Editoryal

Kapangyarihan ng iisang pagkilos

March 31, 2022

Ganito nagtagumpay ang pagpapatalsik noon sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at ganito rin posibleng magtagumpay muli ang mga tao laban sa sinumang susunod sa yapak ng tiraniya.

Sa Emerald Avenue, Pasig, sabay-sabay kumanta ng Lupang Hinirang ang lagpas sa sandaang libong mga dumalo sa campaign rally ng Robredo-Pangilinan tandem. Nakakapangilabot ang eksena. Pero hindi dito nagtatapos ang imahe ng libo-libong nagkakaisang mamamayan.

Sa Tondo, sama-samang nagmartsa ang masa na sumusuporta sa Makabayan bloc. Labas sa mga ganap sa halalan, nariyan ang mga makapangyarihang litrato ng mga tsuper at mangingisda sa kanilang protesta laban sa oil price hike. Magkaibang sektor ito, pero nagkakasalubong ang adhikain.

Ngayong papalapit ang eleksiyon, may sapat na dahilan naman para ilista at pansinin kung sino ang sinusuportahan ng iba’t ibang political dynasty, mga naghahari-hariang opisyal sa mga lungsod at rehiyon. Syempre, maapektuhan ng mga endorsement na ito ang direksyon ng halalan dahil sa mga hayag at hindi hayag (under the table) na dahilan. Kaninong apelyido ang makakapagparami ng boto?

Pero may ibang bigat ang pag-endorso ng mga mamamayan, ng mga sektor na pinag-iisa ng danas at layunin. Kapag dumadaluyong ang lehitimo na suporta ng masa para sa isang kandidato o grupo, ibigsabihin naniniwala – namamag-asa, nananawagan – ang mga sektor na makakaagapay ang mga kandidato sa laban para sa makabuluhang pagbabago.

Ito ang ipinaalala sa atin ng mga kampanya: may kapangyarihan ang nagkakaisang mga mamamayan. Sa sama-samang pagkilos, may kapasidad ang pinakamahihirap, pinaka-inaapi para ibaling sa tamang direksiyon ang pag-unlad sa Pilipinas.

Para maging epektibo ito, dapat nakaugat ang pagkakaisa sa pag-intindi sa sitwasyon ng bansa, at sa pagbuo ng plano para baguhin ang umiiral na kalagayan, para sa kapakanan ng mga tao.

Hindi yung bubuo ng pagkakaisa na nakasalalay sa sabayang paglimot ng kasaysayan. O kaya naman ay pagkakaisa na walang pundasyon at plano para sa ikabubuti ng masa. Huwad ito at walang tunay na lakas. Parang kastilyong buhangin na guguho oras na dumaan sa pagsubok.

Kasaysayan na rin naman ng Pilipinas ang patunay: hindi lang numero ang nagpapalakas sa pagtitipon ng mga tao – paninindigan at pag-asa, kailangan rin. Ganito nagtagumpay ang pagpapatalsik noon sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at ganito rin posibleng magtagumpay muli ang mga tao laban sa sinumang susunod sa yapak ng tiraniya.

Maiging paalala rin ito sa mga diktador at nagbabalak bumuo ng monopolyo ng kapangyarihan:  Kayang-kaya ng mulat at nagkakaisang masa maging mapagpasya at maningil ng hustisya. 

 

Litrato mula sa VP Leni Robredo Facebook Page

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.