FEATURED

#DutertePalpak


Maiuugat sa palpak na pagtugon ng rehimen sa pandemya noong nakaraang taon ang pinakahuling grabeng pagdami ng kaso ng Covid-19, ayon sa maraming eksperto.

Kilala ng madla at itinuturing na icon ng Original Pilipino Music si Claire dela Fuente.

Isang araw noong nakaraang linggo, nakaranas ng sipon, ubo at sinat si Claire. Kinumbinsi siya ng kanyang anak na si Gigo de Guzman na magpa-test para sa coronavirus disease 2019 (Covid-19). Nagpositibo sila pareho.

Dahil may sintomas, kinumbinsi uli ni Gigo si Claire na magpaospital. Sabado, Marso 27, itinakbo si Claire sa malapit na Las Piñas Doctors Hospital. Pero punuan na ang ospital. Sa labas nito, sa isang tent, nakapila siya at iba pang pasyente. “Doon po siya naka-stay,” sabi ni Gigo. “Kahapon (Lunes, Marso 29) lang siya nalipat sa Pope John Paul II Hospital sa Las Piñas din.”

Noong gabing iyon, nagreklamo umano si Claire ng pagkabalisa. “Mukhang maayos naman noon at mukhang okey siya hanggang sa huling gabi na nababalisa na siya,” sabi pa ni Gigo, sa wikang Ingles.

Noong umaga, inatake sa puso ang sikat na mang-aawit. Isa siya sa limang katao (ayon sa Department of Health) na namatay noong Marso 30, at 13,191 na namatay sa Covid-19 sa bansa sa buong panahon ng pandemya.

Isa siya sa mga biktima ng pagkapuno ng mga ospital na dinadagsa ng mga pasyente ng Covid-19. Noong araw ding iyon, Marso 30, umabot sa 9,296 ang kaso ng mga nagpositibo. Bago ito, umabot sa 10,016 ang bagong kaso. Noong Marso 28, umabot ito sa 9,475.

Mga manggagawa na nagsisiksikan sa kalsada, nagmamadaling makauwi bago ang 6pm na curfew noong unang linggo ng ECQ 2.0. Mark Saludes

ECQ 2.0

Labindalawang araw matapos ang unang taon ng pagdeklara ng lockdown sa Metro Manila at iba pang lugar sa Pilipinas dahil sa kumakalat na Covid-19, muling ipinasailalim ito ng rehimeng Duterte sa enhanced community quarantine (ECQ). Dahil daw ito sa patuloy na pagtaas na bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa, lalo na sa Kamaynilaan.

“Maayos naman ang pagtugon natin, hanggang dumating ang mga variant,” sabi ni Harry Roque, tagapagsalita ng Palasyo, noong ianunsiyo niya ang pagkakaroon ng ECQ sa Metro Manila at karatig na mga probinsiya noong Marso 27. Tulad ng ECQ noong nakaraang taon, bawal lumabas sa mga tahanan nila ang mga tao, maliban na lang sa medical frontliners at nasa “esensiyal na mga industriya” tulad ng kainan, groserya, at iba pa.

Mga variant o bagong bersiyon ng Covid-19 (mula sa United Kingdom at South Africa, at mayroon na rin sa Pilipinas) ang sinisisi ng rehimeng Duterte sa bagong “surge” o malaking pagtaas ng bilang ng mga kaso. Bago raw dumating ang mga variant, “excellent” o napakahusay ng pagtugon ng rehimeng Duterte sa pandemya.

Pero hindi kumbinsido ang maraming eksperto sa paliwanag na ito. Para sa kanila, kabaligtaran, o masahol, ang pagtugon ng rehimen sa pandemya. Dahil dito, kaya muling sumirit ang bilang ng mga kaso.

“Simula’t sapul, hindi naman bumaba sa 2,000 ang kaso natin (kada araw),” sabi ni Dr. Gene Nisperos, isa sa mga doktor na host ng Second Opinion podcast sa social media. “Ngayon nasa, 10,000 na.”

“Regardless kung ito yung original variant o may bagong variant, the thing is, mag-i-speculate ka lang nang magse-speculate. Kasi nga hindi tayo nag-te-testing (mass testing),” paliwanag naman ni Dr. Geneve Rivera-Reyes sa Second Opinion. “Nandun pa rin ang transmission. Hangga’t hindi natin napipigilan ang transmission, ‘yung likelihood na magkakaroon ng mga pasyenteng may moderate-to-severe symptoms, pipilayan talaga niya ang health system.”

Samantala, sa pagbabalik ng ECQ, napipigilan ang mobilidad o pagkilos ng mga mamamayan. Napipigilan ang paghahanapbuhay ng milyun-milyong mamamayan. Sa buwan ng Marso, madadagdagan pa lalo ang 4.2 milyong Pilipinong manggagawa na sabi mismo ng gobyerno’y walang trabaho noong Pebrero.

Kumakalat

Ano iyung sinasabi ni Dr. Reyes na patuloy na pagkalat o transmission ng Covid-19, may variant man o wala?

Noong Marso 24, sa public briefing ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid), sinabi ni Prop. Peter Cayton ng University of the Philippines (UP) Covid-19 Pandemic Response Team, na makikita ang patuloy na pagkalat ng Covid-19 sa tinatawag na effective reproduction number (Rt) ng Covid-19 sa bansa. Noong araw na iyon, nasa 1.3 ang Rt. Ibig sabihin, ani Prop. Cayton, mahigit isang tao ang nahahawaan ng isang taong positibo sa Covid-19. Sa National Capital Region (NCR), kung saan mahigit 50 porsiyento ng kaso ng Covid-19 ang matatagpuan, nasa 1.4378 at Rt.

“May sapat na ebidensiya na tumataas ang bilang ng hawaan sa NCR. At may pinakamatagal na pagtaas dito na 32 araw,” sabi pa ng propesor. Ganito rin ang nangyayari sa iba pang bahagi ng bansa.

Ayon sa datos ng UP Covid-19 Pandemic Response Team (sa website nitong http://endcov.ph), na umabot sa huling kuwarto ng 2020 sa mas mababa sa 1 ang Rt. Pero hindi ito nasustina, lalo na pagtuntong ng Enero 2021. Ibig sabihin, humupa man ang hawaan noong Oktubre hanggang Disyembre 2020, bumalik naman ang pagkalat ng sakit na ito pagdating ng 2021. At pagdating ng Marso, umalagwa na ito nang husto.

Samantala, ayon naman kay Dr. Leonard Javier sa Second Opinion, halos hindi naman naiangat ang kapasidad ng mga ospital na tumanggap ng mild-to-severe (o mahina-hanggang-malala) na mga kaso. Higit pa sa bilang mga kama sa ospital, kinakailangan sanang nagrekluta pa ang gobyerno ng mas maraming manggagawang pangkalusugan tulad ng mga nars, doktor, atbp. sa pampublikong mga ospital.

Ang resulta nito, mabilis na napuno ang mga ospital sa panahong muling umalagwa ang hawaan.

Pero sa kabila nito, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19. Ayon sa mga eksperto, ito na ang pinakamasahol na panahon sa bansa ngayong pandemya. May mga nagsasabing tila bumalik tayo sa “square one”, o sa dating kalagayan natin noong taong 2020, nang unang umalagwa ang Covid-19 sa bansa.

Pero para kay dating Health Sec. Esperanza Cabral, na dati ring Department of Social Welfare and Development secretary, “hindi tayo bumalik sa square one. Nasa sampung hakang tayo paatras ng square one.”

Sang-ayon sa kanya ang maraming eksperto tulad ni Prop. Cayton. Sa kabila ng mahigit isang taon ng kuwarantina, ng mahigpit at malupit na mga restriksiyon, ng militaristang pagtugon ng rehimeng Duterte sa pandemya, nalalagay ngayon ang bansa sa pinakamalupit na pagkalat ng Covid-19 sa populasyon.

Belat, sabi ni Harry Roque sa oposisyon.

Krisis sa mga ospital

“Bumalik ba tayo sa square one? Iyung square one, ‘yung kasasara pa lang natin ng ekonomiya natin, noong may kaunting barya pa sa bulsa ng ating mga mamamayan at nariyan pa ang malii tna ayuda, kahit pa palpak ang naging distribusyon nito. Dumarami ang mga kaso ng Covid-19. Napupuno na naman ang mga ospital,” sabi ni Dr. Cabral.

Pinatutunayan ito ng datos na pinrisinta ni Prop. Cayton sa naturang briefing.

“Mas matarik ang pagtaas ng mga kaso kaysa sa mga dating panahon,” paliwanag ni Prop. Cayton. “Mas mataas ang mga bagong bilang kumpara noong Agosto kung kailan mayroon tayo (noon) na mataas na peak of cases. Ngayon mas mabigat pa ang burden sa health care workers. Mas matarik ang bagong peak ng Covid-19 cases.”

Umaabot na rin sa 70 porsiyento ang kapasidad ng mga higaan sa mga ospital sa bansa. Nakakaalarma na ito, sabi ni Prop. Cayton.

“Hindi ito back to square one,” sabi naman ni Dr. Cabral, “kundi 10 steps paatras mula sa square one.” Para sa kanya, mas malala ang kalagayan ng mga ospital ngayon kumpara noong Agosto 2020. “Mahaba ang mga pila sa mga ospital, tatlo hanggang apat na araw ka maghihintay. At puwedeng sa panahong iyun, mamatay ka na o mag-recover,” sabi pa ni Cabral. Pinatunayan ito ng nangyari kay Claire dela Fuente – at maraming iba pa.

Bukod sa mabilis nang napupunong hospital beds, nakakaalarma rin ang kakulangan ng health care workers – na ayon nga kay Dr. Reyes ay dapat sanang pinalakas ng gobyerno noong nakaraang taon pa.

Kasama, siyempre, sa kinakapos ngayon ay ang personnel protective equipment (PPEs) para sa health workers. Kinuwento ni Robert Mendoza, pambansang pangulo ng Alliance of Health Workers (AHW), noong Marso 29, ang matinding mga kakulangan sa ilang ospital sa Kamaynilaan:

Sa San Larazo Hospital, walang sapat na face shields para sa health workers. Wala ring elevator na para sa mga pasyente ng Covid-19. “May elevator na gumagana lang tuwing office hours, kung kaya tuwing gabi, mahirap sa health workers na magdeliber ng mga tangke ng oxygen sa iba-ibang ward. Papaubos na rin ang High Flow Oxygen Nasal Cannula Machines dahil da tumataas na kaso ng Covid-19,” pahayag ng AHW.

Sa Jose Reyes Memorial Medical Center naman, iniulat ng AHW ang papaubos na surgical gloves. Dahil sa pagdagsa ng mga pasyenteng may Covid-19, hindi na tumatanggap ang ospital ng mga pasyenteng hindi Covid-19 ang sakit – maliban na lang sa mga kaso ng emergency operations. Samantala, sa Fabella Hospital, nakakaranas umano ng gutom ang mga personnel ng ospital na nakakuwarantina dahil sa exposure sa Covid-19. Hindi sila sapat na napadadalhan ng pagkain. “Maraming health workers sa isolation area ang wala ngang sapat na kama,” sabi pa ng AHW.

“Sa labang ito na nakataya ang buhay ng health workers at hindi kami makaasa ng suporta sa gobyernong ito, pinasasalamatan at sinasaluduhan natin ang kapwa health workers sa walang-pagod na serbisyo sa mga mamamayang Pilipino,” sabi ni Benjamin Santos, pangkalahatang kalihim ng AHW.

Napakababang bilang ng testing

Sa nabanggit na Second Opinion podcast, pinaalala nina Dr. Nisperos ang isa sa mga rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) para mawakasan ang mga lockdown at mapahupa ang pandemya. Pangunahin dito ang pagpigil ng transmissions. Kasama rito ang pagpapalakas ng kapasidad ng mga bansa para sa Covid-19 testing.

Testing sa sapat na bilang ng mga tao ang makakapagsabi kung gaan kakalat ang Covid-19 sa naturang bansa. Sa kaalamang ito, mas sistematiko at siyentipikong matutugunan ang pagkalat ng sakit.

Pero sa kabila ng papataas na bilang ng mga kaso, napakababa pa rin ang kapasidad ng bansa sa testing. Paliwanag ni Prop. Cayton, nasa 44,561.57 ang average na bilang ng mga taong napapasailalim sa Covid-19 testing sa loob ng isang linggo (Marso 14 hanggang 21). Umabot sa 51,663 ang bilang ng tests na naisagawa sa isang araw noong Marso 20. Napakababa ito para malaman ang tunay na inaabot ng sakit sa bansa.

Isang paraan para malaman kung sapat na o kulang pa ang testing na naisasagawa sa bansa ay ang tinatawag na positivity rate. Sa isa pang webinar ng Agham noong Marso 24, sinabi ni Dr. Jomar Rabajante, miyembro rin ng UP Covid-19 Pandemic Response Team, na nasa 15 porsiyento ang aktuwal na arawang positivity rate, o kung ilang porsiyento ng mga nate-test ang nagpopositibo. Pagtuntong ng Marso 28 hanggang 30, pumapalo na sa 20 porsiyento ang positivity rate sa bansa, ayon mismo sa DOH.

Paliwanag ni Prop. Cayton, dapat ay nakakapag-test na ang bansa ng 130,000 indibidwal kada araw. Sumang-ayon dito si Dr. Rabajante. Sa press conference naman ni Roque sa Malakanyang, inamin niyang kailangang ma-test ang aabot sa 100,000 katao kada araw.

Pero hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito, nasa 40-50,000 pa lang ang nate-test araw-araw. Nananatiling malaking bahagi ng testing centers ay pribado at nagpapabayad – sa halagang P2,000 hanggang P5,000, depende sa kung gaano kabilis lumabas ang resulta.

Nalala tuloy ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH) ang atrasadong reyalisasyon ni Pangulong Duterte mismo noong Disyembre 2020 na mahalaga ang “mass testing” sa pagwakas sa pandemya. “Noong Disyembre 2020, dumulo ang atrasadong mga reyalisayson ng Presidente sa sinasabing inisyatiba ng DOH na iskema para maging libre at mas abot-kamay sa mga mamamayan ang testing,” sabi ng CPRH.

“Halos apat na buwan na ang lumipas, hindi pa ito nagaganap…(Ang) set price ceiling na P3,800 hanggang P5,000 (kada test) ay mataas pa sa maksimum na case rate ng PhilHealth para sa testing na P3,409…(I)big sabihin, maraming pasyente pa rin ang naglalabas ng pera para sa PCR testing.”

Kapos din sa contact-tracing

Ganoon din ang problema kahit sa contact-tracing: napakaliit ng bilang ng nate-trace. Ayon kay Dr. Cabral, sa bawat isang taong nagpopositibo sa Covid-19, aabot dapat sa 37 katao ang nate-trace. “On average sa bansa, mga 4-5 tao lang ang nata-trace – household members lang,” sabi niya.

Kinumpirma ito mismo ng “contact-tracing czar” ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng rehimeng Duterte na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Sa pagdinig ng komite sa kalusugan sa Kamara nitong Marso 30, inamin ni Magalong na mula huling bahagi ng Pebrero hanggang nitong huling linggo ng Marso, tila bumaba pa ang contact-tracing sa buong bansa.

Noong Pebrero 28-Marso 14 nasa 1:7 ang contact-tracing ratio sa bansa. Ibig sabihin, sa bawat isang nagpopositibo, pito ang nate-trace o natutunton na may “close contact” o nakalapit sa nagpositibong tao. Pero nitong Marso 15-18, nasa 1:3 na lang ang naturang ratio.

“Technically, walang contact-tracing diyan,” inamin pa ni Magalong.

Samantala, sinabi ni Roque noong Marso 27 na pinatataas ng gobyerno ang kapasidad sa contact-tracing sa pamamagitan ng paggamit ng StaySafe na application o app sa smart phones. Sa naturang app, maaaring makapag-report at matunton ang mga taong nakasalamuha ng isang nagpositibong tao.

Laganap din sa mga pampublikong estabilisimyento tulad ng mga groserya, restawran, at iba pa, ang pagpapasulat sa contact-tracing forms para kung sakaling may “outbreak” o ulat ng pagkalat ng Covid-19 sa naturang lugar sa isang takdang panahon ay matutunton ang mga taong pumasok sa naturang mga estabilisimyento.

“Yung mga papeles (forms) na fini-fillup natin (sa mga establisimyento), sana nagagamit natin, pero malamang ay hindi,” sabi ni Dr. Javier sa Second Opinion. “Sino po ba ang sa atin ngayon ang nakontak gamit iyung papeles na iyun?”

Paliwanag pa niya, dapat naman talagang digitized o dumaan sa computers ang pagpapasok ng mga detalye para sa contact-tracing. “Pero sa sandamakmak na contact-tracing apps (tulad ng StaySafe) na naglipana, nakakaloka na kailangan mo mismo ng internet para magamit mo iyun,” sabi ni Dr. Javier. “(Pero) hindi dapat nakadepende sa user, kundi doon sa establishment na, at sa pamahalaan na nagkokondukta ng information assessment na iyun ‘yung paano mapapagana ang mga ito.”

Hindi rin naman, aniya, kailangang “high tech” ang contact-tracing. “Ang kailangan ay (pumunta sa mga) komunidad,” sabi pa ni Dr. Javier. Sa “mayayamang bansa” tulad ng Korea at Japan, manu-mano o manual ang contact-tracing – pinuntahan ng contact-tracers ang mga tahanan ng mga nakasalamuha ng bawat nagpositibong pasyente para itest sila, itsek kung may sintomas, at i-isolate kung kinakailangan.

Pero sa halip na gawin ito, iniutos ng IATF, sa panahon ng ECQ, ang pagsasagawa ng “house-to-house” daw sa pangunguna ng mga pulis, para maghanap ng mga “taong may sintomas”. Ang problema rito, ayon kay Prop. Judy Taguiwalo na tagapagsalita ng CURE Covid, “may masahol na record sa paggalang sa karapatang pantao” ang mga pulis na mag-iikot sa mga bahay. Bulnerable umano ito sa pang-aabuso.

Proteksiyong sosyal

Samantala, inanunsiyo nitong Marso 30 ng Department of Budget and Management na inirerekomenda nito ang P1,000 ayuda na “in kind” (hindi cash, kundi sa pamamagitan ng relief goods) sa mga apektado ang kabuhayan dahil sa ECQ.

Nakatakda itong gumastos ng P23-Bilyon lang para sa “assistance” o tulong sa mga apektado ng ECQ.

Hindi ito sapat, at ni wala pa sa kalahati ng minimum wage para sa isang linggo. Hindi ito magagamit pambayad sa kuryente at tubig,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.Kung sa minimum wage ang batayan, sa P500 kada araw, sa limang araw ay P2,500 na yun. Kung ang target ay 22.9 milyong tao sa ECQ area, aabot dapat ito ng P57.25-B para isang linggo ng ECQ.”

Bulnerable pa umano ito sa korupsiyon. “Ang moda ng distribution ay puwede na namang samantalahin ng mga kurap,” sabi pa ni Reyes. “Ibibigay ang pondo sa LGU (local government units) at saka pa lamang bibili ng goods para sa distribution. Sa halip na simplehan lang ang sistema, ginawa pang mas kumplikado ang logistical requirements ng distribution.”

“Walang alam ang IATF sa kung ano ang nangyayari sa ground,” sabi ni dating Sec. Cabral. “Nagugutom ang mga tao. Nagagalit na sila.”

Sa bahagi ng CURE Covid, sinabi ni Prop. Taguiwalo na matagal na itong nananawagan, kasama ang iba pang grupong progresibo, ng libreng mass testing, sistematiko at malawak na contact-tracing, libreng isolation at paggamot sa mga maysakit, at suportang pinansiyal sa mga Pilipinong apektado ang kabuhayan dahil sa pandemya – kahit bago pa ang muling deklarasyon ng ECQ. Nanawagan din sila ng pagbibitiw ni Health Sec. Fransisco Duque at ng retiradong mga opisyal-militar sa IATF – para palitan ng mga eksperto sa kalusugan at iba pang disiplinang may kaugnayan sa pagtugon sa pandemya. Sa bahagi ng mga doktor ng Second Opinion, nanawagan sila ng pagwawakas sa “militarisadong kuwarantina” na dumudulo sa malalang mga abuso at nagpapalala lang sa pandemya.

Nanawagan din ito ng libre, ligtas at epektibong pagbabakuna. “Sinusuportahan din ng CURE Covid ang hiling ng mga organisasyong masa para sa P10,000 ayuda sa mahihirap na mga pamilya,” aniya.

Proteksiyong sosyal

Pero sa halip na pagbigay-ayuda, pagpapalakas ng testing, tracing, atbp. hakbang pangkalusugan, tila namili lang si Duterte sa pagitan ng pagsasara o pagbubukas ng ekonomiya, kuwarantina o pagnonormalisa ng negosyo sa bansa.

Noong Oktubre 2020, nagbigay ng internal na presentasyon si Acting Socioeconomic Planning Sec. Karl Chua ng National Economic Development Authority (NEDA) para kumbinsihin si Pangulong Duterte na buksan na noon ang ekonomiya at wakasan ang mga lockdown. Pinamagatan itong “Impact of Covid-19 on the economy and the people, and the need to manage risk”.

Sa pamamagitan ng serye ng graphs, pinakita ni Chua na Pilipinas ang may isa sa “pinakamahigpit” (“one of the most stringent”) na lockdown o kuwarantina sa buong mundo. Ito rin ang may pinakamalawak na lockdown na sinakop sa isang bansa.

“Sa tantiya ng NEDA, sa bawat linggo ng kuwarantina sa NCR ay nagbabawas ng 0.10 hanggang 0.28 percentage points sa potensiyal na taunang GDP (gross domestic product) na 6.5 porsiyento,” ayon sa isang slide ni Chua. “Mawawalan pa ng P3.8 Trilyong kita ang NCR kung magpapatuloy ang GCQ hanggang Disyembre 2020,” sabi pa sa isang slide.

Para bigyan-katwiran ang argumento nitong dapat buksan na ang ekonomiya, sinabi ng presentasyon ni Chua na “signipikanteng” tumaas na raw ang kapasidad sa Covid-19 testing ng bansa. “Nagdulot ang pagtaas ng testing sa mas maraming kumpirmadong kaso, pero ang signipikante ang pagbaba ng case fatality rate (mga namatay),” ayon sa isa pang slide.

Ikinatuwa rin ng presentasyon ni Chua ang aniya’y paglaki ng bilang ng Covid-19 dedicated beds” sa mga ospital, habang umaabot lang sa 44 porsiyento ng mga kamang ito ang nagagamit.

Samantala, pinrisinta nito ang malupit na epekto ng lockdown sa ekonomiya – ang bumabang kita ng mga kompanya, ang paglobo ng bilang ng mga walang trabaho, paglaki ng “self-reported hunger” (o mga taong inaaming nagugutom sila), pagtaas ng malnutrisyon, at iba pa. Inamin din nitong may “4.5 milyon na karagdagang mahihirap sa 2020.”

Bukas-ekonomiya, bukas negosyo

Pero sa kalagayang ito, sa halip na tugunan ang kakulangan pa rin sa mass testing, contact-tracing at sa pagbigay ng ayuda, ang minungkahi ng NEDA ay pagbukas ng ekonomiya, pagnormalisa ng mga operasyon ng mga negosyo.

“Malakas ang ekonomiya para makarekober. (Pero) pinipigilan ng mga restriksiyon sa kuwarantina ang pagrekober ng ekonomiya,” bungad ng rekomendasyon nito. “Magastos ang mas mataas na kuwarantina para sa gobyerno (sa pamamagitan ng mga subsidyo) at sa mga tao (sa pamamagitan ng pagtugon sa batayang pangangailangan nila at mga problemang pangkalusugan). Pero hindi naman talaga binubuksan ang ekonomiya ng mas mababang antas ng kuwarantina. Para mabuksan ang ekonomiya, dapat sapat pero ligtas ang pampublikong transportasyon.”

“Dapat magbago ang polisiya (ng gobyerno) mula sa total risk avoidance (o pag-iwas sa mga banta) tungong risk management (o pangangasiwa ng mga banta),” sabi pa sa isang slide.

Nangangahulugan ito, ayon sa slides ng NEDA, ng pagpalit ng layunin ng gobyerno mula sa paglimita sa mga kaso ng Covid-19 tungo sa pagtugon na lang sa malala at kritikal na mga kaso, “paglimita sa mga namamatay sa antas na kayang makontrol (manageable level)”. Sabi nito, katanggap-tanggap na raw ang 1.5 porsiyento na namamatay sa kabuuang bilang ng mga kaso. Kailangan din daw masegurong mababa sa 70 porsiyento ang utilization rate o porsiyento ng mga ospital na nagagamit para sa mga pasyente ng Covid-19.

“Nasa 96 porsiyento ng kasalukuyang mga kaso ay asymptomatic (o walang sintomas) o mahina (mild symptoms) kaya mabubuhay sila at kaya nilang alagaan ang sarili nila,” sabi pa sa rekomendasyon ng NEDA.

Sa huli, pinrisinta nito ang problema sa pamamagitan ng isang timbangan: Alin kamo ang mas matimbang, ang pagtugon sa mga nagkaka-Covid-19 o pagtugon sa mga hindi nagka-Covid pero apektado ng lockdown? Ang pasya ng NEDA, mas matimbang ang mas maraming apektado ng lockdown.

Taliwas ang presentasyong ito ng NEDA sa lahat ng rekomendasyon ng mga ekspertong pangkalusugan at sa pandemya, kabilang ang WHO. Para sa NEDA, hindi ayuda kundi simpleng pagbalik sa trabaho kahit walang malawakang testing sa kanilang hanay – ang kailangan ng mga manggagawa at mahihirap. Tutal, tila ayon dito, pahupa na ang pandemya sa Pilipinas noong Oktubre 2020. Dapat “back to business” na ang malalaking negosyo. Malinaw, na nakapaloob pa rin ang NEDA sa framework o kaisipang neoliberal na pinalalaganap ng pandaigdigang mga institusyong pampinansiya tulad ng World Bank at International Monetary Fund na dominado, sa pangunahin, ng bansang Estados Unidos (US).

Pero hindi nga humupa ang pandemya. Nasa proseso na ang rehimeng Duterte ng pagbubukas ng ekonomiya – nakatakda na sanang buksan kahit ang mga sinehan, atbp. noong Marso – nang biglang sumirit muli ang mga kaso. Umabot, at humigit pa, sa 70 porsiyento ang pagkapuno ng mga ospital. At ang mga manggagawa at mamamayan, lalong nawalan ng kabuhayan at sumahol ang kalagayan.

Noong Marso 27, matapos ang deklarasyon ng panibagong ECQ at habang nakapila si Claire dela Fuente at maraming iba pang pasyenteng Pilipino sa labas ng punuang mga ospital, nag-trend sa social media ang #DutertePalpak, #DuterteResign at, kinabukasan sa kaarawan niya, #HappyBDayDuterteResign, at #DuterteAng-HulingKaarawan. Lantad sa social media ang galit sa “palpak” na pagtugon ng rehimeng Duterte sa pandemya.


Featured image: Jeune Aramburo / CAP