).  Hindi ito nangangahulugang kakaligtaan na ang Ingles, ayon pa rin sa kanya, kaya nga dapat na isa itong asignatura sa lahat ng antas ng pag-aaral mulang elementarya hanggang kolehiyo.

Inihalimbawa ni Dr. Prudente ang sistema edukasyonal ng  Japan, China at Korea na sariling wika ang ginagamit na panturo sa lahat ng asignatura — kabilang ang matematika at siyensiya — at, bunga nito, taun-taon, laging nangunguna sa Silangan at Timogsilangang Asya sa mga pagsusulit ang kanilang mga estudyante at nangungulelat ang mga tinuruan agad sa Ingles gaya ng ating mga estudyante.  Katunayan, binigyang-diin niya,  sa nasabing mga bansa, lumikha pa sila ng mga “calculator” at “computer” na nasa sarili nilang wika bagaman ginagamit din sa kolehiyo  ang nasa wikang Ingles.

Hinahamon niya tuloy, noon pa man, ang mga opisyal ng gobyerno at mga edukador na may kolonyal na mentalidad na magbago ng mga patakaran at paninindigan at huwag igiit na Ingles ang gamiting wikang panturo agad sa elementarya, lalo na nga sa siyensiya at matematika.  Ayon sa kanya, dapat na magtayo ang Kagawaran ng Edukasyon sa ilang piling lugar sa bansa ng tinatawag na “pilot schools” na wikang Filipino — katulong ang katutubong mga diyalekto — ang gagamiting panturo sa mga mag-aaral sa elementarya, lalo na’t sa nabanggit na dalawang araling akademiko.   Batay sa kanyang pagsusuri, tinitiyak niyang magiging mahusay ang resulta nito sa kabuuan.

Habang nasa kani-kanilang sariling wika ang edukasyon ng halos lahat ng bansa sa mundo — Kastila sa Amerika Latina, Pranses sa Pransiya, Ruso sa Rusya, Nippon-Go sa Japan, Fookien at Mandarin sa Tsina, Bahasa Indonesia sa Indonesia, Aleman sa Alemanya, at marami pang halimbawang mababanggit — bukod tangi ngang nasa banyagang wikang Ingles ang sistema ng edukasyon sa ating bansa.  Nagkaroon tuloy ng nakasusukang pakahulugan ang mga elitista’t may kolonyal na kaisipan na “hindi edukado” at “bobo” ang sinumang hindi marunong o mahina sa Ingles at “nasisiraan na ng ulo.” ayon noon sa isang Max Soliven sa isang kolum niya sa Manila Times (Pilipino In, English Out: Are We That Nutty?)  kapag niyakap natin ang sariling wika at pinabayaan ang Ingles.

Ano nga ba ang narating ng edukasyon sa bansang ito sa pamamagitan ng wikang Ingles?  Lumilitaw ngang pababa nang pababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.  Nang suriin ang uri ng mga kolehiyo at unibersidad sa Asya, hindi pa napabilang sa unang 40 ang pangunahing mga pamantasan sa bansa tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo University, De La Salle at Unibersidad ng Santo Tomas.  Higit na masama, maliwanag na bangkarote ang kasalukuyang edukasyon — sapagkat kinopya nang pira-piraso mula sa edukasyong Amerikano –  kaya, sa kabilang banda,  hindi naman nito matugunan ang pambansang mga pangangailangan at problema para pasukin ang daan ng kaunlaran tungo sa kinakailangang industriyalisasyon.

“Kung susumahin,” ayon kay Dr. Prudente, “ang problema’y nasa sistema at balangkas:  elitista, kolonyal, maka-kapitalista, maka-pribadong mga paaralan.”  Binigyang-diin pa niya na sa dispalinghadong mga patakaran ng gobyerno, “hindi na katakatakang talagang ayaw nilang paunlarin ang kalidad ng pamumuhay ng masang sambayanan kabilang na ang pagkakaloob ng de kalidad na edukasyon.  Pinaglalaruan lamang nila ang mga maralita at iliterado, pinaaasa lamang kung eleksiyon at, pagkatapos, kalilimutan na.”  Ayon tuloy sa kanya, “sa ilalim ng kasalukuyang sistema — at pababa nang pababa pa nga ang kalidad ng edukasyon — halos wala nang pag-asa ang masang makaahon sa kinalulublubang burak, nananatiling nagdaralita, habang namamayagpag sa kayamanan at glorya ang mayayaman.”

Dahil nga sa makadayuhang mga  patakarang pang-edukasyon — bukod sa iba pang larangan — na idinidikdik ng gobyerno, lumilinaw tuloy ang idinidikta noon pa man ng IMF-World Bank at ng mga instrumento ng imperyalismong Amerikano na isapribado ang mga paaralang pampubliko, lalo na ang mga SUC (State Universities and Colleges) sa bansa ngayon upang mapasok ng salanggapang na mga kapitalistang nakabalatkayong edukador na matagal nang nagsisipaglaway sa negosyong edukasyon.  Katunayan, napasok na ng kilalang malalaking negosyante ang larangang ito:  kontrolado na ni Lucio Tan ang UE (University of the East), ni Emilio Sy ang CEU (Centro Escolar University), ni Alfonso Yuchengco ang MIT (Mapua Institute of Technology), at ni Henry Sy ang Asia-Pacific College.

Bukod sa mga nabanggit, puspusan din ang pagsisikap ng ordeng relihiyoso — lalo na mula sa kampo ng Simbahan — sa pagtatayo at pagpapalawak ng kani-kanilang mga paaralang sagad hanggang langit ang matrikula sa lahat ng antas ng edukasyon.  Mulang kindergarten hanggang kolehiyo, sabi nga, walang karapatang mag-aral doon ang anak ng isang Juanang Basa at Pedrong Tigas (ibig sabihin ang mga anak-anak ng karaniwang mga manggagawa, magsasaka’t mangingisda o nabibilang sa hukbo ng mga walang-wala).

Dahil sa ganitong kalakaran, batay sa obserbasyon noon ni Dr. Prudente, hindi nga malayong magsara at isapribado sa malapit na hinaharap ang maraming paaralang pinatatakbo ng gobyerno sa kapinsalaan, higit sa lahat, ng maralitang mga mamamayang walang kakayahang pag-aralin sa mandurugas na pribadong mga paaralang pag-aari ng mga santo-santito at diyus-diyosan sa lipunan.  Sapagkat balintuna’t makadayuhan  pa nga ang mga patakaran ng gobyerno hindi lamang sa larangan ng edukasyon, kundi maging sa iba pang larangan, “lubhang napapanahong sama-samang kumilos,” sabi ni Dr. Prudente, “ang lahat ng makabayan, progresibo at demokratikong mga puwersang nagmamalasakit sa pampublikong edukasyon para sa kapakanan ng masang sambayanan.”  Sa punto niya, “kinakailangang pagtuunan ng pansin at malalim na suriin ang kasalukuyan at hinaharap pang mga problema ng pambayang edukasyon.  Maaaring gawing makabuluhang gabay ang nakaraang kasaysayan nito na hitik ng kapabayaan dahil na rin sa mga elitista at may diwang kolonyal na lantarang kumukontrol sa sistemang pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa.”

Sa kabuuan, at sa alinmang punto tingnan at suriin, lubhang napapanahon na ngang baligtarin naman ang sistema — ang wikang Filipino naman ang gawing wikang panturo sa halos lahat ng asignatura tulad nang ginawa, at patuloy na ginagawa, ng mauunlad na mga bansang nagmamahal sa sarili nilang wika at kultura.   Maliwanag, patuloy lamang ibinubulid ng umiiral na elitista at kolonyal na edukasyon ang bansa sa kumunoy ng kamangmangan at kaatrasaduhan.  Panahon na ngang buwagin ito at igiit ang isang edukasyong makabayan, makatao, mapagpalaya at siyentipiko.