Pagbali sa utos ng hari
Panahon na para hamunin ng mga manggagawa at mamamayan ang panghahari ng Contractual King.
Kasama sa pagsusulat sina Abie Alino at Marjo Malubay
“Bago ako pumasok ng SM (ShoeMart), akala ko madali. Pero hindi pala.”
Nagtapos si Susie (di-tunay na ngalan), 20, ng Computer Secretariat sa isang computer school. Tulad ng milyun-milyong kabataan, gusto niyang makapagtrabaho agad para makatulong sa pamilya. Kaya siya pumasok sa SM.
Ang branch ng SM sa Cubao ang isa sa pinakaunang department store ng naturang pinakamalaking mall chain sa bansa.
“Minimum (ang sahod ko), P491 kada araw,” kuwento ni Susie. “Bilang sales lady, maraming beses na maghapon kaming nakatayo at kailangang i-promo ito, at i-push sa kostumer na bumili. Kapag hindi nabili yung produkto, ipu-push naming ulit sa sunod na kostumer. Kahit na walang quota, kailangan pa rin naming maubos ‘yung allocation ng promo na yun.”
Bagamat walong oras lang ang dapat na trabaho nila, ani Susie, madalas ding lumalampas dito ang kanyang pagtrabaho. Minsan, nababayaran siya ng overtime. Pero mas madalas, dahil kaunti lang silang sales lady, “OTTY” o overtime thank you, o hindi bayad ang kanilang pagtrabaho lampas nang walong oras.
Samantala, kahit na 18-taon nang regular na empleyado si Jenny (di-tunay na ngalan), 39, sa isang branch sa Quezon City, hindi naman kalayuan ang sahod at benepisyo sa mga kontraktuwal. “Anim (na araw ang trabaho namin). Isang day-off lang. Usually sa mga mall, ganyan na ‘yung day off. Pero ‘yun talaga, sobrang kulang kung gugugulin mo sa oras ng pamilya. Sobrang kulang yung isang araw.”
Noong nagbuntis siya, halimbawa, wala siyang sahod nang mag-maternity leave. Matapos ang dalawang buwan, noong bumalik sa trabaho, kinailangan niyang iuwi ang kanyang anak sa Tarlac dahil walang mag-aalaga dito at hindi niya kayang kumuha ng yaya.
Sa customer service nagtatrabaho ngayon si Jenny. Si Susie, sales lady sa mga produkto. Pareho sila, dahil laging kumakaharap sa mga kostumer, kailangang laging naka-makeup at naka-takong na sapatos. Sa mga nakakakita sa kanilang kostumer, akala’y simple lang ang trabaho nila. Pero sa karanasan ni Susie, mahirap pala magmantine ng ngiti sa loob ng walong oras, o higit pa. Mahirap na nakatayo nang kung ilang oras sa de-takong na sapatos. Mahirap pigilang maihi, lalo pa’t may 15 minuto lang sila para magbanyo sa maghapon.
Dikit kay Digong
Isa lang si Susie sa tinatayang mahigit 90,000 manggagawa sa buong SM. Sa pagkakasulat ng artikulong ito, may 63 malls ang SM sa buong bansa, at may mga magbubukas pa sa susunod na taon. Mayroon din itong pitong malls sa China.
Pag-aari ng SM Holdings Inc. ang naturang malls. Pag-aari naman ito ng pamilyang Sy, pangunahin ng 92-anyos na si Henry Sy, ang pinakayamang tao sa bansa, ayon sa Forbes Magazine. Tinataya ng naturang magasin na may US$18-Bilyon (o halos P1-Trilyon) na yaman si Sy.
Lumaki ang yaman ni Sy nang halos US$5-B mula nang maupo si Pangulong Duterte noong nakaraang taon.
Marami ang pagkakatugma ng direksiyong tinutungo ng administrasyong Duterte at ng pamilyang Sy at ng SM. Una na rito ang lalong pagbukas ng Pilipinas sa mga negosyong Tsino (at, sa mas maliit na saklaw, pagbukas ng China sa mga negosyong Pilipino). “Pangalawang ekonomiya sa buong mundo ang China. Ito ang isang lugar na palagay ko, hindi dapat tayo mawala,” sabi ni Henry Sy Jr., isa sa anim na anak ni Henry Sr. at chairman ng SM Prime Holdings Inc.
Bukod sa pagbubukas ng mga mall ng SM, nakatakda ring magbukas ng real estate projects ang SM Development Corp. (SMDC) sa Chengdu sa probinsiya ng Sichuan sa China ngayong taon.
Noong Oktubre 2016, kasama si Henry Sy Jr. sa delegasyon ng mga negosyante na kasama ni Duterte sa state visit ng huli sa China. Nagkaroon din ng pribadong pag-uusap si Henry Jr. at Duterte sa Malakanyang noong Enero 2017. Samantala, kasama naman lagi bilang bahagi ng pribadong delegasyon ni Duterte si Teresa Sy-Coson, vice-chair ng SM Investments Corp. at isa pa sa mga anak ni Henry Sr.
Magkatugma na magkatugma ang interes ng pamilyang Sy sa mga polisiya sa ekonomiya ng administrasyong Duterte. Nagagawang depensahan pa ni Sy-Coson si Duterte sa isang panayam sa MSNBC noong Mayo ngayong taon, sa Asean Summit sa Phnom Penh, Cambodia. Ayon kay Sy Jr. (sa wikang Ingles), “Ang pangunahing mensahe niya (Duterte) sa buong panahong ito ay pagtigil sa droga at pagmantine ng peace-and-order para lumago ang negosyo at ekonomiya…Pinababayaan (ng rehimen) ang business community na umalagwa nang walang panghihimasok ng gobyerno.”
‘Contractual King’
Tiyak, kasama sa sinasabi ni Sy-Coson na pagbibigay-laya ng administrasyong Duterte sa malalaking negosyante ay sa usapin ng kontraktuwalisasyon sa lakas-paggawa sa bansa.
Kamakailan, nabalitang umabot sa 355 manggagawa lang ang regular sa mahigit 90,000 manggagawa ng SM sa buong bansa. Itinanggi ito ni Henry Jr. Pero malinaw sa aktuwal na karanasan ng mga manggagawa, kabilang ang mga nakapanayam ng Pinoy Weekly, na mayorya sa mga manggagawa ng naturang mall chain ay kontraktuwal. At kahit pa nakamit naman ng mga empleyado ang mga rekisito para maging regular, marami sa kanila’y nananatiling kontraktuwal o nawawalan sa trabaho dahil sa praktika ng endo o end of contract.
Ganito ang nangyari kay Susie. Matapos ang limang na buwan sa serbisyo, sa kabila ng maayos niyang performance, hindi na-renew ang kanyang kontrata. “Idinadahilan (ng mga bisor) yung pagiging late namin para hindi kami maregular. (Pero) mayroon akong kaibigang nagalit kasi isa lang ang late niya, pero hindi pa rin siya naregular,” kuwento pa ni Susie.
Samantala, madaling naging regular si Jenny—dahil rekomendado siya ng Iglesia Ni Cristo (INC) bilang miyembro nito. Kuwento niya, may job placement sa loob ng INC. Sa hanay ng mga “kapatid”, maaaring mag-aplay doon, at kapag nakapasa saka bibigyan ng rekomendasyon na makuha ng SM. May kasunduan ang SM at INC na magbibigay ang huli ng mga manggagawa. Pabor ito sa SM, lalo pa’t ipinagbabawal ng naturang simbahan sa mga miyembro nito na sumapi sa mga unyon at lumahok sa anumang kilos-protesta.
Nakapasok si Jenny noong taong 1999, nang matagumpay na naipagwagi ng Samahan ng mga Manggagawa sa ShoeMart (SMS) ang welga para sa dagdag-sahod at benepisyo. Panahong ito, lumaganap na rin ang pagkuha ng SM ng mga manggagawang mula sa INC—para lalong pahinain ang unyon sa hanay ng mga manggagawa nito.
Taong 2003, o 14 taon ang nakararaan, nagpaputok muli ng welga ang SMS. Sa pakikipagsabwatan ng SM sa Department of Labor and Employment o DOLE, hindi nagtagumpay ang welga at nadurog ang unyon. Magmula noon, lalong namayagpag ang kontraktuwalisasyon sa loob ng SM. Sa dami ng ineempleyong kontraktuwal na mga manggagawa, binansagan ng Kilusang Mayo Uno o KMU si Henry Sy Sr. bilang “contractual king.”
Sa kabila nito, marami ang mga katulad nina Susie na gustong magreklamo sa mga patakaran ng SM. At dahil sa puntong ito, hindi maaasahang tutupdin pa ng administrasyong Duterte ang pangako nitong pagbasura sa kontraktuwalisasyon, nasa kanila at sa mga manggagawa sa iba’t ibang industriya na igiit ang kanilang mga karapatan at ang interes ng sambayanang Pilipino.