FEATURED Magsasaka

Pagpapalawak ng plantasyon ng palm oil, panganib sa magsasaka


Habang patuloy ang Pilipinas sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa, patuloy din nitong ibinubuyangyang ang mga agrikultural na lupain para pagtaman ng malawak na plantasyong pang-eksport gaya ng goma, pinya, saging, at ngayon naman ang paglawak ng oil palm plantation.

Protesta ng mga magsasaka at mga katutubo sa harapan ng Department of Environment and Natural Resources laban sa oil palm plantation. <strong>Pher Pasion</strong>
Nanawagan ng hustisya ang mga magsasaka at mga katutubo sa harapan ng Department of Environment and Natural Resources para itigil ang pagpapalawak ng operasyon ng mga oil palm plantation. Pher Pasion

Habang nag-angkat ng bigas ang Pilipinas mula sa ibang bansa, ibinubukas din nito ang agrikultural na mga lupain para pagtaman ng malawak na plantasyong pang-eksport gaya ng goma, pinya, saging, at ngayon naman ang paglawak ng oil palm plantation.

Ginagamit ang palm oil sa iba’t ibang produkto gaya shampoo, sabon, margarine, langis sa mga makina, at iba pa.

Tinatawag ito ngayon na sunshine industry para maenganyo ang mga magsasaka na magtanim nito imbes ng mga produktong agrikultural na pangunahing kailangan ng Pilipino gaya ng palay, mais, at iba pang produkto para magkaroon seguridad sa pagkain ang bansa.

At sa PH Road Map on Oil Palm Industry, nakaambang palawakin ng gobyerno Aquino ng isang milyong hektarya ng oil palm pagdating ng 2023. Ibubukas ito sa mga lokal at dayuhang negosyante.

Malaki umano ang kikitain dito ng mga magsasaka at sa ekonomiya dahil hindi umano magastos ang pagtatanim o cost efficient ito. Pero taliwas ang realidad na nararanasan ng mga magsasaka at katutubong nauna nang naranas nito.

Paglawak ng plantasyon

Nagsimula pa ang pagtatanim ng oil palm sa bansa mula pa noong dekada ’50 sa Sultan Kudarat. Naipatayo din ang Menzi Agricultural Corp. sa Basilan at Zamboanga.

Taong 1960s nang naitayo ang plantasyon ng Kenram Industries na may 1,000 hektaryang nucleus farm at 3,000 hektaryang out grower farm sa Sultan Kudarat.

Nakipagsosyo naman ang National Development Corporation noong panahon ng dating diktador na si Ferdinand Marcos sa Guthrie Malaysia at nagtayo ng 4,000 ektaryang taniman ng oil palm sa Agusan del Sur noong 1981.

Sa taong 2009, umaabot na sa 45,608 hektarya ng oil palm ang tinataniman sa Pilipinas. Sa rehiyon pa lamang ng Caraga noong 2011, nasa 17,252 hektarya na ang tinataniman ng oil palm.

Nasa 56,641 ektarya naman ang kabuang saklaw ng oil palm plantation sa bansa sa taong 2012.

“Nakatirik ang mga plantasyong ito sa dating kinikilalang mga lupang ninuno ng mga kapatid nating Lumad. Nakatirik sa mga lupang dati’y nakatanim ang mga palay, mga produktong nakakain ng mamamayan, nakukonsumo ng publiko,” ayon kay Ariel Casilao ng Anakpawis Party-list sa Timog Mindanao.

Mindanao ang may pinakamalaking plantasyon nito na aabot sa 98 porsiyento ng kabuang plantasyon ng oil palm sa bansa.

Pero ayon sa KMP, simula pa lang ang target na ito ng administrasyong Aquino. Sa Bohol, halimbawa, nasa 6,500 ektarya na ang tinataniman ng oil palm na wala o hindi pa kasali sa target ng road map na ito. Dito, kasama ang lokal na gobyerno, ang Department of Environment and Natural Resources, at Department of Agriculture sa pag-eengganyo sa mga magsasaka.

Sa Palawan naman, nasa 100,000 ektarya ang sasakupin nito kabilang ang mga lupaing ninuno. Ipinapaket umano ito bilang isa sa mga gagawing tourist attraction sa probinsya.

Aabot naman sa 150,000 ektaryang oil palm plantation naman ang sa rehiyon ng Soccksargen. Samantalang 30,000 hektarya naman ang sasakupin sa Davao Oriental bilang kapalit umano ng mga niyog na nabuwal noong bagyong Pablo. Sa Maguindanao naman, balak palawakin ng 40,000 ektarya ang kasalukuyang 7,000 ektarya ng oil palm plantation pagdating ng 2016.

Sa kasalukuyan, may anim na malalaking kompanya ng oil palm plantation sa bansa na nagpoproseso ng palm oil o may palm oil mills. Nasa 265 metrikong tonelada (MT) kada oras ang napo-produce nito.

Sa isang ektarya ng oil palm, nasa 4 hanggang 5.5 toneladang crude palm oil ang nalilikha, ayon sa KMP.

Panlilinlang 

Kasabay ng pagpapalawak ng mga plantasyon partikular ang oil palm, nangangahulugan ito ng panlilinlang at pagpapalayas sa mahihirap na magsasaka at katutubo.

Dahil sa lumalaki umano ang demand para sa oil palm ng industriyalisadong mga bansa, may potensiyal sana ito para mapabuti ang buhay ng mga magsasaka at palaguin ang ekonomiya.

Ayon kay John Ruiz, mula sa Bohol, nilinlang ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapautan sa kanila hanggang P50,000. Hindi alam ng mga magsasaka na sa halagang ito ibabawas ang lahat ng ginamit nila, mula binhi hanggang paglilinis ng panananim. Sa halaga ring ito binawas ang dapat nilang suweldo sa plantasyon.

“Sa madaling salita, wala halos ginastos na kapital ang plantasyon dahil lahat ng ginastos sa pagtanim, pag-produce at paglilinis, naging utang ng magsasaka. Kaya matapos ng limang taon nang mamunga ang oil palm, dadaan muna ang kita sa bangko. Hindi direktang matatanggap ng magsasaka ang kita,” ani Ruiz.

Kaya ang karamihan ng mga magsasaka na may isang hktarya, tatanggap lang ng P50 hanggang P200 kada buwan, ayon kay Ruiz. Sa ganito umanong kalakalan, lalong nabaon sa utang ang mga magsasaka mula noong taong 2000 kung kailan nagsimula ang pagtatanim sa Bohol.

Maging ang epekto ng paggamit ng pestisidyo sa mga oil palm, nagpahirap umano sa mga mamamayan dahil sa pagkalason ng mga residente dito lalo’t higit ang mga bata.

Sa karanasan naman ni Fermin Quezon, mula sa Palawan, taong 2004 hanggang 2005 nagsimula silang iengganyo para magtanim ng oil palm at 2006 nagsimula silang magtanim.

“Malaking pagsisisi ng mga nagtanim kasi hindi na sila makapagtanim ng mga gulay. Hindi naman intercrop ang oil palm. Mababa rin ang renta sa lupa na nagkakahalaga lang ng P1,000 hanggang P1,400 kada buwan sa loob ng isang taon,” ani Quezon. Higit pa sana ang kanilang kikitain kung gulay ang kanilang itinatanim.

Tutol ang mga magsasaka sa paglulunsad ng <i>economic leaders's summit</i> ng Asia-Pacific Economic Cooperation na itinuturong isa sa mga pagtitipon na maghihikayat ng pagpapalawak ng mga plantasyon sa bansa. <strong>Pher Pasion</strong>
Tutol ang mga magsasaka sa paglulunsad ng economic leaders’s summit ng Asia-Pacific Economic Cooperation na itinuturong isa sa mga pagtitipon na maghihikayat ng pagpapalawak ng mga plantasyon sa bansa. Pher Pasion

Marami din umanong napeste ang sa kanilang ibang mga pananim dahil pinamamahayan umano ng mga peste ang mga puno ng oil palm.

Si Erlene Namatidong naman mula Bukidnon, limitadong araw ng paggawa at mababang sahod naman ang kinakaharap din ng mga manggagawang bukid sa mga oil palm plantation partikular sa A. Brown Energy Resources Dev’t Inc.

Sumasahod umano ng P290 kada araw ang mga manggagawang bukid sa plantasyon. Pero pakyawan umano ang karamihan sa kanila at hindi araw-araw ang trabaho dahil marami ang nakahelera na manggagawang bukid.

Ayon pa kay Namatidong, nakaranas din ng pagpapalayas ang mga residente sa kanilang tinataniman lupa at pinalitan ito ng mga puno ng oil palm.

Negosyo bago bayan

Isang malaking bunga ng pagsunod ng gobyerno ng Pilipinas sa mga neo-liberal na polisiya ang palawak ng mga plantasyon sa Pilipinas. Sinisiguro kasi ng mga malalaking kapitalistang bayan ang mga hilaw na materyales na kakailanganin nila sa kanilang industriya at krusyal nakuha nila ito sa mababang halaga.

Sa paglulunsad ngayon ng Asia Pacific Economic Conference sa bansa, inaasahang ibubuyangyang ng gobyerno ng Pilipinas ang mga lupain sa bansa para maenganyo ang mga mamumuhunan partikular sa sektor ng agrikultura.

“Sa pag-enganyo ng gobyerno na mamuhunan sa bansa (ang dayuhang mga kompanya), magaganap ang malawakang land grabbing, malawakang conversion ng lupa at crop conversion, at malawakang pagpapatalsik sa mga magsasaka at katutubo,” ani Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP.

Magdudulot ito ng pagbagsak ng kabuhayan ng mga manggagawang bukid na nawalan lupang sinasaka. Samantala, hindi makalikha ng trabaho ang goberyno dahil sa kawalan ng pambansang industriya.

Pakikiisa ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap sa pagtutol sa paglawak ng oil palm plantation sa bansa. <strong>Pher Pasion</strong>
Nakiisa si Anakpawis Rep. Fernando Hicap sa pagtutol sa paglawak ng oil palm plantation sa bansa. Pher Pasion

Isa ring matinding problema nito ang pagsira sa potensiyal ng lupa dahil sa malalim na ugat ng puno ng mga oil palm, hindi kakayanin ang basta pagbungkal sa mga ito sa panahon na nais nang taniman ito ng ibang panananim gaya ng palay.

Gayundin, naging talamak umano ang pagpapatrabaho sa mga menor de edad sa mga plantasyon, ayon kay Casilao.

Kahit na anong magagandang pangalan at pangako pa ang ilagay ng gobyerno sa mga plantasyon, mananatili itong dagdag na problema sa sektor ng agrikultura. Hindi umano nito tinutugunan ang pundamental na suliranin sa kawalan ng lupa at kawalan ng lupang sinasaka ng mga magsasaka, sabi pa ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap. Sa pagpasok umano ng mga plantasyon, nagiging sistematiko ang pangangamkam ng lupa at pagtataboy sa mga magsasaka at katutubo na siyang nagmamay-ari ng mga lupang sakahan.

Malaki rin umano ang epekto nito sa seguridad ng pagkain ng bansa dahil pawang mga hilaw na produkto na kakailanganin ng mga dayuhan para sa kanilang mga negosyo ang itinatanim dito.

“Hangga’t hindi naipapatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyo’y hindi malulutas ang problema at suliranin sa kawalan ng lupa, kagutuman, at kahirapan magpapatuloy ang ganitong sistema,” pagtatapos ni Hicap.