FEATURED

Ano ang nakasalalay sa eleksiyon?


Nakasalalay sa balota ng mga botanteng Pilipino ang pulitikal na karera ng mga tatakbo sa halalang 2022. Ngunit ano pa ang nakasalalay sa halalan, bukod sa pagpili ng mga mamumuno ng bansa.

Napatunayan na siguro ng nakaraang mga eleksiyon na hindi dapat iasa sa eleksiyon ang makabuluhang panlipunang pagbabago na ninanais ng mga mamamayang Pilipino. Pero sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, sa gitna ng pandemya at mga atake sa karapatan, may ilang kagyat na isyung maaaring matugunan sa paghalal ng bagong mga pinuno. Heto ang ilan sa mga isyung ito.

Pondo at plano para sa pandemya 

Nasa huling tatlong buwan na ng taon pero wala pa sa 25 porsiyento ng populasyon ang may kumpletong bakuna. 

Panghuli rin ang Pilipinas sa 53 bansa ng Bloomberg Covid Resilience Ranking, na sumusukat sa katatagan sa paglaban sa Covid-19 gamit ang datos sa pagbabakuna, tagal at tindi ng mga lockdown, pagiging bukas at handa sa local at international travel, at bilang ng namamatay sa sakit na Covid-19. 

At hanggang sa huling taon nito, “business as usual” ang administrasyong Duterte kung titignan ang 2022 National Expenditure Program nakalaan sa kalusugan at tugon sa pandemya. 

Ang budget para sa maintenance and other operating expenses ng Philippine General Hospital, babawasan ng P130 Milyon. Ang Research Institute for Tropical Medicine na pangunahing testing center para sa Covid-19, kakaltasan ng P170-M. 

“Madaling makita na hindi nakaprograma ang planong 2022 budget para sa kagyat na pagtugon sa Covid-19 at kahirapan,” sabi ni Liza Maza, tagapagsalita ng Council for People’s Development and Governance. 

Ayon sa Filipino Nurses United, sinasalamin naman ng “One Covid-19 allowance” proposal ang kawalan ng maipapamahagi sa kanila sa porma ng ayuda. Okey lang sana kung ginagamit umano ang pera para palakasin ang produksiyon ng ekonomiya at kapasidad nitong makabayad ng utang sa hinaharap. 

Pero malaki umano ang problema kung gagamitin lang ito para sa imprastraktura na di dapat prayoridad sa panahon ng pandemya. Malala pa, napupunta rin ang malaking bahagi nito sa korupsiyon. 

“Sa buong mundo, sa lahat ng mga gobyarno (at) bansa, tuluy-tuloy ang paglaki ng utang kasi ginagamit para patakbuhin ang ekonomiya. Ang problema sa Pilipinas, palaki nang palaki ang utang pero ang kakayahan nating magbayad, hindi naman (lumalaki),” sabi pa ni Africa. 

Sa kahuli-hulihan, mga mamamayan din ang magbabayad ng mga utang na ito sa porma ng mga buwis. Ayon pa kay Africa, hindi ang pinaka-mayayayaman at nakikinabang sa mga utang na ito ang pinakamalaking nagbabayad, kundi ang mayorya ng mga mamamayang nasa maralitang sektor at panggitnang uri. 

Umaabot sa 40 porsiyento ng yamang nalilikha sa Pilipinas ay napupunta lang sa isang porsiyento (1%) ng populasyon na pinakamayayaman sa bansa, sabi pa niya. Sa loob pa ng isang porsiyentong ito, may 2,919 bilyonaryong Pilipino na may kabuuang yaman na P8.1-T. Mas mababa pa sila sa 0.003 porsiyento ng populasyon, pero hawak nila ang 16 porsiyento ng yaman ng bansa. 

Iminumungkahi sana ng Ibon na buwisan nang tama ang “superrich” o pinakamayayaman sa Pilipinas. Nais ng grupo na buwisan ang may di-bababa sa P1 Bilyon ng isang porsiyentong buwis. Iyung may P2-B naman, buwisan ng dalawang porsiyento. Iyung may P3- B, tatlong porsiyento, etc. Sa kabuuan, makakakalap sana ang gobyerno ng P467.1-B. 

Pero pinakita ng rehimeng Duterte na hindi ito interesado sa pagbubuwis nang ganito sa pinakamayayaman. Sa kabila ng retorika nitong kontra-“oligarkiya”, nakitang pinaboran nito ang ilan sa pinakamayayamang oligarko ng bansa, tulad ng mga Sy, at nina Lucio Tan, Ramon Ang, Manuel Villar, at lalo pa ang “biglang angat” sa yaman na si Dennis Uy. Sa kabilang bansa, nagbuwis naman ito sa mga maralita at middle class, sa uri ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law. 

Nananatiling ito ang isa sa pinakamahalagang dapat pag-usapan sa kampanya para sa 2022 eleksiyon. Lahat ng mga kandidato sa pagkapangulo, kumuha o kumukuha ng suporta ng mga oligarko. Priscilla Pamintuan

Tindig para sa karapatang pantao 

Sasalubungin rin ng susunod na administrasyon ang kuwestiyon ng pagpapanagot sa libu-libong paglabag sa karapatang pantao ng kasalukuyan. 

Una na dito ang pakikipagtulungan sa magiging imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kay Pangulong Duterte at sa krimen laban sa karapatang pantao. May posibilidad ring baliktarin ng susunod na administrasyon ang pagkalas ng Pilipinas bilang member-state ng ICC. 

Sa ngayon, malinaw ang tindig ng gobyerno: bawal pumasok sa bansa ang mga imbestigador ng ICC at wala silang aasahang kooperasyon mula kay Duterte. 

Sa lokal na pagrespondo sa krisis sa karapatang pantao, nariyan ang Inter-Agency Committee (IAC) na binuo sa ilalim ng Administrative Order No. 35 para makamit ang hustisya sa mga kaso ng extrajudicial killings. 

“Mabagal ang mekanismo [ng komite] sa pagpapanagot ng maysala,” sabi ng Commission on Human Rights. Kasama sa mga nakabinbin pang kaso na hawak ng IAC ang pagpatay kay Randall Echanis at Zara Alvarez. 

Pinapangunahan ng Department of Justice ang komite, kung saan bahagi ang hepe ng Armed Forces of the Philippines, hepe ng Philippine National Police, direktor ng National Bureau of Investigation, Presidential Political Adviser, Interior Secretary, Defense Secretary, Presidential Adviser on Peace Process, at Presidential Human Rights Committee. 

Sa listahan pa lang ng ito, makikita na kung gaano kalaki ang kapangyarihan ng pangulo at kanyang mga itatalaga sa posisyon ng chief at secretary sa iba’t ibang ahensiya. Jobelle Adan

Soberanya

Ang paggigiit sa soberanya at integridad sa teritoryo at pagkakaroon ng tunay na independiyenteng patakarang panlabas ang isa sa magiging hamon sa mga kandidato sa halalan. 

Sa nakalipas na mga taon, patuloy ang panawagan ng mamamayan sa pagtatanggol sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS). 

Paulit-ulit na isinantabi at isinawalang-bahala ng rehimeng Duterte ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, The Netherlands na pabor sa karapatan ng Pilipinas sa mga islang inaangkin ng China sa Spratlys at Scarborough Shoal. 

Pinaigting ng rehimeng Duterte ang ugnayan sa Tsina na lalo namang naglagay sa panganib sa ating kasarinlan sa mga isla sa WPS na mahalagang pinagkukunan ng yamang dagat at pinaniniwalaan ding mayaman sa natural gas. 

Patuloy din ang pandarahas ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino sa WPS na pinagkukunan ng kabuhayan at pagkain. 

Bukod sa tahasang pagbebenta ng mga isla ng Pilipinas sa China, patuloy ang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos sa muling pagbabalik ng Visiting Forces Agreement (VFA) matapos itong kanselahin ni Duterte noong Enero 2020. 

Sa muling pagbabalik at ibayong pagpapatibay ng VFA nitong Hulyo at pagdalaw ni US State Sec. Antony Blinken sa bansa nitong Setyembre, lalong inilalagay ng gobyerno ang soberanya ng bansa at karapatan ng mga mamamayan sa lalong alanganin. 

Nasa kasaysayan na ng ugnayan ng Pilipinas at United States (US) ang mga paglabag ng mga tropang Amerikano sa karapatan ng mga Pilipino sa sarili nating bansa mula noong panahon ng mga base militar ng Amerika hanggang sa mga war game ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa kasalukuyan. 

Kabilang sa mga paglabag ang pagpaslang at panggagahasa sa ating mga kababayan. Kasama na dito ang disgusto ng marami sa iginawad na absolute pardon ng administrasiyong Duterte noong Setyembre 2020 sa pumatay kay Jennifer Laude na si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton. 

Sa pagbubukas ng estado sa lalong panghihimasok ng mga dayuhan sa ating bansa, inilalagay nito ang ating kasarinlan at soberanya sa lalong pang-aabuso sa mamamayan at likas-yaman ng bansa. 

Makakaasa ba ang mga Pilipino na poposisyon ang mga kandidato para sa soberanya, higit pa sa jetski joke papuntang Spratlys ni Pangulong Duterte noon? Marc Lino Abila

Krisis sa paggawa

Matindi ang epekto ng pandemya sa kalagayan sa empleyo ng mga Pilipino. Malaking hamon sa mga tatakbong presidente ang lumalalang kawalan ng trabaho, lalo pa’t magtatagal pa ang Covid-19 lampas 2022. 

Sa datos ng Philippine Sta-tistics Office, umabot na sa 3.9 milyong Pilipino ang walang trabaho nitong Agosto 2021. Mas mataas ito ng 1.5 milyon kumpara sa datos noong Enero 2020. Samantala, tumaas naman ng 183,000 ang bilang ng mga kulang ang trabaho na ngayo’y umabot na sa 6.5 milyong Pilipino. 

Pangamba ng Ibon Foundation, magiging mas malala pa ang kawalan ng trabaho sa bansa kung magpapatuloy ang administrasyong Duterte sa “mahinang tugon sa pandemya, mapaminsalang mga lockdown, at pagkakuripot sa pagbibigay ng ayuda at suporta sa mga apektadong negosyo.” 

Umabot na sa 600,000 trabaho sa mga pribadong negosyo ang nawala mula nang magsimula ang pandemya. Tingin ng Ibon, ang pagliit ng mga regular na trabaho sa mga establisimyento ay bunga ng higit 18 buwang pagpapatupad ng iba’t ibang uri ng lockdown. 

Bukod sa paglala ng kawalang trabaho, nakakabahala rin ang pagtaas ng kulang sa trabaho. Apat sa sampung trabaho sa bansa ay itinuturing na impormal o mga self-employed, trabaho sa maliliit na negosyo ng pamilya, pagkakasambahay, at mga walang bayad na patrabaho sa pamilya. Hindi pa kasama sa tinataya ng Ibon na 19 milyong impormal na trabaho ang kontraktuwal na mga manggagawa sa mga pribadong negosyo. 

Kung magtatagal pa ang pandemya at mananatiling walang maayos na medikal na tugon dito, tiyak na sasahol pa ang kalagayan ng empleyo sa bansa. Bagay na lalong magsasadlak sa maraming Pilipino sa mas matinding kagutuman at kahirapan. Ito ang isa sa mga inaasam ng mga botanteng Pilipino na mawakasan ng susunod na administrasyon. 

Sa mga kakandidato, maaring gawing gabay ang mga mungkahi ng Ibon para sa pagtitiyak ng trabaho sa panahon ng pandemya. Kabilang dito ang pagbibigay ng makabuluhang ayuda at suporta sa mga apektadong negosyo. Dapat ding maglaan ng mas malaking pondo para sa pagtugon sa Covid para tugunan ang kawalan at kakulangan ng trabaho. Neil Ambion