Pluma at Papel

Tula | Dati Pa Silang Nakangingiti


Tula ni Rogelio Ordonez alay sa pakikibaka ng mga mamamayang Lumad sa Mindanao.

Mga lider Lumad na gumawa ng ritwal sa Mendiola kamakailan. <b>Twinkle Imperial Mangi</b>
Mga lider Lumad na gumawa ng ritwal sa Mendiola kamakailan. Twinkle Imperial Mangi
(Tula — alay sa Lumad nating mga kapatid)

dati pa silang nakangingiti
sa bawat pagbulaga ng araw
kung umagang inaantok pa ang papawirin
at humahalik ang hamog
sa nauuhaw na mga bulaklak sa damuhan
umaawit pa sila dati
tulad ng mga ibong
naglalaro sa kakahuyan
nagsasayaw pa sila dati
gaya ng mga palakang
naglulundagan sa kasukalan
o ng mga isdang pumupusag
sa mabining agos ng ilog
humahabi pa sila dati
ng mumunting mga pangarap
habang payapang nakamasid
puting ulap sa katutubong lupaing
dibdib nila’t tiyan
at kadluan ng masiglang halakhak
ng makukulay na mga alaala.

ngunit ngayon, oo ngayon,
tumakas ang ngiti sa kanilang mga labi
bumukal sa kanilang mga mata
mga talulot ng lungkot at dusa
namaos na mga tinig nila
di dahil sa halakhak ng pagsinta
kundi sa protesta laban sa inhustisya
laban sa kalupitang nanibasib
sa mga katribo sa lianga
na ngayo’y namamaluktot
nakatulala sa tandag
maulap ang mga mata
maputla ang mga labi
tuliro ang diwa
at kaluluwa’y nag-aapuhap
ng kalinga’t pagmamahal.

itinaboy sila ng mga putok ng baril
ng mala-militar na mahat bagani
niligis ng takot
mga pusong lubos na nagmamahal
sa lupain nilang katutubong
himlayan ng sagrado nilang panata
kadluan ng kanilang ligaya’t pag-asa
at di magtatagal
sasalakayin ang kanilang lupain
ng dambuhalang mga makinarya
lalaplapin ang mayamang dibdib
hahalukayin ang ubod ng sikmura
gugutayin ang pinakabituka
dahil gahaman ang mga diyus-diyosan
sa gintong nasa sinapupunan
ng katutubo mong lupaing pinakasasamba…

ngunit hindi iidlip ang habagat
hindi hahalik sa lupa ang mga punongkahoy
hindi mananangis na lamang ang mga damo
o basta na lamang maluluoy ang mga bulaklak
hindi mahihimbing ang mga ilog
at sa saliw ng tagupak ng lintik
at singasing ng kidlat
at tungayaw ng kulog
magkukulay-dugo ang mga ulap
at sisilay na muli ang iyong mga ngiti
buong giliw na pakikinggan ng mga ibon
taginting ng iyong halakhak
mga kapatid naming lumad!