MTRCB at mga pelikula online


Sa ngalan daw ng pagprotekta ng ‘kulturang Pilipino’ kaya gusto nito pakialaman ang nilalaman ng Netflix atbp. Pero malinaw na bahagi ito malawakang tangkang pagsupil sa pagpapapahayag.

Laman ng kritisismo o katatawanan ng publiko ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kamakailan.

Paano ba naman, sinabi ni MTRCB legal affairs chief Jonathan Presquito sa isang pagdinig sa Senate Trade Committee na kailangan daw pangasiwaan ang linalaman ng Netflix at iba pang online na platapormang nagpapalabas ng mga pelikula o bidyo.

“Kung ’yun ang gusto niyang mangyari lahat po’yan ay ire-regulate ng MTRCB at hindi po puwedeng gawin ng MTRCB na i-restrict ang internet dahil ang internet mas malaki pa sa planeta. Hindi po siya Diyos, wala po siyang kapangyarihang sagkaan ang Facebook, Youtube, ganyan,” giit ni Marichu Lambino, propesor ng media law.

Sa mga nagdaang araw, iba-iba ang pahayag ng MTRCB. Mula sa pagsabi na kailangan talagang ituloy itong pagpapangasiwa sa online video on demand (VOD) sa kabila ng kritisismo, hanggang sa mas banayad na pakiusap na baka naman puwedeng magrehistro ang mga VOD provider para masiguro nilang ang mga pelikula online ay wasto sa edad ng manonoood at hindi pinirata. Nariyan pa nga’t naging dahilan ang pagtatanggol sa paniniwalang Pilipino, kung ano man ang pakahulugan ng MTRCB rito.

Napakahalaga nga naman ng kultura at “contemporary Filipino values” sa gobyerno. Wala pang tatlong buwan ang nakalipas nang ihapag ng Kongreso sa ABS-CBN ang mga tanong tungkol sa pagpapahalaga sa kultura at paniniwalang Pilipino, at heto na naman tayo, muling pinag-aaalala para sa kinabukasan ng contemporary Filipino values.

Hindi ito unang panahon na kinasangkapan ang paniniwala at kulturang Pilipino sa panunupil ng kalayaang magpahayag.

Nariyan ang nangyaring sa pelikulang Orapronobis ni Lino Brocka at Jose Lacaba noong 1989. Hindi pinayagang maipalabas sa mga sinehan ang pelikulang naglalaman ng mga imahe ng kasakiman ng militar noong panunugkulan ni Corazon Aquino.

Nasa probisyon ng batas na lumikha ng MTRCB ang pagpigil sa mga pelikulang maaaring magpahina sa tiwala ng mga mamamayan sa kanilang gobyerno o iba pang awtoridad.

“Nakakapanghinayang na hindi pa rin bumibitaw ang MTRCB sa nakaraan nitong nakasandig sa batas militar at pagsensura,” giit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Paniwala ng iba’t ibang mambabatas, dapat gamitin ng MTRCB ang kapangyarihan nito para makapanghikayat ng de-kalidad na mga pelikula sa harap ng pandemya na negatibong nakaapekto sa industriya.

Kung tunay nga ang pagpapahalaga ng MTRCB sa kalidad ng mga pelikula, dapat maging kasangkapan ito, hindi ng represyon, kundi ng pagbangon ng manggagawang sektor na lumilikha nito, at ng mga komunidad na pinagkukuhanan ng libong kuwento.

“Sa kabila ng pangalan nito, makikitang censorship board pa rin ang MTRCB na luwal ng represyon ng batas militar,” paliwanag ni Luis Teodoro, dating dekano ng UP College of Mass Communication at propesor ng midya, sa isang sulatin noon pang 2012. “Ilang dekada na inilalaban ng mga mananananggol ng kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa paghahayag o ekspresyon ang pagpapasara sa ahensyang ito.”

Ngayon na nariyan ang Anti-Terrorism Law at ang bantang pagmamanman ng gobyerno–on-ground at online–sa mga, kailangang maging kritikal ng lahat sa anumang panukalang maaaring ikasangkapan laban sa mga mamamayan.

Kung may pagpapahalagang Pilipino na kailangang protektahan ang MTRCB, ito ang pagpapahalaga ng masang Pilipino sa karapatan at kalayaan. Ilang dekada at yugto na itong paulit-ulit natatampok sa ating kasaysayan: ang tinig ng Pilipino ay tinig na hindi magpapalupig.