Para kanino ang ‘regalo’ ni Duterte sa Asean
Walang pangil at walang epekto ang kasunduan sa Asean hinggil sa mga migranteng manggagawa. Hindi rin nito natutugunan ang proteksiyon sa mga di-dokumentadong migrante.
Sino ang tunay na liligaya ngayong Pasko sa ipinagmamalaking kasunduang nabingwit ni Pangulong Duterte sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit patungkol sa mga migranteng manggagawa?
Bagamat sa pagturing ni Duterte’y magdudulot ng pagbabago ang kasunduang tinawag na Asean Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers, nagsisimula na itong mangamoy para sa grupo ng mga migranteng manggagawa
Ang kasunduang pinirmahan noong Nobyembre 14, ay bunga ng “ASEAN Declaration of the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers” noong 2007. Sa taong 2018 nakatakdang buuin ang action plan para dito.
“Malabo, walang maayos na proseso ng konsultasyon, at kulang ang impormasyon sa panig ng mga direktang tatamaan ng kasunduan, ang mga migranteng manggagawa mismo,” ayon sa Migrante International, organisasyon ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa buong mundo at kaanak nila.
Bukod sa walang sapat na konsultasyon sa pagitan ng gobyerno at mga migrante, taong 2009 ay nag-ayawan ang ibang bansa sa tatlong pangunahing punto: ang pagkakaroon ng legal na pananagutan ng mga bansa sa kasunduan, proteksiyon ng mga undocumented workers, at pagsali sa pamilya ng mga migranteng manggagawa bilang stakeholder ng probisyon.
Legal na pananagutan
Sa usapin ng legal na pananagutan, mukhang malabo, kung pagbabatayan ang pahayag ni Labor Sec. Silvestre Bello III. Hindi na umano dapat pang busisiin pa kung ito’y “legally, morally, o politically binding.” Ang mahalaga raw, alam ng mga bansa na pumasok sila sa kasunduan at kailangan nila itong tuparin.
Kung mayroon mang legal na proteksiyon ang mga migranteng manggagawa sa mga pinupuntahan nilang bansa, napakaliit nito at napakadaling baliin ng dayuhang mga employer na nagsasamantala para pumabor sa kanila.
Isa ang Singapore sa mga tumutol na magtakda ng legal na pananagutan sa mga bansa sa Asean na papalpak sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga migranteng manggagawa. Ang dahilan ng mga lider ng naturang bansa, maaari itong makasagka sa soberanya ng isang bansa dahil direktang mangingialam ang legal na instrumento nito sa kanilang kasalukuyang mga batas.
“Ang konsepto ng ‘non-interference’ ay paulit-ulit nang nagamit para iwasan ang obligasyon ng Estado sa karapatang pantao… Para lubos na matupad ang proteksiyon sa mga manggagawang migrante, kailangan ng legal na pananagutan ng mga bansa,” pahayag ng Migrante International.
Kritikal ang legal na pananagutan lalo pa’t hindi natapos kay Flor Contemplacion ang kuwento ng mga migranteng namamatay sa ibang bansa, partikular sa Singapore.
Noong 2012, isang 23-anyos na Pilipinang nangangasambahay sa Singapore ang misteryosong namatay sa pagkahulog mula sa tinitirhang condominium ng kanyang employer. Isang linggo pa lang nang magsimulang magtrabaho si Apple Gamale, pero inuwi na itong naka-kahon sa mga kamag-anak sa Davao. Ayon sa pamilya, wala silang natanggap na police report, autopsy, o kahit na anong dokumentong maglilinaw sa totoong nangyari sa kanilang kaanak.
Kung seryoso umano ang Asean sa kanilang layunin, aayusin nito ang mga batas na makakasagka sa probisyon lalo pa’t patuloy ang pagdami ng ganitong mga kaso dahil sa napakarupok na legal na proteksiyon ng mga migranteng manggagawa.
Karapatan ng undocumented
Sa tala ng World Bank, higit sa 10 milyong di-dokumentadong migrante ang naka-kalat sa Timog-Silangang Asya. Pagtakas dahil sa pagmamalupit ng employer at hindi pagbibigay ng tamang sahod at araw ng pahinga ang pangunahing dahilan ng pagiging di-dokumentado ng mga migrante sa rehiyon.
Pero para sa Malaysia, security threat ang mga di-dokumentadong manggagawa sa kanilang bansa kaya tutol sila sa pagpapaloob ng mga ito sa proteksiyong maaaring ibigay ng kasunduan.
“Ang mga di-dokumentadong migranteng manggagawa ay hindi lang mga taong nakapasok sa bansa sa ilegal na paraan. Mas marami ang mga hindi nakapag-renew ng work permit, umaalis sa mapang-abusong employer, o di-kaya’y pinalayas bigla ng employer,” paglilinaw ng Migrante International.
Ito umano ang dahilan kung bakit hindi makataong ituring na panganib sa seguridad ang mga migranteng manggagawang bagamat di-dokumentado ay produktibo’t pinakikinabangan ng kanilang ekonomiya.
Sakripisyo ng pamilya
Puwersahang nagsasakripisyo ang pamilyang naiiwan ng mga migranteng lumalabas ng bansa dahil wala namang oportunidad dito para sa kanilang mga mahal sa buhay. Dahil mas marami ang migranteng manggagawang Pilipino ang kababaihan kaysa kalalakihan, kalakhan sa mga apektadong pamilya’y walang nanay.
Maraming negatibong implikasyon ang pagkawalay ng mga anak sa kanilang mga magulang. Ayon sa tala ng Migrante International, seksuwal at pisikal na pang-aabuso at emosyonal na problema ang ilan sa mga kinakaharap ng mga anak ng migranteng manggagawang naiiwan sa pinagmulang bansa.
“Kababaihan ang tipikal na nangangalaga sa pamilya kaya marapat lang na magkaroon ang migranteng kababaihan ng mas maayos na pagtrato bilang mga manggagawa,” ayon sa grupo. Sobra-sobra ang hidden charges na kalakip ng pag-alis ng mga magulang sa bansa para magtrabaho sa dayuhang lupain na binabayaran di-lamang ng mga umalis kundi pati na rin ng mga naiwanan.
Ngayong natuloy na matapos ang isang dekada ng paghihintay ang pirmahan sa nabuong kasunduan, makakaasa kaya ang mga mamamayang migrante ng Asean na mapepreserba sa esensiya man o implementasyon ang kanilang mga panawagan?
Labas sa mga kasunduang itinutulak ng gobyerno para proteksiyunan ang kanilang mga mamamayan laban sa pang-aabuso, dapat pagtuunan nito ng pansin ang lokal na kalagayan ng sektor ng paggawa. Mula sa sektor na ito ang kadalasang napipilitan na umalis ng bansa dahil walang mahanap na trabaho, at kung mayroon ma’y napakababa ng sahod at napakapangit ng kondisyon sa lugar ng pinagtatrabahuhan.
Ang bilyun-bilyong ginastos ng taumbayan para sa Asean Summit na ginanap sa bansa’y walang katuturan kung gagamitin lang sa pagsusulong ng interes ng iilan at ng mga imperyalistang bansa tulad ng US at China ang mga kasunduang binubuo sa pagtitipong ito.