‘Pinas, dapat umasa sa sariling lakas para labanan panghihimasok ng China, US’
Mismong kasaysayan ng Pilipinas ang nagturo sa mga mamamayan na hindi makakamit ang kalayaang ginugunita tuwing Hunyo 12 na hindi lumalaban. Ito ang mensahe ng mga lumahok sa pagkilos ng Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (P1nas) sa harapan ng konsulado ng China at embahada ng Estados Unidos (US). Pinrotesta ng bagong-tatag na alyansa ang p anghihimasok ng China sa […]
Mismong kasaysayan ng Pilipinas ang nagturo sa mga mamamayan na hindi makakamit ang kalayaang ginugunita tuwing Hunyo 12 na hindi lumalaban.
Ito ang mensahe ng mga lumahok sa pagkilos ng Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (P1nas) sa harapan ng konsulado ng China at embahada ng Estados Unidos (US). Pinrotesta ng bagong-tatag na alyansa ang p
anghihimasok ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea, gayundin ang matagal nang pangingibabaw sa pulitika at ekonomiya ng US.
“Ilang dekada na ba tayong umaasa na tutulungan tayo ng mga dayuhang kapangyarihan? Ilang dekada tayo nagkaroon ng base militar? Ilang taon tayong nagkaroon ng VFA (Visiting Forces Agreement)? Asa tayo nang asa, anong napala natin? Wala tayong napala. Sa katunayan, lalo tayong naging mahina. Lalo tayong nawalan ng kakayanan na tumindig sa ating sariling paa. Lalo tayong nawalan ng kakayahan na depensahan ang sarili nating soberanya,” ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), organisasyong nanguna sa pagtatag sa P1nas.
Dagdag ni Reyes, ipinaubaya ni Pangulong Aquino ang soberanya ng Pilipinas sa mga dayuhan. Ipinaubaya ito sa mga pinaglumaang gamit ng mga Amerikano at Hapon. Wala umanong interes ang gobyerno na palakasin ang sariling ekonomiya at palakasin ang kapasidad na ipagtanggol ang ating bansa.
“Umasa tayo sa ating sariling lakas. Umasa tayo sa mga mamamayang Pilipino. Magtiwala tayo sa mamamayang Pilipino. Ang mamamayang Pilipino hindi natatakot. Ang mamamayang Pilipino, titindig para lumaban,” dagdag ni Reyes.
Nagsimulang muling uminit ang tensiyon sa West Philippine Sea nang magtayo ng istruktura ang China sa ilang maliliit na isla sa nasabing karagatan–isang tahasang pang-aagaw ng teritoryo ng bansa. Pero ang nasabing tensiyon ang ginagamit umano ngayon ng gobyerno ng Amerika para gawing lehitimo ang pagpasok ng mga kagamitang pandigma sa bansa at pagtatayo muli ng mga base para sa sarili nitong interes sa rehiyon.
Dalawang higanteng imperyo
Sa pagrehistro ng P1nas sa dalawang embahada, malinaw sa kanila na wala umano sa dalawang higanteng imperyo ang ikabubuti ng sitwasyon ng Pilipinas.
Para kay dating senador Rene Saguisag, isa sa tinaguriang “Magnificent 12” na senador na nagpalayas sa base militar ng Amerika sa bansa noong 1991 at convenor ng P1nas, kailangan umano ang independiyenteng polisiyang panlabas para harapin ang sigalot sa West Philippine Sea.
“Pabayaan tayo ng China, pabayaan tayo ng Kano, pabayaan tayo ng Hapon, Ruso, o Australiyano, para tayo, can spread our own wings and decide in light of our best national interest,” ayon kay Saguisag sa panayam ng Pinoy Weekly.
Ayon kay Saguisag, dismayado sila sa ginagawang hakbang ng administrasyong Aquino sa umasa lamang sa Amerika para resolbahin ang sigalot sa West Philippine Sea kaya sila nagpoprotesta sa lansangan.
Para naman kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, walang istorikal at legal na batayan ang sinasabi ng China na nine-dash line para angkinin ang teritoryo ng Pilipinas.
“China is laying claim to an entire sea. This is absurd. No country in the world shall be allowed occupational rights to an entire sea. Under international law, a sea is the heritage of all countries. It is for the commons,” ayon kay Colmenares.
Hindi lamang isyu umano ito ng mga Pilipino kundi isyu ng buong mundo dahil walang sinumang bansa na dapat magmay-ari ng isang buong dagat.
“While we assert that there must be peaceful resolution of this dispute, we will not allow ourselves to be cowed into submission. Huwag nating lubayan ang pagtindig natin sa ating teritoryo, ang pagsampa ng arbitration case sa international community, at pagbuo ng kilusan ng mamamayang Pilipino para kumalap ng suporta sa buong daigdig,” ayon kay Colmenares.
Tama umano ang posisyon na paglapit sa international community at dumulog para sa kanilang suporta kesa mahulog sa bitag ng Amerika.
“Both China and the US have no concerned at all for the interest of Filipino people. The US is merely asking, one thing, to have its freedom of navigation in the seas in defense of its economic and military interest,” ayon kay Colmenares.
Pinapakita umano ang pagka-ipokrito ng tindig ng gobyerno ng Pilipinas sa pagposturang handang ipagtanggol ang bansa laban sa China habang nagbubukas naman ng pintuan ng Pilipinas para okupahin ng militar ng US ang mga lupain ng Pilipinas, ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Bahagi umano ito ng estratehikong pihit sa Asya-Pasipiko ng US sa Pilipinas, sa panahong tinatawag nitong “Pacific Century”.
Ayon sa Ibon Foundation, institusyon ng pananaliksik, isang mahalagang pang-ekonomikong rehiyon ang Asya-Pasipiko. Narito ang tatlo sa pinakamalalaking ekonomiya sa daigdig at tatlo sa pinakamalaking populasyon sa daigdig. Isang-katlo (1/3) ng bulk cargo ng daigdig at dalawang-katlo (2/3) ng oil shipments ang nagdaraan sa rehiyon na mayroong siyam sa 10 pinakamalalaking pantalan–mas higit ito sa kalakalan na nagdaraan sa Atlantic.
Inaasahan ang Asya-Pasipiko na makakuha ng 40-50 porsiyento ng pandaigdigang paglago hanggang 2030. May signipikanteng puhunan ang US dito at ito ang pinakamalaling foreign investor na may $651.3 Bilyon noong 2012, ayon sa Ibon.
Ito umano ang ohetibong kondisyon kung bakit nasa atensiyon ito ng US. Sinabi na ng Pentagon pipihit patungo sa rehiyon ang 60 porsiyento ng overseas military navy at air-force nito sa 2020.
“Magkaiba man ang pamamaraan para agawan tayo ng teritoryo at lapastanganin ang ating soberanya, pareho ang kanilang layunin – gusto nilang tiyakin na sila ay nakakapanatili ng kanilang kapangyarihan kapalit ng pagtalampalasan sa soberanya at pambansang teritoryal na integridad ng ating bayang Pilipinas,” ayon kay Salvador.
Kung hindi kaya ng gobyerno ng Pilipinas na ipagtanggol ang teritoryo at soberanya nito laban sa dalawang higanteng bansang patuloy na yumuyurak sa Pilipinas, ipagpapatuloy ng mga mamamayang Pilipino ang laban – at hindi ito mabibigo.