Editoryal

Urong-sulong

September 17, 2021

Maraming mamamayan ang nagpahayag ng pagkagulat at pagkainis sa pagbawi ng IATF sa naunang plano nito na ibalik ang Metro Manila sa GCQ.

Samu’t saring reaksiyon at puna mula sa iba’t ibang sektor ang inani ng biglaang pag-aanunsyo ng pamahalaan noong Setyembre 7 na mananatili ang Kamaynilaan sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Setyembre 15.

Sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ipinagpaliban ang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) with alert level system na nagsisimula dapat noong Setyembre 8.

Maraming mamamayan ang nagpahayag ng pagkagulat at pagkainis sa pagbawi ng IATF sa naunang plano nito na ibalik ang Metro Manila sa GCQ.

Ilang mga negosyante at empleyado, lalo na ang mga nasa food industry, ang umalma sa desisyon dahil nakapaghanda at nakapamili na ng mga kakakailanganin ang mga establisyemento sa muling pagbubukas sana sa susunod na araw.

Giit ng mga may-ari ng mga establisyemento, hindi biro ang gastos sa paghahanda tulad ng paglilinis ng puwesto, pagre-rehire ng mga empleyado at pagbili ng mga supply para sa muling pagbubukas ng kanilang mga negosyo. Lalong pinalala ng ganitong pamamalakad ang paghihirap, hindi lang ng mga maliliit na negosyante, lalo na ng mga manggagawa.

Ibayong kawalan at kabawasan naman sa sahod ng mga manggagawa at empleyado sa mga negosyong hindi pinapayagang magbukas sa ilalim ng ECQ at MECQ ang dulot ng biglaang pagabawi ng IATF sa huling araw sana ng MECQ at kulang na kulang pa rin ang ayudang pinansyal, kung mayroon mang ipinamahagi.

Maliban sa mga kainan at negosyo na mananatiling nakasara sa loob ng dagdag na isang linggo, sunod-sunod din na nag-anunsyo ang mga simbahan sa Kamaynilaan na hindi muna papayagan ang pisikal na pagdalo sa mga misa at pagdiriwang.

Nag-viral sa social media ang anunsyo ng isang parokya sa Paco, Maynila dahil kapansin-pansin ang tono ng pagkairita sa pabago-bagong desisyon ng gobyerno. Sunod-sunod din ang pag-aanunsyo ng iba’t ibang mga parokya at simbahan na mananatili muna sa online streaming ang mga pagdiriwang.

Mahalaga sanang araw para sa mga Katoliko ang makabalik sa pisikal na pagsisimba noong Setyembre 8 para ipagdiwang ang kapanganakan ng Birheng Maria.

Sa kabila ng mga reaksiyon at punang ito, walang maibigay na paliwanag si Pangulong Duterte at kanyang mga opisyal na kabilang sa IATF sa biglaan at pabago-bagong desisyon.

Wala ding inatupag ang rehimen kundi maglubid ng mga kasinungalingan at paratang sa mga kritiko sa halip na gawin ang tungkulin nitong gumawa ng makabuluhang patakaran at hakbang sa lumalalang krisis dala ng pandemya.

Patuloy na nasa kritikal na antas ang kapasidad ng mga ospital at pagamutan, iginigiit pa rin ng mga manggagawang pangkalusugan ang maayos na benepisyo at sahod, kulang ang supply at mabagal pa rin ang pagbibigay ng bakuna sa mamamayan, hindi sapat ang pinansyal na tulong sa mga nawalan ng trabaho at kabuhayan, at marami pang problemang nagpatong-patong na sa mahigit isang taong kainutilan at kapabayaan ng pamahalaan sa mga hinaing at pangangailangan ng mamamayan.

Avatar