Dating istap ng KMU tinakot, planong pagpatay sa peace consultant nabulgar

March 27, 2021

“Uubusin namin ang mga konsultant (pangkapayapaan),” sabi ng isang taga-CIDG.

Pakikipag-usap ni CHR chair Chito Gascon kasama si James. Kontribusyon

Nabulgar ang planong pagpatay sa mga konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) matapos ang pananakot at panghaharas ng mga operatiba ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isang dating istap ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ayon kay James (di-tunay na pangalan), dating istap ng KMU at kasalukuyang nagtatrabaho sa konstruksiyon, sinundo siya ng mga barangay tanod sa pinagtatrabahuhang construction site sa Brgy. Banaba, San Mateo, Rizal noong Marso 19 at iniharap sa nagpakilalang mga operatiba ng CIDG. Dito na siya tinakot at sinuhulan para magsilbing espiya ng PNP sa pambansang tanggapan ng KMU.

“Makipagtulungan ka lang sa amin nang maayos…Kung anuman ang pangangailangan mo kayang kaya naming tugunan basta’t bumalik ka lang sa Balai para maging spy,” sabi umano kay James ng mga nagpakilalang CIDG.

Ang tinutukoy na “Balai” ay maaaring Balai Obrero, na siyang pambansang tanggapan ng KMU na matatagpuan sa Quezon City.

“Matagal na namin kayong minamanmanan. Buti nga kami ang nakausap (mo) dahil ‘yung isang yunit namin ang dudukot sa inyo,” dagdag pa umano ng mga pulis.

Pilit din siyang piniga ng mga pulis na magbigay ng impormasyon sa lokasyon umano ni Rafael Baylosis, konsultant pangkapayapaan ng NDFP at miyembro ng KMU advisory council dahil ayon sa mga ito’y “uubusin daw nila lahat ng consultants”.

Mariing itinanggi ni James na may alam siya sa kinaroroonan ni Baylosis at iba pang NDFP consultants dahil siya ay nagmamaneho lang at abala sa paglahok sa mga protesta at relief operations ng KMU.

Kinondena ng KMU ang insidente at ikinabahala ang mga pananakot at harassment ilang araw lang matapos ang “Bloody Sunday” masaker sa Calabarzon.

“Nakakabagabag na naganap itong harassment, threats at intimidation na ito sa panahong wala pang dalawang linggo ang nakakaraan magmula ng Bloody Sunday masaker. Nasaksihan na natin kung gaano kalupit at kabrutal ang pulis at militar sa lehitimong mga miyembro ng people’s organizations,” ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Para naman kay Eleanor de Guzman, anak ni Baylosis at kasalukuyang Secretary for Human Rights ng KMU, ang nangyaring ito’y panibagong serye ng atake ng rehimeng Duterte sa kanilang pamilya.

“Isa itong malaking banta sa aming seguridad. Malaking banta sa aming kalayaan at buhay. Hindi kami pinapatahimik ng mga ito dahil lang mayroon silang target sa kanilang programa na tugisin ang peace consultants, trade unionists at human rights defenders,” ani de Guzman.

Agad namang dumulog si James kasama ang KMU sa tanggapan ni ng tagapangulo ng Commission on Human Rights na si Chito Gascon para maghain ng reklamo laban sa PNP-CIDG at hilingin ang proteksiyon at suporta nito para sa biktima ng panunupil.

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.