Nanguna sa pagbakuna?
Hinaharangan ng mga bansang tulad ng Estados Unidos at United Kingdom ang ilang probisyon na magbibigay daan para makakuha ng higit na suplay ng bakuna ang mahihirap na bansa.
Ilang buwan na ang lumipas mula nang mag-umpisa ang pagbabakuna kontra-coronavirus 2019 (Covid-19) sa bansa, subalit napakaliit pa rin ang bilang ng nababakunahan kumpara sa 110 milyong populasyon ng Pilipinas.
Sa datos ng National Task Force (NTF) Against Covid-19, nitong Mayo 22 mayroong higit apat na milyong doses ng bakuna na ang nagamit. Mula dito, higit 900,000 katao ang nakakuha ng una at pangalawang dosage. Ibigsabihin, wala pa sa isang porsyento ng populasyon ng Pilipinas ang may kumpletong bakuna.
Ayon kay Dr. Tony Leachon, dating adviser ng NTF, maaaring masayang ang may 1.5 milyong AstraZeneca vaccines na mapapaso ngayong Hunyo dahil sa mabagal na usad ng pagbabakuna.
Ngunit sadyang palalo at mapanlinlang ang kasalukuyang administrasyon. Sa inilabas na infographics ng Department of Health nitong Mayo, pangalawa ang Pilipinas na may pinakamaraming napamahagi nang bakuna sa mga bansang bahagi ng Association of Southeast Asian Nations (Asean). Sa lingguhang talumpati ni Pangulong Duterte sa publiko, sinabi naman ni Vaccine Czar at NTF Chief Implementer Sec. Carlito Galvez na pangatlo ang Pilipinas sa vaccine rollout sa Asya.
Kapos itong pagpresenta ng gobyerno sa datos dahil di man lang nila pinansin ang populasyon ng mga bansang kinumpara. Sa magkahiwalay na pagkalkula ng Bloomberg at Our World In Data, dalawang pribadong international organization, pang-siyam ang Pilipinas sa sampung bansa sa ASEAN na nakapagpabakuna ng kabuuang populasyon.
Ayon na nga sa mga siyentista at health expert, kailangan porsyento ng nabakunahan ayon sa populasyon ang tinitignan upang maabot ang inaasam na immunity para sa kalakhan.
Kung may nangunguna man sa usapin ng bakuna, iyon ay ang VIP o paimportante at abusadong mga opisyal-gobyernong alipores ni Duterte! Hindi ba’t nauna nang magpaturok ng Sinopharm noong Setyembre at Oktubre ang mga miyembro ng Presidential Security Group, kahit wala pang aprubadong bakuna ang Food and Drug Administration noon.
Matagal nang ipinamalas ng administrasyong Duterte ang kawalan nito ng malasakit sa mamamayan. Ngunit itinaas pa ang antas nito sa aspeto ng pagtityak ng bakuna para sa bansa.
Minsan nang pinalampas ng administrasyon ang pagkakataon upang magkaroon ng maagang rasyon ng bakuna mula sa ibang bansa, dahil sa isang opisyal-gobyerno sa DOH na nais kumita sa kontrata ng bakunang mula Tsina.
Oktubre 2020 na nang pirmahan ni Health Sec. Duque ang confidentiality data agreement (CDA) sa Pfizer, apat na buwan matapos unang ilatag ang vaccine development program nito sa gobyerno ng Pilipinas. Nobyembre na nang aprubahan ni
Duterte ang pangunang-bayad sa mga Covid-19 vaccine manufacturer, kahit pinangako niyang wawakasan ang pandemya noong Disyembre.
Dagdag pa sa lahat ng ito ang pangangamkam ng suplay ng mas mayayamang bansa. Ayon sa mga dokumento ng negosasyon sa World Health Organization, hinaharangan ng mga bansang tulad ng Estados Unidos at United Kingdom ang ilang probisyon na magbibigay daan para makakuha ng higit na suplay ng bakuna ang mahihirap na bansa. Kung magpapatuloy ito, magiging sakit pangmaralitang bansa ang Covid-19, at lalo pang lalaki ang agwat sa ekonomiya at pag-unlad.
Kawawa ang mga mamamayan na kahit sa panahon ng pandemya, biktima ng pagkagahaman at pagkaganid ng mga malalaking bansa at dambuhalang pharmaceutical companies sa isang banda, at pagpapabaya ng administrasyong Duterte sa kabilang banda. Kawawa ang ordinaryong mga mamamayan sa ilalim ng kasalukuyang pandemya.