Militarisasyon ng kalawakan, katawa-tawang pantasya ba?


Rebyu ng Space Force, serye sa Netflix.

Mahabang panahon na ang lumipas mula nang simulan ang space race at ang tinaguriang “star wars” sa pagitan ng Estados Unidos (US) at ng mga Ruso (Russia). Ngayon, may kasama na sila sa masaya (at magastos) na laro ng habulan sa kalawakan.

May kiliti ang Space Force, isang komedya na palabas sa Netflix. Ipinipresenta bilang satire, sa salimbay ng hit and miss na patawa at militaristikong gawi, ang serye tungkol sa pagpupunyagi ng US upang ilunsad ang kanilang programang pangkalawakan. Taong 2020 pa inilabas ang Season 1 ng serye, ngunit ngayong Pebrero 2022 lang nasundan ng Season 2.

Sa kuwento, kaka-promote lang na four-star general ni Air Force Lieutenant General Mark Naird (Steve Carell). Gusto niya sanang kunin ang posisyon ng chief of staff ng Air Force, ngunit itinalaga siya bilang chief of operations ng isang bagong sangay ng armadong puwersa, ang US Space Force. Kailangan umano ito dahil sinabi ng President of the United States (POTUS) sa isang tweet na gusto niya magkaroon ng “boots on the moon” pagsapit ng 2024 (typo daw ang ‘boots,’ at kasama na ito marahil sa kwela ng palabas). Isang techie ang POTUS, ngunit wala siyang pisikal na karakter sa palabas kaya binabanggit lamang ang kanyang mga atas at kagustuhan.

Sa haba ng Season 1, hit-and-miss din ang danas ni Gen. Naird. Isang taon mula nang tanggapin niya ang hamon ng Space Force, salimbayan ang mga pagsubok – nakulong ang kanyang asawa, hindi na nagugustuhan ng kanyang anak na babae ang pinaglipatan nila upang mapalapit sa sikretong erya ng base military (at nakipag-date pa sa isang Ruso na kasama sa space force ngunit pinaghihinalaan ni Naird na espiya).  

Hindi huli ang perwisyo at pagsubok sa pagpapalipad ng isang space satellite. Pinagtalunan ni Naird at ng pangkat ng mga siyentipiko para sa space project kung papaliparin na ang rocket. Namayani si Gen. Naird at pinadala sa kalawakan ang satellite, ngunit agad itong sinira ng isa pang satellite na napag-alaman nilang galing sa bansang Tsina. Sa kahabaan ng serye, at sa dami ng sablay na danas ni Naird, matutunghayan ang problema niya sa kanyang pamilya, at ang pagsubaybay at pamumuno niya sa kanilang mga space mission, at ang umano’y mga agresyon ng bansang Tsina sa kalawakan. (Masayang isipin siguro kung kaya nga ng mga trained animals na nilagay sa mga test flights na mag-ayos ng isang satellite sa kalawakan, ngunit ito ang ‘best option’ ayon kay Naird.)

Banaag sa palabas ang militaristikong ambisyon ng US sa palabas – ang karera para sa militarisasyon ng kalawakan. Una itong nasubaybayan ng daigdig noong dekada 70, at nagkarera ang US at ang dating Union of Soviet Socialist Republic (USSR) para sa kung sino ang unang makakapagpadala ng tao sa buwan. Unang napadala ng USSR ang asong si Laika sa kalawakan, ngunit ang Apollo 11 mission ng US ang naglagay kay Neil Armstrong bilang kauna-unahang tao sa buwan.

Sa makabagong panahon, umuusad muli ang space race, na ngayo’y sinalihan na ng iba pang bansa na umuunlad ang teknolohiya katulad ng Tsina at ng India. May halaga marahil kung bakit kasama ang dalawang bansa sa palabas, lalo na ang ipinakita na napakalaking satellite ng Tsina na sumira sa satellite ng US, at ang pinakikitang agresyon nito laban sa US – bukod sa pagsira sa satellite, sinagasaan ng isang Chinese moon rover ang lunar flag assembly ng US.

Banaag rin ang politika ng US sa paghahanap ng malaking pondo para sa space project. Natural na itong gawi marahil ng lahat ng armadong puwersa ng mga bansa sa ngalan ng militaristikong lakas. Ngunit mas matutunghayan ang kaisipang militar sa bawat pagpapasya at pinagdadaanan ni Naird. Sa mga sablay niyang desisyon na magpalipad ng isang rocket, halimbawa, may katumbas na halaga na dapat mailalaan sa iba pang bagay katulad ng paaralan at edukasyon (bagay na ipinapakita ng kanyang anak na hirap sa pag-aaral).

May militaristikong lapit rin siya sa mga bagay-bagay – gusto niyang bombahin pabalik ang nasirang parte ng satellite, halimbawa – at marahil gusto niyang ipakita na ang kanyang mga desisyon bilang isang dekorado at batikang military personnel ay mas angat at mas mabisa kaysa sa pangkat ng mga siyentipiko.

Ipinapakita bilang isang komedya at kakatawanan ang danas ni Gen. Naird, at ng armadong puwersa ng US, sa Space Force. Ngunit hindi biro na maaaring totohanin o isinasagawa na nila ang balaking militarisasyon ng kalawakan.

Sa ngayon, lasapin muna natin ang pantasya kasama mga kakaibang pakikipagsapalaran ni Naird para maabot ang pangarap ng US na okupahin ng armadong puwersa nila ang buwan at ang kalawakan.