FEATURED Kabataan

Paggiit ng karapatan sa PUP


Umaalma ang mga organisasyong pangkabataan sa pinakamalaking state university sa bansa: sunud-sunod diumano ang atake sa kanilang mga karapatan.

Kung nabubuhay sana si Charlie, tiyak na hindi siya matutuwang malaman na ganito ang nangyayari sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Si Carlos del Rosario o “Charlie” sa kanyang mga kakilala ay naging propesor sa PUP bago dinukot noong batas militar ni Ferdinand Marcos. Sa kanya ipinangalan ang gusali na nagkanlong nang ilang dekada sa organisasyon ng kabataan sa pamantasan—bago ito ipasara, mga dalawang taon na ang nakaraan.

Marcosian’?

Gabi ng Setyembre 21, sa parehong araw kung kailan isinagawa ang malaking rali laban sa batas militar, nagsagawa ng clearing operation ang mga guwardiya ng PUP sa Gabriela Silang Hall na noo’y nagsisilbing opisina ng mga organisasyong pang-estudyante sa pamantasan.

Umalma ang mga estudyanteng aktibista sa ilalim ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (Samasa) sa umano’y “istilong-diktador Marcos” na aksiyong ito ni PUP President Emanuel de Guzman.

(Ang Samasa’y binubuo ng iba’t ibang organisasyong pangkabataan at kinikilalang militanteng partidong pulitikal ng mga estudyante sa pamantasan.)

Sa panayam sa Pinoy Weekly, sinabi ni de Guzman hindi raw niya pinasarhan ang naturang bilding, pero pinaalis niya ang mga organisasyon. “Ayaw nilang umalis…Inabot nang isang linggo ang holding out nila doon…Nagbabarikada sila…Hanggang dumating ‘yung Setyembre 21… May mobilisasyon sa Mendiola. ‘Yung walong nag-aano (nagbabantay) doon, (sa barikada), sumama sa rali. We took the chance to occupy it (ginamit naming ang pagkakataong okupahin ito),” ani de Guzman.

Binigyan naman umano ng notice to vacate ng administrasyon ang mga estudyante. Nasa memo na katulad ng iniutos sa gusaling Charlie del Rosario, paayusin daw ang Gabriela Silang.

Pero pinasinungalingan ng Samasa ang mga pahayag ni de Guzman na mapayapa silang pinaalis sa lugar. Tinitingnan nila ang ebiskiyong ito bilang porma ng panunupil sa karapatan ng mga estudyante.

Ayon sa isang estudyante na nakipag-negosasyon sa mga miyembro ng University Police na nagpaalis sa kanila, “agresibo at gigil na gigil” na ikinandado at pinakuan ng mga tauhan ng security noong gabing iyon ang mga lagusan papasok sa gusali.

Piket ng mga organisasyong masa ng mga estudyante sa loob ng PUP. <b>Marjo Malubay</b>
Piket ng mga organisasyong masa ng mga estudyante sa loob ng PUP. Marjo Malubay

Isyu ng kabataan

Ayon sa student handbook ng PUP, may higit 70,000 estudyante sa pamantasan. Obligasyon ng administrasyon na siguruhing mayroong sariling opisina ang mga organisasyon ng kabataan sa loob ng kanilang pamantasan at may libreng nagagamit ang mga ito sa mga pasilidad.

Pero ilang taon na umanong nakatengga ang mga dati nilang opisina sa “Charlie” kahit pa tapos na umano ang renobasyon nito. Hindi pa rin sila pinababalik dito hanggang biglang ianunsiyo ng administrasyong de Guzman ang muling pagbubukas ng gusaling Charlie sa mga estudyante noong Setyembre 28.

Ikinabahala rin ng mga estudyante ang tila sabay-sabay na pag-atake sa iba’t ibang institusyon at karapatan ng mga estudyante sa PUP.

Nakasaad sa handbook na mga estudyante lang ang may karapatan at mandato na magpatakbo ng mga publikasyong pang-estudyante tulad ng The Catalyst, na siyang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng PUP. Kung kaya, tingin ng Samasa, labag sa karapatan ng mga estudyante ang binubuong Student Publication Section ng administrasyon na magkakaroon ng direktang jurisdiction sa mga student publication sa pamantasan.

Ayon sa The Catalyst, maaari itong maging daan para mapilitang pumaloob ng pahayagan sa mga polisiya ng administrasyon kung kaya lalo lamang itong mahihirapan sa paglalabas ng regular na isyung print.

Dala ng Samasa ang kampanya kontra sa diumano’y sapilitang pagpapa-enroll ng mga estudyante mula senior high school (SHS) sa Reserved Officers’ Training Corps, gayundin sa mandatory drug testing, at pagkakaroon ng mandatory uniform.

Tinanggi ito ni de Guzman. Aniya, walang mandatory uniform na ipinapatupad sa pamantasan.

Representasyon

Ang PUP ang isa sa mga state university na may pinakamalaking populasyon sa bansa. Karamiha’y mula sa mahihirap na pamilya ang mga estudyante rito. Kaya susing posisyon ang upuan ng student regent sa PUP Board of Regents: kinakatawan at isinusulong nito ang interes ng mahigit 70,000 estudyante ng pamantasan.

Si Elijah San Fernando, nahalal na bise-presidente at incumbent na presidente ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) ang napili umanong bagong student regent sa inilunsad nilang 19th Alyansa ng Nagkakaisang Konseho ng PUP (ANAK-PUP) Congress, pederasyon ng mga student council sa buong PUP system. Kinukuwestiyon ito ng Samasa.

“Binago ang constitution, without knowing kung legitimate ‘yung kopya—kasi walang pirma. Nakalagay sa consitution na puwede lang ito i-amend (ito) dalawang taon pagkatapos ng huling paggalaw sa constituiton. Nakalagay din doon na dalawang linggo bago ang pagsasagawa ng amendment, dapat naibigay na sa mga council president ang kopya. Ang nangyari doon, on the spot ibinigay at ipinabasa sa amin,” sabi ng isang estudyanteng nakapanayam ng Pinoy Weekly na nakadalo sa naturang kongreso ng ANAK-PUP pero tumangging magpakilala.

Ayon pa sa isang estudyanteng council president sa isang branch ng PUP (tumanggi ring pagpapangalan), unang binago sa konstitusyon ang eligibility ng mga puwedeng tumakbo sa executive committee. Mula sa “duly-elected” na puwedeng ma-nominate o mahalal bilang student regent, pinalitan nila ito ng “duly-elected and incumbent president.”

“Sinabi nila doon mismo sa kongreso na kinuha sa SDF (Sports Development Fee) ang P100,000 pondo ng kongreso. Iyung SDF ang other school fees na hindi nagagamit. Ganun kabilis: binanggit pa ni Dekong (de Guzman) sa BOR na siya yung nagpondo sa kongreso,” ayon sa estudyante.

Ayon naman kay de Guzman, hanggang sa paglalabas lang ng badyet ang kinalaman niya sa aktibidad.

Hindi pa naipapadala sa oras ng pagkakasulat ng artikulo na ito ang kopya ng amended na konstitusyon ng ANAK-PUP na hiningi ng Pinoy Weekly kay San Fernando.

Ayon sa Samasa, kuwestiyonable rin daw ang napakabilis na pagtugon ng opisina ni de Guzman sa hiling na pondo nina San Fernando para sa ika-19 kongreso.

(May isa pang grupo, ang PUP-Speak, na nakipanayam sa PW. Ayon sa kanila, kung suportado ng administrasyon ang aktibidad nila, bakit inabonohan nila ang pambayad nito galing sa sarili nilang bulsa?)

Sa Villa Antonio de Dave Resort sa San Jose del Monte, Bulacan isinagawa ang kongreso. Para makadalo ang lahat, ni-reimburse umano ang mga ginastos na pamasahe ng mga dumalo.

Anu’t anuman, nalalagay sa kuwestiyon ang proseso ng pagpili ng rehente ng mga estudyante—at nagiging mas bulnerable ito sa anumang interbensiyon ng administrasyon o kahit ng gobyerno.

Tungkulin ngayon ng mga organisasyong pang-estudyante na paigtingin ang pagdepensa nila sa karapatan ng mga estudyante—mga karapatang ipinaglaban ng maraming henerasyon ng kabataan, at pinagbuwisan ng buhay ng mga tulad ni Charlie del Rosario.

Ipinakita ni Charlie noong nabubuhay niya kung paano manindigan para sa karapatan ng mga estudyante, sa panahon ng mga banta sa karapatang ito—at sa panahong muling tumitindi ang pasistang mga atake sa mga mamamayan tulad noong batas militar ni Marcos.