Dekanong Makabayan

Hindi masasayang ang boto mo! Sigurado tayo kay Leni-Kiko!

May 4, 2022

Piliin na natin ang kandidatong walang bahid ang track record at walang disqualification case laban sa kanya. Hindi masasayang ang boto mo. Hindi masasayang ang pagtaya mo.

Ilang araw na lamang ay eleksyon na. Kabi-kabila ang mga rally at mga sortie sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Patuloy ang pangungumbinsi at panliligaw ng mga kandidato at kanilang mga tagasuporta.

Sa kabila nito, may mga nakabinbin pa ring kaso si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa  Commission on Elections (Comelec) para sa diskuwalipikasyon ng kanyang kandidatura sa pagka-presidente.

Ano ba ang ibigsabihin ng mga disqualification case na ito? Kung sakaling manguna man si Marcos, Jr. sa botohan, may posibilidad na mapawalang-bisa ang kanyang kandidatura at mapalitan ng mananalong bise-presidente. Sa madaling salita, masasayang ang boto ng tao.

Ipaliliwanag ko sa mas simpleng paraan kung tungkol saan ang mga disqualification case na hinaharap ni Marcos, Jr. Ang unang hakbang ay sa Comelec Division na binubuo ng 2-3 na Comelec Commissioner.

 Noong ika-17 ng Enero, dinesisyunan ng Comelec Second Division ang petisyon upang kanselahin ang certificate of candidacy ni Marcos, Jr. sa pagka-pangulo. Sinabi ng petisyon na nagkaroon ng “false material representation” o hindi makatwirang pagsagot sa certificate of candidacy noong hindi isinulat ni Marcos, Jr. ang kanyang conviction sa tax evasion at hindi pagsusumite ng tax return sa BIR noong 1990s. Ibinasura ito ng Comelec.

Noong ika-10 ng Pebrero, dinesisyunan naman ng Comelec First Division ang petisyon upang ideklarang disqualified si Marcos, Jr. sa pagka-pangulo. Sinabi ng petisyon na isang “crime against moral turpitude” o krimen na nagpapakita ng baluktot na moralidad ang hindi pagsusumite ni Marcos, Jr. ng tax return noong 1983-1986, at isang disqualification sa pagka-pangulo. Ibinasura rin ito ng Comelec.

Ang ikalawang hakbang ay sa Comelec en banc na binubuo ng 7 na Comelec Commissioner, kung saan nakabinbin ngayon ang mga inapelang kaso. Kung mapapansin, ang mga kaso ay dalawa o tatlong buwan nang naghihintay madesisyunan. Kung itatanong ninyo kung matagal na ba ito? Oo, matagal at nakakabahala.

Ang pangatlo at huling hakbang ay sa Korte Suprema. Sila ang may huling salita kung madi-disqualify nga ba si Marcos, Jr. o hindi. Sa bagal ng takbo ng mga kaso, sigurado na madedesisyunan lamang ng Korte Suprema ang mga ito pagkatapos ng ika-9 ng Mayo o ang nakatakdang araw ng Halalan 2022.

Muli, tulad ng sinabi ko kanina, kung sakaling manguna si Marcos, Jr. at kalaunan ay sabihin ng Korte Suprema na disqualified siya maging pangulo, masasayang ang boto ng tao.

Kung siya ang iboboto mo, may posibilidad na masayang ang boto mo.

Kaya naman, simple lamang ang gusto kong ihain na tanong sa inyo. Gusto mo bang isugal na mabalewala at masayang ang boto mo dahil lang hindi sigurado ang hinaharap ng kandidato mo? Gusto mo bang tumaya sa kandidatong may mga disqualification case? 

Huwag na! Pumili na ng sigurado. Piliin na natin ang kandidatong walang bahid ang track record at walang disqualification case laban sa kanya. Hindi masasayang ang boto mo. Hindi masasayang ang pagtaya mo.

Dito ko naman ipapakilala sa inyo ang tambalang Leni Robredo at Kiko Pangilinan. Sigurado ako, kilala niyo na sila! Subalit, hayaan ninyong ipaliwanag ko sa inyo kung bakit hindi masasayang ang boto ninyo sa kanila.

Sila ang may pinakasolidong plataporma para sa bawat pamilyang Pilipino, lalo na sa mga batayang sektor ng mga magsasaka, mangingisda, maralitang tagalungsod at taganayon, katutubo, kababaihan, kabataan, at mga manggagawa.

Bago sumabak sa pulitika, si Leni Robredo ay naging abogado ng mga magsasaka at mga marhinalisado sa loob ng ilang dekada. Siya rin ay naging guro ng ekonomiks habang nag-aaral ng abogasya. Nang maging Congresswoman noong 2013 at maging Vice President noong 2016, pinatunayan niya na hindi niya kinakalimutan ang mga nasa laylayan ng lipunan at totoong nangangailangan sa kanyang Angat Buhay Program.

Nitong pandemya, rumesponde ang kanyang opisina sa pagbibigay ng mga libreng shuttle at dormitory para sa mga healthcare workers at ng mga gamot at medikal na kagamitan sa publiko. Sa bawat sakuna, mapa-bagyo man o pagputok ng bulkan, palaging nariyan kaagad ang kanyang tulong.

Si Kiko Pangilinan naman ay higit 18 taon nang Senador ng Pilipinas. Mula pa noong estudyante siya ng abogasya sa University of the Philippines, namuno na siya bilang student leader. Kilala siya sa kanyang mga isinulong na batas para sa agrikultura at kapakanan ng mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at ito rin ang kanyang inihahain sa pagtakbo bilang Vice President ngayong 2022.

Kung hindi pa sapat ang mga bagay na ito, silang dalawa ay wala ni isang bahid ng korupsiyon o pagnanakaw sa pamahalaan.

Malinis at matinong pamamahala ang kanilang isinusulong, sapagkat ito ang susi upang maiangat ang buhay ng lahat, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Walang masasayang! Sulit ang boto! Kay Leni-Kiko, sigurado tayo!


Featured image: Boy Bagwis
Avatar

Atty. Antonio La Viña

Isang lider, guro, manunula, at abogado si Dean Tony La Viña. Tatlong dekada na siyang manananggol ng karapatang pantao, lalo na ang karapatan ng mga katutubo. Isa rin siyang kilalang climate at environmental justice advocate hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Siya ang abogado ng Save our Schools Network at Lumad Bakwit Schools, Kabataan Partylist, at Masungi Georeserve. Isinilang at lumaki sa Mindanao si Dean Tony. Nagsusulat din siya para sa Rappler, Manila Standard, at Mindanews. Kasaluluyang miyembro siya ng Board of Trustees ng Pinoy Media Center at Lead Convenor ng Movement against Disinformation.