‘Tiwangwang na pabahay, ipagamit sa nadisloka sa pagputok ng Taal’
Bukod sa nararapat gamitin ang mga pampublikong pabahay bilang rekurso sa mga sitwastyon ng emergency tulad nito, kinakailangan din ang kumprehensibong plano sa pabahay kaugnay ng mga sakuna at kalamidad.
Nanawagan ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng maralitang lungsod, na ipagamit ang tiwangwang na mga pabahay sa Calabarzon para sa mga inilikas na mga mamamayan bunsod ng pag-aalboroto ng bulkang Taal sa Batangas.
Giit ng grupo, bilang tugon sa hinaharap na kalamidad, nararapat na ipagamit sa mga apektado ang mga yunit ng pampublikong pabahay na malapit sa evacuation centers.
“Hindi sapat at hindi handa ang marami sa mga evacuation center. Tiyak dadami pa ang lilikas. Ang paninirahan ay karapatan ng bawat isa, at lalong dapat itaguyod ito sa panahon ng disaster kung kailan hindi ito natatamasa ng mga pinakamahihirap sa atin. Bakit hindi pakinabangan ang mga malalapit na mga pabahay na gobyerno na hindi naman tinirhan?” ani Gloria “Ka Bea” Arellano, tagapangulo ng Kadamay.
Tinatayang aabot sa 30,000 pamilya na ang inilikas sa mga evacuation centers at inaasahang madagdagan pa sa paglipas ng mga araw habang inaasahan ang pagputok ng naturang bulkan na ngayo’y nasa alert level 4 pa rin.
Ayon pa sa Kadamay, may mga pabahay para sa unipormadong tauhan ang nanatiling bakante at hindi nagagamit sa ilang mga lugar malapit sa Taal. Tinukoy ng grupo ang mga pabahay sa mga barangay tulad ng Talaibon sa Ibaan at San Miguel at Sto Tomas, kapwa sa Batangas, na maaaring gamitin. Gayundin, ang tatlong barangay sa Trece Martires, dalawa sa Amadeo at isa sa General Trias sa Cavite.
Dagdag pa ni Arellano, sa kabila ng paglahok ng ‘di mabilang na mga organisasyon at mga concerned citizen sa relief efforts, nanatiling hawak ng administrasyon ang kapangyarihan sa maraming rekurso tulad ng pampublikong pabahay.
“Napakalaki ng rekurso ng gobyerno. Imbis na manawagan pa muna ng donasyon, patunay ang mga pabahay na ito sa natutulog na mga rekurso ng publiko na dapat gamitin sa kagyat para tumulong sa ating mga kababayan. Dapat ihanda na rin ang sapat na tubig at iba pang pangangailangan,” ayon kay Arellano.
Idiniin ng grupo na bukod sa nararapat gamitin ang mga pampublikong pabahay bilang rekurso sa mga sitwastyon ng emergency tulad nito, kinakailangan din ang komprehensibong plano sa pabahay kaugnay ng mga sakuna at kalamidad.
Ibinunyag ng grupo na ang mga naturang pabahay ay hindi nagagamit sa kabila ng pagpasa ni Pangulong Duterte ng Joint Resolution 2 noong Mayo 2018. Naipamahagi diumano, ayon sa ulat ng Commission on Audit, ang mga tiwangwang na yunit ng pabahay noong Marso 2019. Sa kabila nito, marami pa rin ang mga bakanteng yunit na maaaring magamit upang may matuluyan ang mga nasa evacuation centers.
“Hindi ba maaring gamitin ang mga housing site para dito? Ang napakaraming malalawak na espasyo ay maaari ding pakinabangan. Magiging mapagpasya ang bilis ng tugon ng pamahalaan para dito,” pagtatapos ni Arellano.