FEATURED Naratibo Uncategorized

Sanay sa sugal at sakuna

Sa dumadausdos na kabuhayan sa Liputan, inanod na rin ba ang tulong at suporta ng gobyerno?

Sa sugal inihambing ni Rogelio Hilario, 69 taong gulang mula sa Liputan, Meycauayan, ang kaniyang 20 taon sa palaisdaan. Lumago ang P60,000 niyang pinangpuhunan noon, pero hindi nagtagal, nalugi siya dahil sa kawalan ng suporta matapos ang mga kalamidad.

“No’ng una nagtatatama ka, parang sugal din. Bandang huli nagtatatalo na ako,” sabi niya, “pinahinto na ako ng misis ko.”

Umabot sa anim na ektaryang palaisdaan ang nirentahan niya sa iba’t ibang bahagi ng Meycauayan-Marilao-Obando River System, dahil na rin sa nagmagandaang-loob at tumulong para lumawak ang dalawang ektarya na pinagsimulan niya. Mula sa pangingisda, nakapagpaaral siya ng mga kapatid, kahit siya mismo grade three lang ang inabot.

Kahit sa kwento lang, binabalikan ni Hilario ang mas masaganang nakaraan.Gia Boragay

Nang dumating ang bagyong Ondoy, halos naglaho ang matagal niyang pinaghirapan.

“Nadali ako ro’n. Huhulihin ko na lang yung bangus,” sabi niya. “Siguro tansiya ko tumapon sa akin doon mga kalahating milyon ang halaga. Yung haharvestin kong isda marami [dapat].”

Pagkatapos nito sumunod ang iba pang bagyo tulad ng bagyong Pedring at ang matinding pag-ulan dala ng habagat. Tingin niya, nasa dalawang milyon ang nawala mula sa lahat ng kalamidad na hinarap nila.

Komunidad nila ang saluhan ng tubig kapag may mga bagyo. “Pag sumabog ‘yung sa kanila [sa ibang palaisdaan], damay ako. Tapon ang isda ko.”

Huminto siya sa pangingisda noong 2014 dahil palugi na siya sa kumukonti niyang huli at humihina na rin ang tuhod gawa ng kaniyang edad.

“Dito sa amin walang ibang ginawa kundi bumaha nang bumaha kaya sila [ng mga residente] pagod na,” sabi ni Zeinada Go, 60 taong gulang, parte ng environment at sanitation committee ng Liputan.

Sa loob ng 26 taon niyang paglilingkod sa kanilang lugar, matagal na niyang inilalapit sa lokal na pamahalaan ang problema sa kanilang tubig at basura. Kahit mayroong deep well bilang pangunahing pinagkukunan ng tubig, aniya, sa mga private company pa rin nauuwi ang pagkuha nila dahil sobrang alat na ng tubig na galing mula sa gobyerno. Kailangan raw talagang bumili ng mineral water na P100 kada tatlong galon.

Samantala, pabalik-balik lang ang mga basura sa kanilang lugar dahil kapag tumaas ang tubig, sa kabilang pangpang napupunta ang mga basura. Kapag naman bumaba na ito, babalik ulit sa kanila.

Litrato ni Gia Boragay

“Mapapagod ka na lang kakatingin. Masasanay ka rin kung dito ka nakatira sa amin,” sabi niya.

Kung sa usapin lang din ng kalinisan para sa Liputan, walang programa o serbisyong dumadating sa kanila para tugunan ang mga problemang ito. Tanging ang mga itinalagang bantay-dagat ng kanilang barangay ang nagtitiyagang maglinis dito kahit hindi lubos na tukoy kung saan nga ba nanggagaling ang basurang nahahakot tuwing madaling araw.

“Mayroong mga namamasyal diyan, nakasakay sa mga speedboat. Titingnan daw nila [yung palaisdaan] at nakalagay DENR,” sabi niya. “Titingnan lang daw pero wala namang ginagawa.”

Minsan, sabi niya, yung mga opisyal mismo ng Valenzuela panay ang speedboat. Nagpa-praktis, pero di naman naglilinis ng basura.

Featured image: Gia Boragay