Karapatang Pantao Main Story

Adelberto Silva: Ang nawawalang boses ni Ka Amado

Maliban mismo sa may-akda—ang yumaong National Artist na si Amado V. Hernandez—may isang tao lamang na kayang bigkasin nang tama ang klasikong tula na Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan.

Adelberto Silv, nagpapatuloy sa laban ni Ka Amado Hernandez. <b>KR Guda</b>
Adelberto Silva, nagpapatuloy sa laban ni Ka Amado Hernandez. KR Guda

Maliban mismo sa may-akda—ang yumaong National Artist na si Amado V. Hernandez—may isang tao lamang na kayang bigkasin nang tama ang klasikong tula na Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan.

Siya si Adelberto Silva.

Nang inaresto si Silva noong Hunyo 1, kasama ang asawang si Sharon Cabusao at kasamahang si Isidro de Lima, ipinagmalaki ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nahuli nila ang isang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines.

Giit naman ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), si Silva ay konsultant nila sa prosesong pangkapayapaan at isang batikang lider-obrero. Diumano’y ilegal ang pagkakaaresto at gawa-gawa ang kanilang mga kaso. Gaya ng 17 pang nakakulong na NDFP consultants, protektado dapat si Silva ng Joint Agreement on Immunity and Safety Guarantees o Jasig, isang kasunduang pinirmahan ng gobyerno at ng NDFP.

Nagpunta ako sa Criminal Investigation and Detection Group-NCR holding cell sa Camp Crame kung saan nakakulong si Silva, para ikumpirma—hindi ang paratang ng AFP, o ang sinasabi ng NDFP—kundi ang isa pang balitang narinig ko mula sa mga nakakakilala ka kanya.

Si Silva raw ang nawawalang boses ni Ka Amado. Siya raw ang tanging may kakayahang bigkasin ang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan sa paraang itinuro mismo ni Ka Amado.

Natagpuan ko si Silva sa loob ng kanyang masikip, mainit at inaalikabok na selda. Kasama niya rito ang asawang si Sharon Cabusao—dating opisyal ng Gabriela, dati naming editor sa Pinoy Weekly, at konsultant ng Crispin B. Beltran Resource Center.

Sa naunang dalaw, ikinuwento na sa amin ni Sharon kung paano nagtanim ng ebidensiya ang CIDG noong gabi ng kanilang pagkahuli. Walang warrant of arrest laban sa kanya at kay de Lima, na sa bandang huli’y kinasuhan na lang ng illegal possession of firearms and explosives. Mga kasong katawa-tawa, kung tutuusin, dahil sa pisikal na limitasyon ni Sharon na may sakit, at dahil asawa niya ang pinagbibintangang “kinakanlong” na kriminal.

Pero ang kuwentong ito ay hindi tungkol kay Sharon, kundi sa asawa niyang si Adel. Si Adel, na bayani raw noong Martial Law, at deka-dekadang nagsilbi sa mga manggagawa. Si Adel, na kinupkop ni Ka Amado, at tila kahalintulad ang landas.

Kung Tuyo na Ang Luha Mo, Aking Bayan

1967. Nakalabas na ng piitan si Ka Amado nang makilala niya si Adel. Limang taon na nakulong si Ka Amado, matapos ang crackdown ng administrasyong Quirino laban sa pinaghihinalaang mga komunista, sa gitna ng noo’y sumisiglang kilusang paggawa. Kinasuhan si Ka Amado ng rebelyon, kasama ng murder, arson, at robbery— mga kasong kriminal gaya ng ikinakaso ngayon sa mga konsultant ng NDFP.

Sa loob ng piitan, sinulat ni Ka Amado ang pinakasikat niyang mga akda—mga nobela, tula, at dula—na sa kalaunan ay magiging esensiyal na bahagi ng pambansang literatura.

Pero hindi lang mahusay na manunulat si Ka Amado. Mahusay siyang bumigkas ng mga tula. At sa loob ng ilang taon noong huling bahagi ng dekada ‘60, ipinamana niya kay Adel ang mga sikreto ng tamang pagbigkas nito.

Tagapangulo ng board of judges noon si Ka Amado sa isang paligsahan sa pagbigkas na inisponsor ng lokal na pamahalaan ng Maynila. Nagkamit ng unang gantimpala si Adel, na noo’y estudyante ng Journalism sa Lyceum University. Simula noon, nakuha niya ang atensiyon ni Ka Amado. Sinanay siya nito sa pagbigkas ng kanyang mga tula.

“Nawawala na kasi ang boses niya noon,” paliwanag ni Adel. Kaya’t tuwing iniimbitahan sa iba’t ibang okasyon, gaya ng graduation o pista, sinasama ni Ka Amado si Adel para bumigkas ng tula.

Sa lahat ng mga tula na sinasanay ni Adel na bigkasin, isa lang ang nakuha niya na tamang paraan ng pagbigkas: ang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan. “Kulang pa raw ako sa practice, doon sa iba niyang tula,” nakangising sinabi ni Adel.

Ginawa namin ang audio recording ng tula sa loob ng selda. (Hindi kami pinayagan na gumamit ng video). Paliwanag ni Adel, mas angkop na binibigkas ito sa malaking espasyo, gamit ang malaking boses. Pero dahil wala kaming pagpipiliang lugar kundi ang loob ng selda, at walang ibang audience kundi ang mapagmatiyag na mga guwardiya, sinikap niyang gamitin ang “restrained” na paraan ng pagtula:

Sa gitna ng pagtula, nangingilid na ang luha sa kanyang mga mata. Nakakaluha pala talaga ang mga berso. Pero minsang ipinaliwanag ni Ka Amado kay Adel: hindi ito tula ng pagluha o pag-iyak. Tula ito ng galit.

Sa aklatan ni Ka Amado

Doon sa bahay ni Ka Amado nagsasanay si Adel tumula. At sa malawak na aklatan ng manunulat, una siyang nakabasa ng mga akda ng mga rebolusyonaryong pilosoper na sina Karl Marx, Friedrich Engels, at Vladimir Lenin. Hindi pa siya aktibista noon. Pero si Ka Amado, marami nang nagawa para sa bayan. “Sa tingin ko, lider-manggagawa muna siya, bago isang makata,” sabi ni Adel.

Taong 1947 noong nahalal si Ka Amado—noo’y isang peryodista—na pangulo ng Congress of Labor Organizations (CLO). Sa kanyang pamumuno, nanguna ang CLO sa pinakamalalaking laban ng mga manggagawa sa panahong iyon. Mula 1948 hanggang 1950, sunud-sunod na mga welga ang ipinutok ng libu-libong manggagawa, sa mga empresa gaya ng Republic Sawmill, Philippine Refining Co., Benguet Consolidated Mines, Franklin Baker, at iba pa. Ang malaking papel ni Ka Amado sa kilusang paggawa ang isa sa naging dahilan ng kanyang ilegal na pagkakakulong.

Noong 1964, pinawalang-sala ng Korte Suprema ang mga kaso laban kay Ka Amado. Kinikilala ngayon bilang Hernandez Doctrine ang makasaysayang desisyon ng Korte Suprema sa People of the Philippines vs. Amado V. Hernandez. Ayon dito, ang isang tao na kinasuhan ng rebelyon ay hindi na maaaring kasuhan pa ng hiwalay na kasong kriminal.

Nakakabahala na kabaligtaran ng doktrinang ito ang ginagawa ngayon na pagsasampa ng mga kasong kriminal sa mga konsultant ng NDFP, ayon kay Adel.

Sa mga taon bago ang kamatayan ni Ka Amado noong 1970, mabilis na sumiklab ang progresibong kilusang estudyante. Lumahok dito si Adel. Iniwan niya ang pag-aaral ng peryodismo, at sa halip, tumugon sa panawagang “makiisa sa mga manggagawa at magsasaka.” Naging aktibo siya sa mga gawaing unyon, at naging tagapangulo ng Pambansang Kilusan ng Manggagawang Pilipino (PAKMAP).

Kasabay nito, pumasok si Adel sa teatro, sa tulong na rin ni Ka Amado. Gumanap siya sa dula nitong Magkabilang Mukha ng Isang Bagol, na itinanghal sa harap ng First Couple sa isang okasyon sa National Press Club noong 1969. Kahit pa sila ang pinatatamaan ng satirikal na dula, “deadma lang ang mag-asawa,” kuwento ni Adel.

Silva (kaliwa) kasama ang pangkalahatang kalihim ng Gabriela Women's Party na si Lana Linaban. <b>KR Guda</b>
Silva (kaliwa) kasama ang pangkalahatang kalihim ng Gabriela Women’s Party na si Lana Linaban. KR Guda

Kasama ang batikang aktor na si Tommy Abuel, gumanap din si Adel sa dulang Tao, isang produksiyon ng Philippine Educational Theater Association (PETA) na sinulat ni Isagani Cruz at dinirehe ni Cecile Guidote. “Pumupunta noon si Adel sa rehearsals tuwing gabi na bangas-bangas ang mukha. Galing kasi sa piketlayn,” kuwento sa akin ng isang dati niyang kasamahan sa PETA, na nagulat nang mabalitaan ang tungkol sa kanyang pagkakaaresto.

Natawa si Adel sa alaala: welga pala iyon ng Continental Bazaar, isang shopping mall sa Avenida St. sa Maynila. Kasama siya ng mga manggagawa na dumedepensa sa piketlayn laban sa Metrocom.

Pero natapos ang kanyang maikling karera sa entablado nang ideklara ang Martial Law. Pumanaw na noon si Ka Amado, bagamat buhay na buhay ang kanyang mga ipinaglaban. “Isa siyang makabayan hanggang sa huling hininga. Kahit humihina ang katawan, umiikot pa rin si Ka Amado sa mga unyon. Tuwang-tuwa siyang makita ang muling pagsigla ng kilusang paggawa,” kuwento ni Adel.

‘Bayani ng Martial Law’

Gaya ng maraming aktibista noong Martial Law, pinili ni Adel na mag-underground at lumaban sa diktadura. Matapos ang pag-oorganisa sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon at Kordilyera noong dekada ‘70, bumalik siya sa National Capital Region para muling mag-organisa ng mga manggagawa noong dekada ‘80.

Naging adviser siya ni Rolando “Ka Lando” Olalia, noo’y tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Kasama ang KMU, nanguna siya sa mga laban para sa karapatang magwelga noong diktadura—kabilang dito ang makasaysayang welga sa Solid Mills noong 1983.

Matapos ang People Power, tumulong naman si Adel sa kampanya ng Partido ng Bayan. At noong 1987, lumahok si Adel sa preparasyon sa unang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng NDFP.

Nagtuluy-tuloy ang kanyang gawain sa NDFP bilang konsultant sa mga usaping pang-manggagawa. Tumulong siya sa pagbubuo ng mga panukala sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms, isang dokumentong instrumental sa pag-usad ng usapang kapayapaan at paglutas ng mga ugat ng armadong tunggalian.

Sa press conference ng Free Adel Silva Committee noong Hulyo 1, sinabi ni Sr. Emelina Villegas, ICM, tagapangulo ng board of directors ng Center for Trade Union and Human Rights, “Ilang dekada ko nang kilala si Adel. Inalay niya ang buhay niya sa serbisyo ng mga manggagawang Pilipino. Bayani siya ng Martial Law. Hindi siya dapat ikulong.”

Sumuporta rin kay Adel sa presscon sina Satur Ocampo, dating mambabatas at negosyador ng NDFP, Vicente Ladlad na konsultant ng NDFP, at dating Budget Secretary Salvador Enriquez.

Iniwan ko kay Adel ang aking libro ng koleksiyon ng mga tula ni Ka Amado. Tuwang-tuwa siya sa pagkakataon na muling aralin ang mga turo ni Ka Amado sa pagtutula—kahit lampas-lampas na rito ang naiambag niya sa mithiin ng dakilang manunulat at lider-obrero.

“Tamang-tama,” sabi niya. Hinahanap niya ang tulang Panata sa Kalayaan. Marahil, dahil ang mga berso nito’y sukat na sukat sa kanyang kalagayan:

Ang aking katawa’y oo nga’t bilanggo,

nguni’t ang isipan at tibok ng puso

ay di mangyayaring kulungin saglit man ng bakal o ginto;

ang pananalig ko sa malayong kuro,

kasama ng hangin at sikat ng araw sa lalong malayo;

sa huni ng ibon, sa sigaw ng alon at angil ng punlo,

sa tutol ng madla sa lahat ng utos na buktot at liko,

sa sumpa ng tao sa kawalang-budhi ng masamang puno,

ay nakikisaliw ang aking kalulwang walang pagkahapo,

hanggang sa makamtan ng bayan ang taal

na lupang pangako—