Sa pagbubukas ng Kongreso: P125 dagdag-sahod, iginiit ng mga obrero na ipasa


Nanawagan ang militanteng mga manggagawa na kagyat na ipasa ang panukalang batas na P125 across-the-board wage bill sa pagbabalik sesyon ng Kongreso

"Immediate relief" lamang ang P125 dagdag-sahod, ayon sa KMU at Anakpawis. (Macky Macaspac)
Piket ng Kilusang Mayo Uno sa harap ng Batasan Pambansa, sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara, para igiit ang pagpasa ng pagsasabatas ng P125 dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor. (Macky Macaspac)
Piket ng Kilusang Mayo Uno sa harap ng Batasan Pambansa, sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara, para igiit ang pagpasa ng pagsasabatas ng P125 dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor. (Macky Macaspac)

Nanawagan ang militanteng mga manggagawa na kagyat na ipasa ang panukalang batas na P125 across-the-board wage bill sa pagbabalik sesyon ng Kongreso.

Sa piket sa harap ng Batasan Pambansa, hinamon nila ang mga kongresista na tahasang salungatin ang pahayag ni Pangulong Aquino na nagbasura sa panukalang dagdag-sahod noong Mayo 1.

“Ang dahilan kung bakit kami narito sa Kongreso ay upang manawagan sa mga kongresista na suportahan ang House Bbill 375,” sabi ni Roger Soluta, pangkalahatan kalihim ng Kilusang Mayo Uno, patukol sa naturang panukalang batas ng Anakpawis Party-list.

Ipinanawagan nila sa partikular kay Rep. Emil Ong, tagapangulo ng Committtee on Labor, na tuparin ang ipinangakong pagpasa ng komite sa panukalang batas para sa dagdag-sahod bago muling magsara ang sesyon ngayong Mayo.

Anakpawis Rep. Rafael Mariano: Pangunahing awtor ng HB 375. (Macky Macaspac)
Anakpawis Rep. Rafael Mariano: Pangunahing awtor ng HB 375. (Macky Macaspac)

“Umaasa kami na mabibigyan ng puwang ang panukalang batas sa muling pagbubukas ng kongreso.  Nangako naman si Rep. Ong na susuportahan niya ang HB 375, at sinabi din niya na isang regional consultation na lang ang kailangan at magpapalabas na sila ng committee report,” ani Soluta sa panayam ng Pinoy Weekly.

Inaasahan din ng grupo na kahit nagdeklara ang Pangulong Aquino na tumatanggi ito sa 125 dagdag sahod, maipapasa pa rin sa committee level ang panukalang batas at matalakay sa plenaryo.

Ayon naman sa pangunahing awtor ng panukalang batas na si Anakpawis Rep. Rafael Mariano, pipilitin niyang makausap si Ong at ang buong secretariat ng komite  para mabigyan ng iskedyul ang huling konsultasyon na dapat ay naisagawa noon pang Abril.

Kasabay ng panawagan ng grupo, binatikos din nila ang pagtanggi ni Aquino sa panawagang P125 across-the-board  na dagdag sahod.

“Binagsak niya ang P125 sa kanyang speech noong Mayo 1. Hindi raw makakabuti ’yung P125 (wage hike).  Mali pa ang pagkuwenta niya, “ ani Mariano.

Sa datos na ipinakita ni Pangulong Aquino, kinuwenta nito ang 125 sa 40 milyong lakas-paggawa ng buong bansa, na ayon sa grupo ay aabot lamang sa 20 milyon sa reyalidad.

As of January 2012, sa datos mismo ng gobyerno, 40.5 milyon ang kabuuang labor force.  Pero, siyempre iaawas mo yung unemployed,  lalabas na ang employed ay 37.4 milyon lang. At sa 37.4 milyon na employed, 20.4 milyon lang ang salary wage worker, halos kalahati.  At 11.3 milyon ang self-employed,” paliwanag ni Mariano.

Idinagdag pa ni Mariano na mayroon pang 4.3 milyon na unpaid family workers, at 1.3 milyong  employer sa sarili nilang maliliit na negosyo.  Dapat umanong ibawas  ang mga ito sa pagkuwenta sa makakatanggap ng P125.

“Pati yung hindi sumasahod dahil unemployed isinama na mabibigyan ng P125 dagdag-sahod. Mali ang kuwenta niya,” pagdidiin ni Mariano.

Sinabi pa ng militanteng kongresista na ayon din sa datos ng gobyerno, tumaas ang produktibidad ng paggawa mula noong 2001-2009 nang 97 porsiyento samantalang 44 porsiyento lamang ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region.

Dagdag pa niya, tumaas din ang presyo ng mga bilihin at serbisyo nang aabot sa 65 porsiyento sa kaparehong panahon.

“Hindi nakikinabang ang mga manggagawa sa productivity at tumaas pa ang presyo ng mga bilihin,” aniya.

"Immediate relief" lamang ang P125 dagdag-sahod, ayon sa KMU at Anakpawis. (Macky Macaspac)
"Immediate relief" lamang ang P125 dagdag-sahod, ayon sa KMU at Anakpawis. (Macky Macaspac)

Ayon pa kay Mariano, mga kapitalista umano ang nakikinabang sa produktibidad ng paggawa dahil sa napakaliit ang napupuntang sahod (living wage) sa manggagawa. Kung tutuusin, aniya, hindi na aabot ang panukalang batas na P125 dagdag-sahod sa tinatawag na nakakabuhay na sahod o living wage.

Immediate relief na lamang ang P125,” aniya.

Sinabi naman ni Soluta dumadami ang mga taong nagsasabing sila ay mahirap at nagugutom, dapat umanong bigyang prayoridad ang pagpasa ng panukalang batas.

Binanggit ni Soluta ang sarbey ng Social Weather Stations o SWS noong Marso na lumaki ang bilang ng mga mahihirap sa loob lamang ng tatlong buwan: – mula 9.1 milyong pamilya noong Disyembre 2011  patungong 11.1 milyon pamilya noong Marso 2012.

Nagbanta rin ang grupo na maglulunsad ng malalaking protesta ang mga manggagawa kung hindi maipasa ang panukalang P125 dagdag sahod.

“Hindi titigil ang mga manggagawa na humiling ng nakakabuhay na sahod. Ipagpapatuloy namin ang aming pakikibaka para sa dagdag sahod. Asahan ng mga kapitalista na pag-iibayuhin namin ang aming pakikibaka para sa makabuluhang sahod,” ani Soluta.

Hinamon naman ni Mariano ang Senado na ipasa na ang bersiyon sa Senado ng panukalang batas sa P125 dagdag-sahod, na pangunahing panukala ni Sen. Ramon Revilla Jr.

“Huwag nang hintayin ng Senado ang Kongreso. Dapat na nilang ipasa ang kanilang bersiyon,” aniya.