‘Yulo, Ayala dapat managot’

February 1, 2021

“Nakaugat sa landlordism at kawalang ng tunay na reporma sa lupa ang lumalalang kalagayan ng mga magsasaka sa Yulo”

Tinuturo ng iba’t ibang samahan ng magsasaka na salarin ang mga pamilya ng Yulo at Ayala sa walang humpay na pandadahas sa mga magsasaka ng Sitio Buntog at Matang Tubig sa Hacienda Yulo, Calamba, Laguna.

Enero 6 nang bagbagin ang pader sa bahay at ilang kagamitan ng sa dalawang kabahayan. Nitong Enero 23 naman, sinunog ng armadong kalalakihan ang kabahayan nina Freddie Cacao at Mario Mangubat.

“Bandang 3:20 ng hapon, may limang lalaki na biglang tumutok ng baril sa aking asawa, tiyuhin, at ang kapitbahay namin at pinadapa sa lupa,” giit ni Shirley Marasigan, isa sa mga nagsasaka sa lugar. Pagtapos nito, siniliban na ang mga bahay.

Ayon sa kanya, kinuha ng mga armadong lalaki ang mga cellphone ng kanyang anak. Sa sitwasyon ng edukasyon ngayon, mahalagang kasangkapan ang cellphone sa ugnayan ng estudyante at eskuwelahan.

“At ang akin pong pera, na antagal kong inipon; Naglako-lako ako ng isda, nasunog po kasama sa aming mga damit. Lahat po wala kaming naisalba,” ani Marasigan.

“Nakaugat sa landlordism at kawalang ng tunay na reporma sa lupa ang lumalalang kalagayan ng mga magsasaka sa Yulo,” giit ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Sinasaka na ng mga pamilyang ito ang Hacienda Yulo taong 1910 pa lamang, sabi ni Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan, pambansang pederasyon ng pesanteng kababaihan.

“Ang mga magsasakang walang kasalanan at walang ibang hangad kundi lupang mabubungkal ay napakadaling hulihin at ikulong,” giit ni Soriano.

“Samantala, ang mga puwersa ng kapulisan at militar na lantarang pumapatay sa mga mahihirap na magsasaka ay patuloy na naghahasik ng lagim sa kanayunan,” dagdag pa niya.

Sa bisa ng tunay na reporma sa lupa, anila, mapoprotektahan ang buhay at ikinabubuhay ng mga magsasakang nagsisilbing pundasyon sa food security ng bansa, higit pa lalo ngayong may pandemya.

Andrea Jobelle Adan

Andrea Jobelle Adan

Si Jobie Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Siya ngayon ang pinakabatang istap ng PW.