Kabataang mamamahayag ng PUP, pinapapatawan ng indirect contempt


Nakatanggap ng court order si Jacob Baluyot noong Nob. 26 kaugnay ng petisyon para sa indirect contempt na inihain ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group.

Nakatanggap ng court order si Jacob Baluyot, tagapangulo ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng Polytechnic University of the Philippines (AKM-PUP) at associate editor ng The Catalyst, mula sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) noong Nob. 26 kaugnay ng petisyon para sa indirect contempt na inihain ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Isa si Baluyot sa mga lider-estudyante na nakatanggap ng subpoena noong Okt. 7 alinsunod sa imbestigasyon sa nangyaring karahasan sa protesta kontra korupsiyon noong Set. 21 sa Mendiola, Maynila.

Noong Okt. 10, sumagot si Baluyot sa pamamagitan ng payo ng kaniyang abogado sa hindi niya paglahok sa nasabing imbestigasyon. Gayunpaman, paulit-ulit nagpunta ang pulisya sa kanyang barangay kahit naisumite na ang kanyang tugon at ngayo’y sinundan pa ng petisyon para sa indirect contempt dahil sa umano’y “failure to obey subpoena duly served.”

Kinondena ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) ang lantarang pag-atake sa mga lider-estudyante at inudyok ang pulisya na pagtuunan ng pansin ang mga tiwaling hindi pa rin nakukulong sa usapin ng malawakang korupsiyon. 

Nagtakda ang hukuman ng pagdinig sa naturang petisyon sa Enero 2026. Maaari namang maghain si Baluyot ng Opposition to the Petition sa loob ng 10 araw mula nang matanggap niya ang atas.