Pagsirit ng presyo, di naman mataas – BBM


Sa huling survey ng Pulse Asia nitong Hunyo, lumabas na ang kagyat na pagtugon sa nagtataasang presyo ng bilihin ang pinakamahalagang usapin para sa mga Pilipino ngayon. Mahalagang usapin rin kaya ito para sa bagong administrasyon?

Pagsirit ng presyo, di naman mataas - BBM
Pagsirit ng presyo, di naman mataas - BBM

Hindi na poproblemahin ng maraming Pilipino kung tiklupin o hindi ang bagong 1 libong piso. Sa mahal kasi ng mga bilihin, tiyak na magkaroon man sila nito at hindi rin magtatagal para malukot sa bulsa.
Nitong Hunyo, pumalo sa 6.1% ang tantos ng implasyon sa Pilipinas, pinakamataas sa loob ng apat na taon. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pangunahing nagtaas ng presyo nitong Hunyo ang mga bilihin at bayarin gaya ng pagkain,transportasyon, damit, upa sa bahay, tubig, kuryente, kalusugan at iba pang personal na pangangailangan at serbisyo.

Dahil pagsirit ng presyo, bumaba ang tunay na halaga ng piso na ayon sa PSA ay katumbas na lang ng 87 sentimos. Ito na ang pinakamababang halaga ng piso mula noong 2018. Ibig sabihin, mas kaunti na ang mabibili nito kumpara sa nakalipas na apat na taon.

Kung hindi agad matutugunan ang implasyon, tataas pa ito at mas iindahin ng mga PIlipino ang epekto nito sa mga susunod na buwan, ayon sa PSA. Tantiya ng mga ekonomista, maaring umabot pa ang tantos ng implasyon hanggang 7% sa Nobyembre.

Pero sa una, hindi sumang-ayon ang bagong upong Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa inilabas na datos ng PSA.

“Hindi naman tayo ganyan kataas [ang implasyon],” aniya.

Sahod, naiwanan

Mula 2021, tuloy-tuloy na ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin tulad ng manok at baboy. Nitong nakaraang mga linggo, tumaas ang presyo ng bigas, itlog, gulay, prutas, pamasahe sa jeepney at bus, at maging ang singil sa kuryente.

Dahil dito, hindi nararamdaman ng manggagawa ang kadaragdag lang na P33 sa minimum na sahod sa National Capital Region at Western Visayas noong Mayo.

Ayon sa Business Mirror, mas mababa pa ang purchasing power o kakayahang bumili ng mga maralitang Pilipino na kabilang sa 30% na pinakamahirap na pamilya sa bansa, na umaabot lamang sa P0.72. Ang pagtaas ng presyo ng pagkain ay kumakagat na ng halos kalahati ng kinikita ng mahihirap.
Kasabay ng paglobo ng implasyon ay ang paghina ng piso kontra dolyar. Bumulusok ang piso sa pinakamababa nitong halaga sa loob ng 17 na taon, P56 katumbas ng USD 1. Ngunit maging ang mga OFW at kanilang pamilya ay hindi nararamdaman ang pagtaas ng remitans na kanilang naipapadala dahil agad itong nababawi ng implasyon.

Implikasyon ng mahinang piso sa ekonomiya ng Pilipinas ang lalong pagtaas ng presyo ng mga produktong inaangkat gaya ng langis, pagkain, at maging ang mga materyales na kakailanganin para sa proyektong imprastraktura.

Walang magagawa?

“Wala naman tayong magawa,” ani Marcos, sa walang-prenong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. “Wala tayong masasabi, wala tayong magagawa kung nag-giyera ang Ruso, Ukraine, magtataasan ang presyo ng langis.”

Subalit matagal nang pinabulaanan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na ang gera sa pagitan ng Ukraine at Russia ang dahilan sa taas-presyo. Sa katotohanan, 0.4% lamang ng inaangkat na petrolyo ng Pilipinas ang nagmumula sa Russia, kumpara sa 31% na nakukuha sa Tsina. Sa madaling salita, hindi kapani-paniwala na ang napakaliit ng porsyentong inaangkat mula sa Russia ay nagkakaroon ng napakalaking epekto sa pagtaas sa presyo ng langis.

Taliwas sa pagkikibit-balikat ni Marcos, ilang solusyon ang inihapag ng Ibon Foundation para pagaanin ang dagok ng implasyon sa ekonomiya. Isa na rito ang pagtanggal ng excise tax at value added tax (VAT) sa produktong petrolyo, na magdudulot ng 18% na pagbaba sa presyo. Hindi pa din huli ang pagbibigay ng ayuda para sa Ibon, ngunit ang P500 na subsidyo ay hindi na nakasasapat para habulin ang taas-presyo.

Hindi na bago ang mga solusyong iminungkahi ng Ibon. Pebrero 2022, nanawagan na ang Makabayan Bloc sa administrasyong Duterte na suspendihin ang excise tax para mapababa ang presyo ng langis. Karagdagan ding panawagan ang pagbabasura ng Oil Deregulation Law upang magkaroon ng kontrol ang gobyerno sa presyuhan sa merkado, ang agarang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga tsuper at operator, ang pagbibigay ng ayuda, at ang pagpapatupad ng P750 national minimum wage.

Ngunit pareho lang ang dahilan nina Duterte at Marcos sa pagtanggi sa mga mungkahing ito. Anila, P117 bilyon ang mawawala sa gobyerno ng Pilipinas kung walang excise tax. Pareho rin sila ng solusyon – taasan ang buwis. Pareho rin silang nangako sa mga maralitang mamamayan ng ayuda, pero sa karanasan, usad-pagong ang pagdating nito. Samantala, nagbibigay naman ng insentibo sa malalaking negosyo at naglalaan ng bilyun-bilyong pondo sa imprastraktura.

Banta ng Ibon, kung ipagpapatuloy ni Marcos ang mga patakaran ni Duterte, patuloy na sasadsad ang krisis pang-ekonomiyang hinaharap ng Pilipinas. Kailangan din umanong aminin ng administrasyon ang implasyon bago ito masolusyunan.

Sa huli, sinabi rin ng Ibon na kailangang gawing prayoridad ng bagong pangulo ang pagtugon sa mga kagyat na krisis – paglobo ng bilang ng walang trabaho, pagbansot ng ekonomiya, sa agrikultura at manupaktura, napakaliit na kakayanang lumikha ng bagong trabaho, at pananatiling mababa ng sweldo habang sumisirit ang presyo ng bilihin.